top of page
Search

ni Seigusmundo Del Mundo - @Panaginip, salamin ng inyong buhay | July 14, 2020



Salaminin natin ang panaginip ni Aguilon Gensis na ipinadala sa Facebook Messenger.


Dear Professor,


Ano ang ibig sabihin ng panaginip na gugupitan ako ng kuko ng kakilala kong patay na?


Naghihintay,

Aguilon Gensis


Sa iyo Aguilon Gensis,


May ilang pagkakaiba ang tao kung ikukumpara sa iba pang may buhay. Kaya ang pagkakaibang ito ay nagsasabi na ikaw ay tao o tayo ay tao. Kumbaga, ang ibang may buhay, halaman man o hayop at iba pa, malaki ang pagkakaiba.


Isa sa mga ito ay kapag tao, nagma-manicure at pedicure. Hindi hinahayaan ng tao na humaba ang kanyang mga kuko. Tao lang ang may ganitong katangian na kung tawagin ay personal hygiene.


Sa biglang tingin, ang pagma-manicure at pedicure ay para lang sa pagpapaganda at ito ay parang walang kinalaman sa hygiene. Pero ang tunay na dahilan kung bakit dapat ayusin ang mga kuko o huwag pahabain ay dahil kapag mahaba ang mga kuko, maaari itong kapitan ng mikrobyo.


Mahirap paniwalaan na ang mga tao, lalo na ang mga babaeng mahahaba ang kuko ay sakitin dahil hindi nila namamalayan na may dala-dala na silang mikrobyo. Noong wala pang COVID-19, ang isa pang mahirap paniwalaan ay kapag mahaba ang kuko ng babae, siya ay pigsain o madalas magkapigsa.


Dahil hindi naman maiiwasan na ang daliri o kuko ay mapunta sa mukha o iba pang bahagi ng katawan, na kapag may mikrobyo sa kuko o daliri, magugulat pa ang maganda at sexy na babae dahil siya ay may pigsa na pala.


Siyempre, ganundin sa kalalakihan na hindi marunong magpahalaga sa kalinisan ng mga daliri at kuko.


Ngayong may COVID-19, mas magandang maiksi ang kuko ng mga tao nang walang mapuntahan ang virus sa mga kuko o daliri. Kaya mapapansin na ang sabi, kapag maghuhugas ng mga kamay, isama ang ilalim ng mga kuko nang makatiyak na malinis ang mga ito.


Pakinggan mo ang mensahe ng iyong panaginip. Keep on living with proper hygiene na tungkol sa manicure at pedicure.

Hanggang sa muli,

Professor Seigusmundo del Mundo

 
 

ni Seigusmundo Del Mundo - @Panaginip, salamin ng inyong buhay | July 13, 2020



Salaminin natin ang panaginip ni Jemma na ipinadala sa Facebook Messenger.


Dear Professor,


Nagtataka ako sa panaginip ko, kaya sana ay mabigyan n’yo ng linaw ang isipan ko.

Lately, napapanaginipan ko na iyak ako nang iyak, eh sa totoo lang, wala naman akong maisip na dahilan kung bakit naiiyak ako dahil wala naman akong gaanong problema ngayon at sa tingin ko, maganda naman ang takbo ng buhay ko.


Ano ang ibig sabihin nito? Mayroon ba akong dapat iyakan o may mga darating sa buhay ko na maiiyak ako? Maraming salamat!


Naghihintay,

Jemma


Sa iyo Jemma,


Simple lang ang dahilan kung bakit ang tao ay nananaginip. Kumbaga, hindi naman gaanong mahirap maunawaan at sa totoo lang, kahit sino, basta tapat sa sarili ay kayang-kayang bigyan ng kahulugan ang kanilang mga panaginip.


Ganito ang sabi ng mga sikolohista, ang mga panaginip ay kailangan ng tao, ibig sabihin, mapapanaginipan niya ang isang bagay, pagkilos o gawain dahil sa tunay na buhay, ‘yun ang kanyang pangangailangan.


Halimbawa, kapag ang babae ay nanaginip na may kaholding-hands, sa tunay na buhay, kung kanyang aaminin ay pinapangarap niya na may kahawak-kamay siya habang naglalakad.


Mapapanaginipan din ito ng mga babae na kahit may boyfriend na ay nagkataong ang kanilang karelasyon ay hindi nakakaunawa sa kahalagahan ng holding hands ng dalawang nagmamahalan. Kaya ang pahabol na kahulugan ay iiwanan ng babae ang kanyang boyfriend na hindi man siya hinahawakan habang sila ay naglalakad.


Sa pag-iyak naman, kapag napanaginipan na iyak nang iyak, sa tunay na buhay ay kailangan na niya talagang umiyak dahil siya ay nagtatapang-tapangan, pero alam niya na siya ay mahina rin.


