top of page
Search

ni Sonny Angara @Agarang Solusyon | April 21, 2024




ree

 

SA limang magkakasunod na pagkakataon, sa loob ng 60 taon ng pamosong international art festival na La Biennale Di Venezia (Venice Biennale), muling naging bahagi at isa sa may magagandang atraksyon sa larangan ng sining ang Pilipinas.

Kabuuang 88 bansa ang kalahok sa Venice Biennale 2024 festival na kabibilangan ng mga bansang Benin, Ethiopia, Timor Leste, Tanzania, Panama at Senegal. Ang ating bansa, muli ay magkakaroon ng sarili nitong pavilion upang solong maipakita ang mga sining ng Pilipino mula Abril 20 hanggang Nobyembre 24, 2024.

Matatandaan natin na unang lumahok ang Pilipinas sa pandaigdigang art festival na ito noong 1964 kung saan, ikinatawan tayo ng ating mga artist na sina Jose Joya na isang pintor at ang iskultor na si Napoleon Abueva. 

Mula noon, hindi na naulit ang ating pagpasok sa Venice Biennale, subalit taong 2015, sa ika-56 taon nito ay muli tayong nakakuha ng pagkakataong maipakita sa mundo ang ating sining. Ang pagbabalik natin sa Biennale ay dahil na rin sa pagpupursige ni Senate President Pro Tempore Loren Legarda at sa pakikipagtulungan ng National Commission for Culture and the Arts at ng Department of Foreign Affairs. Kaya’t nararapat lang na pasalamatan natin ang mga ahensyang ito, partikular si Senator Loren na naging daan upang muli nating maipakita sa mundo ang galing ng Pilipino sa larangan ng sining.

Ngayong taon, dahil may sariling pavilion ang ‘Pinas sa naturang art festival, maipakikita ang mga obra nina Mark Salvatus sa pangangasiwa ni Carlos Quijon, Jr. Ang Mark Salvatus work ay pinamagatang “Sa kabila ng tabing lamang sa panahong ito (Waiting Just Behind the Curtain of this Age)”. 

Ipinakikita nito ang katatagan ni Apolinario dela Cruz o mas kilala sa tawag na Hermano Puli ng lalawigan ng Quezon na ipaglaban ang kalayaang pang-relihiyon sa kasagsagan ng pananakop ng mga Kastila. Makikita rito ang makasaysayang Lucban at Mt. Banahaw.

Liban kay Salvatus, limang Pinoy din ang napiling lumahok sa exhibition, na kinabibilangan nina Pacita Abad, Anita Magsaysay-Ho, Nena Saguil, Joshua Serafin at Maria Taniguchi. Ang titulo ng exhibition: “Foreigners Everywhere” na talaga namang akmang-akma rin sa atin dahil ngayon, kahit saang sulok na yata ng mundo ay mayroong Pilipino. Sa datos nga ng Philippine Statistics Office noong 2020, umaabot na sa mahigit 2 milyon ang mga Pinoy sa ibayong dagat.

Aktibo rin tayo sa paglahok sa Venice Architecture Biennale mula pa noong 2016, kung saan, noong 2021, sa kauna-unahang pagkakataon ay nakatanggap ang Pilipinas ng parangal. Ito ay ang collaborative exhibition na “Structures of Mutual Support” ng GK Enchanted Farm community ng ating mga arkitektong sina Sudarshan V. Khadka Jr. at Alexander Eriksson Furunes.

Nang nakaraang taon naman, sa 2023 edition nito na natapos noong Nobyembre 2023, nagkaroon din ng sariling pavilion ang bansa: ang Tripa de Galina: Guts of Estuary. Sumentro ang exhibition sa isang estero sa Maynila at sa kabuuang komunidad na sakop nito, at ang pagiging bahagi nito sa kasaysayan ng Pilipinas at ang katayuan ng ating mga estero sa kasalukuyang kondisyon ng ating kalikasan.

Mula nang tayo ay maging chairman ng Senate committee on Finance noong 2019, solido na ang ating pagsuporta sa bansa sa paglahok nito sa Venice Biennale. Mula 2020 hanggang 2024, sinisiguro natin na may kaukulang pondo sa ilalim ng pambansang budget ang paglahok natin dito.

Nakatutuwa ring ibalita na sa kauna-unahang pagkakataon ay nakalahok din ang Pilipinas sa Bologna Children’s Book Fair, ang pinakamalaking international fair para sa mga panulat na pambata mula April 8 hanggang April 11, 2024. 

Sa pangunguna ng National Book Development Board at ng Philippine Board on Books for Young People, iprinisinta natin dito ang may 103 na aklat na nagpapakita ng kulturang Pinoy, ang ating pagkakakilanlan, kapayapaan, komunidad at ang kalikasang Pinoy.



