top of page
Search

ni Sonny Angara @Agarang Solusyon | Marso 16, 2024


Isasa sinasabing bumubuhay sa ekonomiya ng isang bansa ang kanyang turismo. Kung masigla ito at mataas ang antas, ibig sabihin, makatutulong ito sa kabuhayan ng bansa. 


Nang magbukas ang ekonomiya ng Pilipinas matapos ang mahigit 2 taong pandemya ng COVID-19, naging malaking aspeto sa muli nating pagbangon ang ekonomiya. 


Base sa opisyal na datos ng Philippine Statistics Authority o PSA, umaabot sa 6.2% ang naitulong ng turismo sa economic growth. 


Hindi lamang dahil sa pagdagsa ng mga turista sa bansa ang dahilan kung bakit mabilis ang pagbabalik-sigla ng ating kabuhayan, kundi nakalilikha rin ang turismo ng mas maraming trabaho sa kalakasan ng sektor. 


Ayon mismo sa Department of Tourism (DOT), mahigit 5 milyong Pinoy ang kasalukuyang employed sa ilalim ng tourism sector. 


Ibig sabihin, sa kabuuang bilang employment rate, 11 percent dito ang nasa turismo, o higit sa isa sa kabuuang 10 indibidwal ang nagtatrabaho sa naturang sektor. Nabatid pa sa DOT na sa unang dalawang buwan ng taon (2024), nakapagtala na sila ng 1.2 milyong foreign visitors sa bansa. 


Nitong Marso 5, ayon sa ahensya, may kabuuan nang 1,227,815 ang naitalang international tourist arrivals sa Pilipinas. At ang target ng DOT bago matapos ang taon ay kailangang maabot nito ang 7.7 million arrivals. Pinatutunayan lamang ng mga naglalakihang datos na ito na may malaking potensyal ang sektor na umarangkada pa sa mga susunod na panahon. Isa sa mga nakikitang growth jumpstart ng turismo ang diving industry, na ayon kay Tourism Secretary Christina Frasco ay nakapag-contribute ng P73B sa kita ng bansa noong 2023. Nangangahulugan na dumoble ang kita ng Philippine tourism mula sa P37B noong nakaraang taon. Hindi masyadong kataka-taka na lumulobo ang growth figures ng diving industry sa ‘Pinas dahil ginawaran ng parangal ng World Travel Awards ang bansa bilang Asia’s Leading Dive Destination noong 2023. Ito na ang ikalimang ulit na nakuha natin ang nasabing award. 


Mababatid na isa ang Pilipinas sa 17 mega biodiverse countries sa buong mundo, kung saan 20,000 uri ng halaman at hayop na makikita rito ay hindi makikita sa iba pang panig ng globa. Mayroon din tayong 2.2 million square kilometers of natural resources at higit 500 uri ng corals at 2,000 uri ng isda ang matatagpuan sa ating mga katubigan.


Ito ang isa sa mga dahilan kung bakit isa tayo sa mga napipiling diving destinations sa buong daigdig.


Ilan sa mga kilalang diving spots sa Pilipinas ang makikita sa Cebu, Palawan, Puerto Galera at maging sa Tubbataha Reef. Bagaman ang ilan pa nating diving spots ay ‘di pa gaanong dinadagsa, unti-unti na ring nakagagawa ng pangalan ang mga ito at inaasahang makikilala na rin sa mga darating na taon. Ang ating lalawigan ng Aurora na kilala sa surfing, ngayon, unti-unti na ring humahataw bilang diving destination. 


Kung inyong matatandaan, isinabatas na noong Agosto 2023 ang pagkilala sa Baler, Aurora bilang birthplace ng Philippine surfing – at pinagtibay ito sa ilalim ng Republic Act 11957. Ngayon, hindi na lamang surfing, kundi maging diving ang kinagigiliwang gawin ng mga lokal at dayuhang turista sa ating lalawigan. Kung dati, kabuhayan lamang ng ating mga mangingisda ang diving, ngayon, nagiging libangan na ito ng casual divers at isa nang competitive sport ng diving professionals. 


Sa kasalukuyan, masasabi nating malaki pa ang iuunlad ng ating tourism industry.


Kailangan lamang ng tamang paggabay at pagsusulong sapagkat sa totoo lang, malaking tulong ang tourism sector sa paglusog ng ating ekonomiya hindi lamang ngayon kundi sa mga susunod pang panahon.


May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa  AGARANG SOLUSYON ni Sonny Angara, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa agarangsolusyon.bulgar@gmail.com

 
 

ni Sonny Angara @Agarang Solusyon | Marso 9, 2024


Dalawampung taon na ang nakalilipas mula nang maisabatas ang Republic Act 9184 o ang Government Procurement Reform Act (GPRA) na inisponsor at iniakda ng aking yumaong ama na si dating Senate President Edgardo Angara.