Kaya ang nagkukunawaring matapang ay naiiyak sa kanilang mga panaginip dahil sa tunay na buhay, ayaw nilang makita ng mga tao na hindi nila kaya ang mga obligasyon, problema at pasanin sa buhay.


Pangkaraniwan, sila ang mga babaeng nag-iisa sa buhay. Minsan, may asawa rin sila o kasama sa buhay, kaya lang, ang kasama nila ay masasabing walang silbi at pabigat pa sa kanila.


May mga mata ang tao at ito ay may luha, ibig sabihin, hindi puwede na hindi siya iiyak. Dahil kapag nagpatuloy siyang nagtatapang-tapangan, mahirap mang paniwalaan ay dadapuan siya ng karamdaman na kahit ang mga dalubhasang doktor ay hindi agad matukoy kung ano ang karamdamag iyon.


Kaya, Jemma, kapag muli kang nabigyan ng pagkakataong umiyak, umiyak ka. Kung ayaw mong makita ng ibang tao, pumasok ka sa iyong silid at isara mo ang lahat ng pinto at bintana, na tulad ng nakasulat sa sagradong aklat na kapag mananalangin ang tao, siya ay dapat pumasok sa kanyang silid.


Bakit kaya may pagkakapareho ang pag-iyak at pananalangin? Dahil ang isa pang totoo, ang pag-iyak ay isang klase rin ng pagtawag sa nasa itaas, as in, ito rin ay prayer na habang naiiyak ka, sabi ni Lord, tiyak na ikaw ay kanyang maririnig.


Hanggang sa muli,

Professor Seigusmundo del Mundo

 
 

ni Seigusmundo Del Mundo - @Panaginip, salamin ng inyong buhay | July 11, 2020



Salaminin natin ang panaginip ni Serolf Zurc na ipinadala sa Facebook Messenger.


Dear Professor,


Napanaginipan ko si Mama Mary kagabi. Nasa bahay ang rebulto, tapos tuwing papasok ako sa bahay, nagsasalita siya. Sabi ng papa ko, magpasalamat ako kay Mama Mary.


Naghihintay,

Serolf Zurc


Sa iyo Serolf Zurc,


Tama ang tatay mo, magpasalamat ka kay Mama Mary. Isipin mo, napakaraming may COVID-19 at napakarami na ring namatay. Bagama’t marami rin ang mga nakarekober, iba kung ikaw ay hindi dinapuan ng COVID-19.


Sa ganitong kalakas na salot, ang tao ay walang laban. Nalilito ang mga dalubhasa at sila mismo ay hindi magkaintindihan kung paano ito lalabanan.


Ikaw din naman, kahit hindi ka kabilang sa mga eksperto, gulung-gulo ka rin at natatakot. Sa ganitong kalagayan, ayon sa iyong panaginip, may tiwala ka kay Mama Mary dahil siya mismo ay gagawa ng paraan para makaligtas ka sa COVID-19.


Pero may isang bagay na dapat mong malaman na “Ang mga rebulto ay hindi dapat sinasamba kahit ito ay imahe ng nasa langit o lupa.” Ang mga salitang ‘yan, letra-por-letra ay sinabi ni God na huwag sasamaba sa mga rebultong gawa ng tao na imahe ng nasa lupa at langit.


Nang sinabi ‘yan ni God, mataas ang boses Niya at mas malakas pa sa kulog na nakipaglaban sa kidlat at sa maniwala ka o hindi, may pahabol pa si God. Ang sabi Niya, “Ako ay seloso.”


Kaya huwag kang magkakamali, ang sinasabing pagsamba kay Mama Mary sa wikang Latin ay “dulia.” Ito ay isang klase ng pagsamba na ang pinagtutunan ng atensiyon ay ang tao o mga banal na nilalang.


Ang huwag na huwag mong gagawin dahil ang tunay na ipinagbabawal ni God ay ang isa pang pagsamba rin na sa wikang Latin ay “idolatria”. Ito mismo ang nasa bawal na bawal gawin o isabuhay kung saan sa wikang Ingles, ito ay “idolatry”, na ang sinamba ay bagay o tao at iba pa na ang pagsamba ay nasa uri ng idolatria.


Sa madaling salita, iisa lang si God. ang mga banal na tao, nilalang at iba pa ay hindi kailaman puwedeng ipantay, itulad o gawing Diyos.


Muli, huwag kang magkamali. Magpasalamat ka kay Mama Mary tulad ng sabi ni tatay mo. Minsan talaga, totoo ang “Father knows best.”


Hanggang sa muli,

Professor Seigusmundo del Mundo

 
 
RECOMMENDED
bottom of page