May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa  AGARANG SOLUSYON ni Sonny Angara, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa agarangsolusyon.bulgar@gmail.com

 
 

ni Sonny Angara @Agarang Solusyon | April 15, 2024


 

Anglaki pala ng itinaas ng cybercrime cases sa mga unang buwan ng taong kasalukuyan.

Sa report kasi ng Philippine National Police (PNP), lumalabas na mula Enero hanggang Marso ngayong taon, umabot sa 4,469 cases ang naitala ng Anti-Cybercrime Group (ACG). Ibig sabihin, tumaas nang 22 porsyento ng mga kasong ito mula sa 3,668 cases sa mga katulad na buwan noong 2023.


Ayon kay Major General Sidney Hernia, karamihan sa mga kasong ito ay pinangungunahan ng online selling scams, debit and credit card fraud at investment scams. Ani Hernia, dahil dumarami na ang bilang ng mga Pinoy na nakapapasok sa online activities, dumarami rin ang nabibiktima ng cybercriminals.


Sa palagay natin, posible na ang mga biktimang ito ay ‘yung mga bagong pasok lang sa social media o bagong rehistro sa mga online activities. Sila kasi ‘yung mga naninibago pa o baguhan pa lang sa socmed at madali pang mapaniwala sa mga nagkalat na panloloko ng online scammers.


Noong mga nakalipas na taon ng pandemya, tumaas ang bilang ng mga tao sa buong mundo na naging aktibo sa online activities at lumawak din ang technology use tulad ng e-commerce at online transactions sa gobyerno. Dumami ang nagsa-shopping online dahil hindi nga tayo puwedeng lumabas ng bahay sanhi ng mga lockdown. 


Kahit paano, may maganda pa rin namang naidulot sa atin ang exposure sa teknolohiya during the pandemic. Ang nakalulungkot lang, sinamantala rin ito ng mga tiwaling tao na ang naging puntirya ay ang mga customer na madaling mapaniwala.  


Sabihin man nating nakaaalarma ang mga ulat na tulad nito, masasabi pa rin naman nating maganda ang naitutulong sa atin ng teknolohiya dahil ang mundo ay nasa digital age na.


Sa totoo lang, ang mga naglalakihang kumpanya sa bansa ay gumagamit ng teknolohiya sa lahat ng aspeto ng kanilang operasyon dahil mas nakatutulong ito para mas maging mahusay ang kanilang serbisyo at produksyon. Sa pamamagitan ng teknolohiya, napauunlad nila ang kanilang negosyo.


Ang teknolohiya, mula pa noon, kung ating mapapansin ay napakabilis na magbago at maging mas modern sa pagdaan ng panahon. Napakabilis at karamihan sa mga bansa, hindi halos makahabol sa mabilis na technology evolution. Ang AI o artificial intelligence ay isa sa mga napakabilis na modernisasyon sa teknolohiya. Marami man ang bilib na bilib dito, marami rin ang nababahala dahil sa iba’t ibang sitwasyon na maaaring maapektuhan sa paggamit ng AI ng mga kumpanya at industriya.


Nawiwili sila sa paggamit ng AI dahil nga naman sa malaking tulong na nagagawa nito sa pag-analisa at pagproseso ng mga datos. Halimbawa na lamang sa healthcare system – ginagamit na rin ang AI ngayon para mag-diagnose ng karamdaman. Ayon pa nga sa ibang report, mas magaling pa raw minsan mag-diagnose ang mga AI, kumpara sa mga totoong doktor.


Sa agrikultura, nagagamit na rin ang AI dahil napapakinabangan ito ng mga magsasaka sa mga usaping tulad ng automated machinery, pag-monitor ng klima at ng climate change. Malaki rin ang naitutulong ng AI sa pagpapalago ng mga pananim at sa pagpapataas ng agricultural production, gayundin sa kalidad ng mga ani.


Maging ang automobile manufacturers, dumidepende na rin sa AI dahil mas napapa-improve daw ang kaligtasan ng kanilang mga ginagawang sasakyan. Nakatutulong din ang AI sa pag-manage ng traffic dahil alam nila kung paanong iiwasan ang mga delay at ang mga masisikip na trapiko. Kaya rin nitong ma-detect ang mga posibleng aksidente kaya’t magagawan niya ng paraan para maiwasan ang mga ito.


Dahil nakikita natin ang malaking pakinabang sa teknolohiya, malaki ang naging kaugnayan nito sa iniakda nating batas, ang Tatak Pinoy (Proudly Filipino) Act. Sa ilalim ng batas na ito, inaatasan ang Tatak Pinoy Council na makipag-ugnayan sa Department of Science and Technology, sa National Innovation Council, sa Philippine Space Agency, sa mga public and private higher education institutions na may magandang track record sa scientific and technological research, gayundin sa mga relevant industry groups upang matukoy ang mga  advance strategic, market-driven, at customer-centric R&D activities and technology transfer initiatives na pawang mahalaga para maisakatuparan ang nilalayon ng batas na ito.