Ang GPRA ay ikinokonsiderang isang world-class, landmark law na naglalayong resolbahin o labanan ang korupsiyon sa sistema ng government procurement. 


Sa kanyang sponsorship speech, inihalintulad ng aking ama ang talamak na korupsiyon sa gobyerno sa kanser na wala nang lunas at nanunuot na sa burukrasya. Maliliit man o malalaking transaksyon, pinamumugaran na aniya ng anomalya. 


Ayon nga sa isang report ng World Bank, sa pagitan ng mga taong 1982-2002, umaabot na sa $48B ang nawala sa kaban ng Pilipinas dahil sa korupsiyon. 


Kung hindi lang napunta sa nakawan ang halagang ‘yan, malamang, nasagot na nito ang budget deficit ng ‘Pinas noong mga panahong ‘yun at posibleng maganda-gandang surplus pa ang babalik sa atin. Pero napunta lang lahat sa katiwalian. 


At dahil naging mabisa rin ang GPRA laban sa mga “malilikot ang kamay”, sa bandang huli, nakahanap pa rin sila ng paraan upang magtuluy-tuloy ang kupitan sa government contracts. 


Iba talaga ang utak ng mga taong tiwali ang isip. Nu’ng mga nakaraang taon, natunghayan natin ang mga imbestigasyon sa iba’t ibang procurement issues – nar’yan ang mga overpriced laptops para sa mga guro, at ang overpriced facemasks and PPEs. 


Sa totoo lang, hindi lang korupsiyon ang problema ngayon ng GPRA – nar’yan ang mga nasasayang na pondo dahil sa kapabayaan, kakulangan ng bidders at limitasyon sa kakayahan ng mga ahensya ng gobyerno sa procurement activities. 


Sa pag-aaral ng Government Procurement Policy Board na ibinase nila sa 2012 data, lumalabas na halos 50 porsyento ng failed biddings ng government agencies ay dahil sa ‘di maayos na pagpaplano. Anu-anong pagpaplano ba ang tinutukoy natin? 


Isa r’yan ang poor cost estimates, mga problema sa technical specifications o sa terms of reference at ang late submission ng mga ahensya sa kanilang mga purchase request. 


Kaya’t matapos ang tatlong public hearing at 10 technical working group meetings na pinangunahan ng ating komite sa Senado, ang Senate finance committee, nabuo natin ang committee report on Senate Bill No. 2593 o ang panukalang mag-aamyenda sa GPRA. Ang maganda rito, suportado ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr., ang ating panukala. Kung inyong matatandaan, binanggit ito ng Pangulo sa kanyang SONA noong nakaraang taon. 


Aniya, malaki ang pangangailangan nating maamyendahan ang GPRA para mai-adjust sa kasalukuyang panahon ang nasabing batas at para mas maging epektibo. Isa rin ang panukalang ito sa priority measures ng Legislative-Executive Development Advisory Council (LEDAC). 


Nilalaman ng ating GPRA amendments ang mga bagong paraan ng government procurement. Inaatasan din ang Department of Budget and Management (DBM) na lumikha ng isang procurement positions para sa iba’t ibang ahensya ng gobyerno. 


Ito ang sisiguro sa kaayusan ng procurement practitioners para naman magampanan nila nang maayos at epektibo ang kani-kanilang responsibilidad. Makatutulong din ang mga naturang practitioners sa mga ahensyang may problema sa procurement process upang makaagapay sa kanilang mga bibilhin. 


Sa ilalim pa rin ng panukala, hinihikayat natin ang mas marami pang suppliers na makilahok sa government procurement process para magkaroon naman ng maayos na kumpetisyon ng bidders. 


Binibigyang-diin din natin dito ang pagpabor sa domestic supply of goods and services para naman mabigyan ng pagkakataon ang ating mga lokal na industriya na mas magpalago at mas maging competitive. 


Katulad din ito ng ating nilikhang batas, ang Tatak Pinoy Act na naglalayong mas mapalawig ang mga produktong Pinoy hindi lang sa mga lokal na pamilihan kundi maging sa pandaigdigang merkado. 


Diringgin ang ating panukalang pag-amyenda sa GPRA sa mga susunod na araw at umaasa tayo na bago matapos ang taon, tuluyan itong magiging batas. 


May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa  AGARANG SOLUSYON ni Sonny Angara, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa agarangsolusyon.bulgar@gmail.com

 
 

ni Sonny Angara @Agarang Solusyon | Marso 2, 2024


Kamakailan, nilagdaan at pinagtibay ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. ang ating napakahalagang panukalang batas na kung tawagin natin ay ‘pet bill’ – ang Tatak Pinoy Act.


