top of page
Search

ni Seigusmundo Del Mundo - @Panaginip, salamin ng inyong buhay | February 17, 2021



Salaminin natin ang panaginip ni Jemuel na ipinadala sa Facebook Messenger.

Dear Professor,


Ano ang ibig sabihin ng umuwi ako sa amin sa probinsiya? Taga-Camarines Norte ako at ngayon ay nandito ako sa Quezon City. Sa aking panaginip, sinalubong ako ng maraming kamag-anak, kaibigan at ka-baryo namin, tapos sa bahay namin, may masayang handaan at sabay-sabay kaming kumain. Habang nagkakainan, saka ako nagising. Ano ang kahulugan ng panaginip kong ito?


Naghihintay,

Jemuel


Sa iyo, Jemuel,


Ngayong malapit na ang Semana Santa, mapapansing nag-uuwian ang mga tao sa kani-kanilang probinsiya. At pagpasok ng Abril at Mayo, ito rin ang panahon ng mga fiesta at kadalasang isinasagawa ang mga espesyal na araw para sa natatanging okasyon tulad ng kasalan, magarbong selebrasyon ng araw ng kapanganakan. Kumbaga, kapag ang birthday ay natapat sa summer time, hindi maiiwasang maghanda nang bongga, pero sa panahon ngayong may pandemya pa at hindi pa nababakunahan ang mga pangkaraniwang mamamayan, malamang na hindi na gaanong magiging bongga at masaya ang nalalapit na summer vacation sa mga probinsiya.


Samantala, alam mo, may malalim na kahulugan ang pag-uwi sa lupang sinilangan, kumbaga, hindi ito parang magsasaya, para lang mamasyal at magsama-sama ang mga magkakapamilya at magkakaibigan.


Ang pag-uwi sa lupang sinilangan ay nagbibigay ng sigla, lakas at ligaya, pero ang termino o angkop na salita ay ang rebirth o muling pagsilang.


Ito ay nararansan ng mga matagal nang hindi nagbabalik sa kanilang lupang sinilangan. Ito rin ay nangyayari sa mga taong sobrang problemado, sakitin at sa mga nabigo sa buhay, nabigo sa love life o nabigo sa career.


Sa buong mundo at sa lahat ng pamayanan ay may walang kamatayang kuwento na isang nilalang na napalaban kung saan ang kalaban niya ay tinatalo siya sa biglang tingin, pero sa tuwing siya ay babagsak sa lupa ay muli siyang lumalakas. Kumbaga, tuwing tatamaan siya ng malakas na bigwas, siya ay nabubuwal, kaya inaakala ng kanyang kalaban na siya ay talo na, pero tulad ng nasabi na, sa tuwing siya ay sasayad sa lupa, bumabalik ang lakas niya, ganu’n nang ganu’n, kaya sa huli ay sumuko na ang nakalaban niya.


Malalim ang kahulugan ng nabanggit na kuwento at sa panahong ito ay itinuturing na lang na isang mitolohiya, pero kapag ang nagkuwento ay halimbawang OFW, sila ang magpapatunay na kakaibang lakas ang kanilang nadarama tuwing umuuwi sila sa kanilang lupang sinilangan.


Ito rin ang mensahe ng panaginip mo, pero hindi simpleng mensahe dahil ito rin ay nagpapayo sa iyo na umuwi ka sa Camarines Norte kapag ikaw ay may pagkakataon. Sapagkat kapag nagawa mo ‘yan, magkakaroon ka ng bagong lakas at kasiglahan na maghahatid sa iyo ng dagdag pang suwerte at magandang kapalaran sa taong ito ng 2021.


Hanggang sa muli,

Professor Seigusmundo del Mundo

 
 

ni Seigusmundo Del Mundo - @Panaginip, salamin ng inyong buhay | February 16, 2021



Salaminin natin ang panaginip ni Eunice na ipinadala sa Facebook Messenger.

Dear Professor,


Ang panaginip ko ay tungkol sa tiyahin ko dahil palagi ko siyang napapanaginipan, bakit kaya? Masama ang loob ko sa kanila at maging ‘yung patay ko nang tiyahin ay napapanaginipan ko rin. Masama rin ang loob ko sa tiyahin ko na ‘yun.


Bukod pa ru’n, nanaginip din ako ng daanang pataas. Gayundin, ang ate ko ay nanaginip na kasama niya sa picture ang nanay naming matagal nang patay. Ano ang kahulugan ng mga panaginip kong ito? Maraming salamat!


Naghihintay,

Eunice

Sa iyo, Eunice,


Ganito ang nasusulat, bago ka matulog, patawarin mo ang iyong kapatid na nagkasala sa iyo. Ang nabanggit na banal na utos ay tila hindi natutupad ng kahit na sino. Kaya minsan ay sadyang nakapagtataka dahil utos nang utos si Lord, pero ang mga iniuutos naman niya ay mahirap sundin, kaya walang sumusunod.


