ni Seigusmundo Del Mundo - @Panaginip, salamin ng inyong buhay | June 24, 2020
Salaminin natin ang panaginip ni Myrna na ipinadala sa Facebook Messenger.
Dear Professor,
Bigla akong napunta sa city sa panaginip ko, pero sa totoong buhay, nasa probinsiya ako at madalang akong pumunta sa Manila.
Sa panaginip ko, naglalakad ako sa isang magandang street. Matataas ang building, sobrang taas at hindi ko tanaw ‘yung nasa tuktok na floor. Nag-iisa lang ako sa panaginip at ang suot ko ay hindi naman panluwas na damit at halos pantulog lang ‘yung suot ko.
Ano ang ibig sabihin ng panaginip ko?
Naghihintay,
Myrna
Sa iyo Myrna,
Dinala ka ng iyong panaginip sa magandang lugar na larawan ng maunlad na siyudad. Ito ay para malaman mo na kailangan mong mangarap, hindi lang para gumanda ang buhay mo kundi upang maabot mo ang iyong matataas na pangarap.
Kaya kung ngayon ay simple lang ang mga pangarap mo sa buhay, gawin mo itong malalaki, matatayog at matataas tulad ng mga gusali na nasa iyong panaginip. Dapat ang ambisyon mo sa buhay ay mga dakilang ambisyon, kumbaga, nakakamangha at nakakatulala kapag narinig o nalaman ng iba.
Maaaring sabihin nila na napakataas at napakatayog ng ambisyon mo kaya sasabihin nila na malabong makuha mo ang mga ito. Kumbaga, hindi mo mararating ang dulo ng iyong tagumpay na para bang sinabi nila walang mangyayari sa iyong ambisyon.
Doon sila nagkamali dahil ayon sa Law of Success, ang tao ay dapat mangarap nang matataas nang sa gayun ay bumagsak man sila, mataas pa rin ang kanilang pagkakalaglag.
Ang isang napakagandang halimbawa ng ganitong pormula ng tagumpay ay ang sa exam sa eskuwelahan. Pangarapin mo ang pinakamataas na grado—hindi mo man makuha ang pinakamataas, sure na mataas pa rin ang iyong magiging marka. Ganundin sa larangan ng pagpapayaman, pangarapin mo na ikaw ang maging pinakamayaman at sa huli, maaaring hindi ikaw ang tanghaling pinakamayaman, pero tiyak na isa ka sa mayayaman.
Kaya tulad ng mga gusali sa iyong panaginip, mangarap ka ng sintaas ng mga ito dahil hindi mo man maabot ang pinakamataaas na kalagayan, mataas pa rin ang antas ng buhay na iyong maaabot.
Hanggang sa muli,
Professor Seigusmundo del Mundo