top of page
Search

ni Seigusmundo Del Mundo - @Panaginip, salamin ng inyong buhay | July 18, 2020



Salaminin natin ang panaginip ni Aurora na ipinadala sa Facebook Messenger.


Dear Professor,


Ano ang ibig sabihin ‘pag madalas mapanaginipan ang ex? Maraming salamat!


Naghihintay,

Aurora


Sa iyo Aurora,


Unang-una, malaki ang posibilidad na ikaw ay napapanaginipan din niya. Kumbaga, madalas ka niyang mapanaginipan, kaya ikaw ay ganundin.


Sa ganitong sitwasyon, ang ex mo ay hindi masaya ngayon o sa mga araw na ikaw ay kanyang napapanaginipan.


Ito ay sa dahilang ikaw ay kailangan niya dahil siya ay hindi masaya at ikaw ang kanyang saya at ligaya, kahit sa panaginip lang.


Ang pangalawa ay kaya mo siya madalas mapanaginipan ay dahil ikaw ang hindi masaya. Ibig sabihin, anuman ang status mo—may karelasyon, mahal, asawa o ka-live-in, hindi ka nakakadama ng saya at ligaya.


Kaya mo kailangan ang iyong ex ay dahil tiyak din naman na minsan, may bahagi ang inyong pinagdaanan na nagsalo kayo sa ligaya at saya.


Pero paano matutukoy sa dalawang pananaw kung alin ang angkop sa buhay mo ngayon? Sa una, ang mga panaginip na kayo ay masaya at ikaw ang nagpapasaya sa kanya. Sa pangalawa, masaya kayo at siya ang nagpapasaya sa iyo sa mga senaryo ng iyong mga panaginip.


Ang una at ikalawa ay may pahabol na kahulugan na nagsasabing ang kasalukuyang status ng love life mo ay magbabago. Kumbaga, kung may karelasyon ka ngayon, darating ang sandali na maghihiwalay na kayo.


Ang iyong panaginip ay paunang balita na may darating ka pang bagong mahal sa buhay.


Hanggang sa muli,

Professor Seigusmundo del Mundo

 
 

ni Seigusmundo Del Mundo - @Panaginip, salamin ng inyong buhay | July 17, 2020



Salaminin natin ang panaginip ni Lorrie Ann na ipinadala sa Facebook Messenger.


Dear Professor,


Dinalaw ako ng kaibigan kong matagal nang patay. Niyayaya niya ako sa mall tulad ng ginagawa namin nang siya ay buhay pa. Pumupunta kami sa mga mall, tapos lakad lang kami nang lakad at tingin nang tingin sa mga kung ano ang maganda sa paningin namin.


Ano ang ipinahihiwatig ng panaginip ko tungkol sa kaibigan ko?


Naghihintay,

Lorrie Ann


Sa iyo Lorrie Ann,


Ang panaginip mo ay wala naman gaanong sinasabi sa kaibigan mo, pero sa iyo ay may masasalamin na katotohanan na ikaw ngayon ay nasasabik nang mag-malling. As in, gusto mong mag-mall tulad ng ginagawa n’yo noon ng kaibigan mo.


Gayundin, okey naman kung mag-mall ka, puwedeng ikaw lang na mag-isa o kaya ay may kasama ka, ang totoo nga ay inirerekomenda ng panaginip na gawin mo ito.


Pero siyempre, sundin mo ang mga panuntunan. Magsuot ka ng facemask, magdala ka rin ng sarili mong alcohol na lagi mong gagamitin habang nasa mall ka. Umiwas ka sa mga tao na habang naglalakad ka ay tatantyahin mo muna distansiya ng mga makakasalubong mo at kailangan ay hindi ka madikit sa kanila.


Umiwas ka rin sa paghawak sa mga nakaaakit na paninda at huwag ka ring hahawak sa mga pader, upuan o iba pang bahagi ng mall.


Kapag may parang madidikit sa iyong tao, lumayo ka agad, kaya dumistansiya ka rin sa mga security at kung hindi mo magawa, mag-alcohol ka agad.


Pag-uwi mo, ihiwalay mo agad ang damit na isinuot mo, gayundin ang sapatos at iba pa sa mga damit na nasa bahay. Mas maganda na ilagay mo na lang ito sa labas ng bahay at mas maganda rin na ibilad mo ito sa sikat ng araw.


Puwedeng-puwede rin na isampay mo sa sampayan at hayaang mahipan ng sariwang hangin.


Ito ang ilang pag-iingat nang hindi ka mahawa sa COVID-19 na hanggang ngayon ay pinagtatalunan pa rin kung paano nahahawa rito ang tao, as in, airborne ba o hindi ang way of transmission.


Hanggang sa muli,

Professor Seigusmundo del Mundo

 
 

ni Seigusmundo Del Mundo - @Panaginip, salamin ng inyong buhay | July 16, 2020



Salaminin natin ang panaginip ni Sheila na ipinadala sa Facebook Messenger.


Dear Professor,


Nagtrabaho sa malayo ang boyfriend ko, tapos nagkaroon siya ng ibang girlfriend. Iyak ako nang iyak at sabi ng best friend ko, mag-boyfriend din ako ng bago. Hindi naman puwede ang ganu’n dahil mahal na mahal ko ‘yung BF ko.


Magkakatotoo ba itong panaginip ko? Nalulungkot ako ngayon.


Naghihintay,

Sheila


Sa iyo Sheila,


Sa kuwento ng iyong panaginip, mukhang totoong nagtrabaho sa malayo ang boyfriend mo, kaya napanaginipan mo na may bago na siyang girlfriend. Kung siya ay nand’yan lang sa tabi mo, hindi ka dapat malungkot dahil kapag magkasama ang nagmamahalan, lalo na kung magkatabi ay nag-iibayo ang masayang pakiramdam kung saan ang kalungkutan sa kanilang dalawa ay hindi makasingit kahit isang saglit.


Ayon sa iyo, pero hindi malinaw kung kasama sa panaginip na ang payo ng best friend mo na mag-boyfriend ka ng bago, tama ang ganitong payo dahil mahirap nga lang tanggapin ng marami na hindi maganda na kapag iniwan ka ng boyfriend mo, nag-iisa ka sa kalungkutan.


Sa ngayon, hindi naman dahil may magkarelasyon na magiging mag-asawa na, dahil ang totoo, marami ang pumapasok sa pakikipagrelasyon para lang maging masaya. Tanggap ito ng girls at boys na hindi dahil sa girlfriend mo ang isang babae ay siya na ang buhay mo at ganundin sa lalaki, hindi dahil sa siya ay boyfriend, sa kanya lang iikot ang mundo ng kanyang karelasyon.


Kaya puwede namang mag-boyfriend ka, pero mas maganda na sabihin mo sa magiging boyfriend mo na wala ka pang balak na mag-asawa. Baka nga magulat ka kapag sinabi niyang siya ay ganundin.


Ang ganitong sitwasyon ay isang hindi inihahayag na katotohanan, pero ito na mismo ang umiiral na kaganapan sa maraming pakikipagrelasyon.


Tama ang iyong panaginip na ang boyfriend mo ay magkakaroon ng bagong girlfriend kung sa malayo siya magtatrabaho. Kaya nasa iyo ngayon ang pagpapasya. Magpasya ka at panindigan mo ito.


Hanggang sa muli,

Professor Seigusmundo del Mundo

 
 
RECOMMENDED
bottom of page