Hindi sa lahat ng pagkakataon ay makikita nating pinagtitibay ng Pangulo ang isang panukalang punumpuno ng pangarap at may potensyal na maging gamechanger para sa ating bansa at sa mamamayan.


Limang taon nating isinulong ang Tatak Pinoy bill. At sa loob ng napakahabang panahon na ‘yan, ‘di na halos mabilang ang mga ginawa nating konsultasyon, pag-aaral at pananaliksik upang masiguro lamang na tayo ay makalilikha ng isang batas na tunay na makabuluhan.


Ang Republic Act 11981 o ang Tatak Pinoy Act na nilagdaan ni Pangulong Marcos ay isa rin sa mga priority bills ng kasalukuyang liderato. Kaya’t malaki ang pasasalamat natin sa ating Presidente sapagkat kaisa natin siya sa pagsusulong ng batas na ito. Naging tulay sa mabilis na pagpasa nito sa dalawang sangay ng Kongreso ang backing ng Punong Ehekutibo.


At liban sa Pangulo, pasasalamatan din natin ang ating mga magigiting na kasamahang senador, gayundin ang mga congressman na nagbigay din ng kanilang buong suporta sa ating panukala. Partikular na pasasalamat sa ating kaibigan na si Congw. Stella Luz Quimbo at kay Rep. Mario Vittorio Marino na author at sponsor ng counterpart bill sa Kamara.


At para lubusan nating maipakilala sa publiko ang Tatak Pinoy Act, nais kong sabihin sa inyo na pinasimulan natin ang pagsusulong nito noon pang 2019. Naging inspirasyon natin sa paglikha ng batas na ito ang Atlas of Economic Complexity, ang pinagtulungang trabaho ng dalawang magagaling na ekonomista na sina Dr. Ricardo Hausmann ng Harvard University at Dr. Cesar Hidalgo, propesor sa University of Toulouse sa France at dating associate professor in media arts and sciences sa Massachusetts Institute of Technology (MIT).


Sa kanilang pag-aaral, napatunayan nila na ang mga bansang nakakapag-produce ng mga mas sopistikado at diverse goods and services ay mas mabilis umunlad kumpara sa ibang mga bansang wala nito.


Sa totoo lang, maayos naman daw ang posisyon natin sa Economic Complexity Index nina Hausmann at Hidalgo – pang-33 tayo sa kabuuang 131 countries noong 2021.


Patunay ito na may malaking potensyal ang Pilipinas na umunlad pa. Ang kailangan lang, linangin at madiskubre natin mismo ang mga kakayahang ito. Isa tayo sa mga bansang sinasabi na fastest growing economies – kumbaga, mabilis din ang pag-unlad natin at kailangan natin itong samantalahin at lalo pang palakasin.


Ito ang nagpasidhi sa kagustuhan nating bumuo ng isang batas na magtutulak sa abilidad ng ‘Pinas. Mahalagang nabibigyang importansya ang papel ng mga industriyang Pinoy sa long-term economic development at sa pagpapayaman sa ating bansa.


Sa tulong ng Tatak Pinoy Act, bibigyan ang mga industriyang ito ng mga kinakailangang tulong upang makasabay sa lakas ng iba’t ibang bansa sa pandaigdigang merkado. Ang esensya ng batas na ito ay mas mabigyang buhay ang ating productive development policy na susuporta sa mga Pilipino at sa kani-kanilang mga produkto.


Kaugnay nito, lilikha ang gobyerno ng isang Tatak Pinoy Council (TPC) na pangangasiwaan ng DTI, NEDA, DOF, DA, DBM, DICT, DILG, DOLE at DOST. Ang TPC ang magsisilbing policy-making advisory body para sa Pangulo at siyang may mandato sa pag-develop at pagpapatupad ng Tatak Pinoy Strategy (TPS). Ang TPS naman ang magsisilbing roadmap o gabay ng gobyerno at ng pribadong sektor sa pagpapalakas sa mga piling-piling industriyang Pilipino na may malaking kakayahang lumikha ng mga sopistikadong produkto at serbisyo na isasabak natin sa global market.


Marami pa tayong pagdaraanan bago natin maabot ang ranggo ng mga pinakamalalaking ekonomiya sa globa. Kumbaga, marami pa tayong ‘bigas na kakainin’ bago natin sila makapantay. Pero sa tulong ng Tatak Pinoy Act, malaki ang pag-asa nating maisakatuparan ang pangarap na ito sa mga susunod na panahon. Darating ang araw, maaabot din natin ang pangarap nating maging isang bansang industriyalisado. 


May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa  AGARANG SOLUSYON ni Sonny Angara, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa agarangsolusyon.bulgar@gmail.com

 
 
RECOMMENDED
bottom of page