Kaya lang, sabi nga, si Lord ang tunay na nakakaalam kung ano ang dapat at ang mga hindi dapat ay alam nating mga tao. Ang tao mismo ay puwedeng-puwede ring makaalam ng kung ano ang mabuti at masama.


Sabi ng mga dalubhasa, mas magandang matulog nang walang anumang sama ng loob sa puso at isipan. Ang mga salitang ‘yan ay madali namang paniwalaan, pero ang mahirap paniwalaan ay ang dagdag na kaalaman mula sa mga dalubhasa kung saan ang sabi nila, puwedeng bangungutin ang matutulog na mabigat ang dibdib o kalooban.


Narinig mo na ba ang kuwento ng mga taong nababangungot? Hindi ba ang sabi nila, parang may mabigat na dumadagan sa katawan kaya hindi sila makagalaw?


Parang tama ang mga dalubhasa sa pagsasabing dapat matulog nang walang sama ng loob.


Kaya, kahit mahirap sundin ang nasusulat, patawarin mo muna ang iyong mga kaanak sa kasalanang nagawa nila sa iyo. Sa ganyang paraan, mawawala na ang mga panaginip mo hinggil sa iyong tiyahin, gayundin, hindi ka na babangungutin at higit sa lahat, makakatulog ka pa nang mahimbing.


Hanggang sa muli,

Professor Seigusmundo del Mundo

 
 

ni Seigusmundo Del Mundo - @Panaginip, salamin ng inyong buhay | February 14, 2021



Dear Professor,


Napanaginipan kong nasa probinsiya ako at parang plaza ang lugar. Kasama ko ang mama ko, tapos may nagbigay ng apat na piling ng saging na saba, ‘yung saging ay bagong tiba at magulang na talaga at masarap ilaga. Inuwi ko ‘yung saging at pagbalik ko, may nakita akong hinog na bayabas, kaso mataas kaya hinayaan ko na lang, pero malaking pomelo ang nakuha ko. Sinalat ko ang bandang ibaba ng pomelo para malaman ko kung nasa hustong gulang na, kaso malambot pa ang balat, kaya sabi ko, alanganin at hindi pa puwedeng buksan, tapos umuwi na ako.


May nadaanan akong ang tindahan ng RTW, tumingin ako ng damit na puwede kong isuot kaso puro pambata ang naroon. Nakausap ko ang may-ari at nag-suggest siyang pumunta sa bandang unahan dahil baka may magustuhan ako roon. Sinunod ko naman siya, pero puro bag ang nakadispley. ‘Yung tindera na nagbabantay du’n ay busy sa pag-asikaso sa lalaking customer na namimili ng alahas. Nasa likuran lang ako ng lalaki, tapos tingin lang nang tingin kasi hindi naman ako bibili. Ano ang ibig sabihin ng panaginip kong ito?


Naghihintay,

Nitz

Sa iyo, Nitz,


Ang ibig sabihin ng panaginip mo ay dumating na ang takdang araw para ikaw ay lumigaya. Kumbaga, hinog na ang panahon para unahin mo naman ang iyong personal na kaligayahan.


Maaaring may ilang umaasa sa iyo para sila ay mabuhay o may tinutulungan ka na akala mo ay kailangan ang tulong mo. Puwede ring may iba kang plano sa buhay, pero naisasakripisyo mo ang iyong personal na kaligayahan.


Dapat mo nang maisip na puwede ka ring makatulong sa ibang araw o panahon. Hindi naman dahil lang liligaya ka na ay hindi ka na makakatulong. Mahalin mo ang iyong kapwa, ito ang banal na utos na sinunod ng marami sa atin.


Pero hindi naman natapos sa “Mahalin mo ang iyong kapwa” ang naturang utos dahil may karugtong ito na, “tulad ng pagmamahal mo sa iyong sarili,” na nagsasabing unahin nating mahalin ang ating sarili nang sa gayun ay matupad natin nang maayos ang utos na mahalin natin ang ating kapwa.


Dahil kung uunahin nating mahalin ang ating kapwa, hindi natin magagampanan ang kakambal na utos na mahalin ang ating sarili.


Medyo mahirap maunawaan ang malalim na kahulugan ng pagtulong sa kapwa at puwede namang huwag mo nang pahirapan ang isip mo na makuha ang natatagong kahulugan. Ang mahalaga lang naman ay iyong malaman na ayon sa iyong panaginip ay muli, dumating na ang takdang mga araw para sa iyo upang asikasuhin mo naman ang personal mong kaligayahan.


Hanggang sa muli,

Professor Seigusmundo del Mundo

 
 
RECOMMENDED
bottom of page