May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa  AGARANG SOLUSYON ni Sonny Angara, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa agarangsolusyon.bulgar@gmail.com

 
 

ni Sonny Angara @Agarang Solusyon | Marso 23, 2024


Ngayong Marso, ipinagdiriwang natin ang Buwan ng Kababaihan. 


At sa pamamagitan nito, gunitain natin ang kanilang pagtatagumpay sa bawat hamon ng buhay at kung paano nila pinalakas ang kanilang sektor at kung paano sila natulungang maitaguyod ang patas na katayuan sa lipunan. 


Naging saksi tayo nitong nakaraang taon sa napakaraming tagumpay ng kababaihan.


Kabilang d’yan ang pag-qualify ng ating koponang Filipinas sa World Cup para sa larangan ng football. Sa katunayan, ito ang kauna-unahan para sa ating bansa.


Bagaman nabigo sila sa first round ng torneo, kagila-gilalas na napagtagumpayan pa rin nila ang kompetisyon laban sa New Zealand. 


Ang kilalang Pinay actress na gumagawa na ng pangalan ngayon sa Hollywood na si Dolly De Leon ang kauna-unahang Filipina na naimbitahang maging miyembro ng katangi-tanging Academy of Motion Picture Arts and Sciences – ang organisasyong bumuboto sa mga nominado ng prestihiyosong Oscars o Academy Awards sa Estados Unidos. 


Saksi rin tayo sa paggawad ng Order of National Scientist sa pinagpipitaganang pediatrician at dating chancellor ng UP-Manila na si Dr. Carmencita Padilla. Ito ay dahil sa kanyang tagumpay bilang pamosong clinical geneticist. Malaki ang naging kontribusyon ni Dr. Padilla sa newborn screening sa Pilipinas at sa pagtatatag ng Philippine Genome Center na naging instrumento natin sa ating laban sa pandemya ng COVID-19. 


Matagal na nating kilala si Dr. Padilla at ilang ulit na rin tayong nagkaroon ng kolaborasyon sa kanya na ang layunin ay mas palakasin pa ang sistemang pangkalusugan ng bansa. Malaking papel din ang ginampanan ni Dr. Padilla sa lehislasyon ng mahahalagang health measures tulad ng Rare Disease Act of 2016.


Aktibo rin siyang nakikilahok ngayon sa mga pagdinig kaugnay ng isinusulong nating amendments sa Government Procurement Reform Act. Kasama rin siya sa mga pagpupulong ng ating technical working group para aniya, masiguro na magiging epektibo ang research and development ng gobyerno sa larangan ng science at technology. 


At sino ba naman ang hindi nakaaalam sa natanggap na parangal ng Philippine Pop Princess na si Sarah Geronimo nitong Marso 4 lang? Natanggap lang naman niya ang Global Force Award sa 2024 Billboard Women in Music Awards na ginanap sa Los Angeles, California. 


Sa ngayon, 20 taon na kong lehislador. At sa loob ng mahabang panahong ‘yan, ilang mahahalagang batas na rin na nagsusulong sa kapakanan at karapatan ng kababaihan ang ating naipanukala at naisabatas. Nariyan ang RA 9710 o ang Magna Carta of Women na kinapapalooban ng iba’t ibang karapatang pantao ng kababaihan. Ngayon, saksi tayong lahat sa bunga ng batas na ito sapagkat patuloy nang nabubura ang diskriminasyon sa kababaihang pumapasok sa hanay ng militar, pulisya at iba pang uniformed services. 


Sa katunayan, 41,000 na ang ating policewoman at 2,978 sa mga ito ang nasa matataas na katungkulan sa PNP. Sa Armed Forces naman, mahigit 12,000 ang mga babaeng sundalo at marami rin sa kanila ang ngayo’y mga opisyal na. Nariyan sina Col. Francel Margareth Padilla na AFP spokesperson at Col. Jean Fajardo na PNP spokesperson naman. 


Isa rin tayo sa mga author ng RA 11210 o ang Expanded Maternity Leave Law na naging tulay upang mabigyan ng mas mahabang maternity leave ang mga babaeng nagsilang.


Kung dati ay 60 days lamang, ito ay naging 105 days na dahil sa nasabing batas. Ito ay para mas mabigyan sila ng pagkakataong maalagaan ang kanilang bagong silang na anak at mabigyan ng mas maayos na nutrisyon. 


Hindi natatapos sa mga batas na ito ang pagsusulong natin sa kapakanan at kapangyarihan ng kababaihan. Sinisiguro natin na sa mga darating na panahon, mas mapalalakas pa natin ang hanay nina lola, nanay, ate, at tita. 

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa  AGARANG SOLUSYON ni Sonny Angara, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa agarangsolusyon.bulgar@gmail.com

 
 
RECOMMENDED
bottom of page