top of page
Search

ni Seigusmundo Del Mundo - @Panaginip, salamin ng inyong buhay | July 22, 2020



Salaminin natin ang panaginip ni Leonalyn na ipinadala sa Facebook Messenger.


Dear Professor,


Naututulog ako, tapos tumayo ako at sumilip sa bintana, tapos nakita ko na nagbago ang kapaligiran namin. Malalaking punong-kahoy na hitik sa bunga ang nakita ko tulad ng mangga, guyabano, langka, avocado at hindi ko na matandaan kung anong mga puno ‘yung iba kong nakita.


Bumaba ako ng bahay, pero naalala ko, tulog nga pala ako, kaya bumalik ako sa silid at natulog ulit.


Ano ang ibig sabihin ng panaginip ko?


Naghihintay,

Leonalyn


Sa iyo Leonalyn,


Dumating na ang takdang panahon na magbabago ang buhay mo at ang pagbabago ay nakatutok sa pangkabuhayang aspeto.


Kung may negosyo ka, sinasabing ito ay uunlad, kung wala ka namang negosyo, dapat magkaroon ka, kaya ang susunod na payo, kahit maliit na pagkakakitaan ay ‘yun ang simulan mo.


Hindi ka bibiguin ng iyong panaginip. Ang pag-asenso sa larangan ng negosyo ay makakamit mo, kaya lakasan mo ang iyong loob at tutukan ang negosyo mo kung sakaling may negosyo ka na ngayon.


Lakas lang ng loob ang iyong kailangan, kaya ang sinasabing hindi makapagnegosyo dahil walang puhunan ay hindi para sa iyo, dahil may kasalukuyang negosyo ka na.


Gayundin, ito ang kailangan kung wala ka pang negosyo, pero hindi ang lakas ng loob na mangungutang sa mga bumbay o pautangan.


Mas magandang lumapit ka sa iyong mga kaibigan, kakilala at kapamilya at sabihin mo sa kanila na magnenegosyo ka, at tutulungan ka nila.


Muli, lakas ng loob ang iyong kailangan. Pag-aralan mo ito dahil ang mga nagtagumpay na ay lakas ng loob ang naging dahilan kung bakit napakarami ng kanilang naipundar na kabuhayan.


Hanggang sa muli,

Professor Seigusmundo del Mundo

 
 

ni Seigusmundo Del Mundo - @Panaginip, salamin ng inyong buhay | July 21, 2020



Salaminin natin ang panaginip ni Marivic na ipinadala sa Facebook Messenger.


Dear Professor,


Ano ang ibig sabihin ng panaginip na palaging nawawala o naliligaw at hindi nakakauwi?


Naghihintay,

Marivic


Sa iyo Marivic,


Kapag ang tao ay sinasabing may “ligaw” na pangarap, tulad mo, siya ay mananaginip ng naliligaw dahil ligaw ang kanyang pangarap.


Ang pangarap na ligaw ay ang mga gusto ng tao na hindi dapat gustuhin dahil hindi angkop sa kanyang kakayahan o personalidad.


Kapag naman nawawala ang nanaginip, siya ay nagkaroon ng buhay kung saan hindi siya dapat mabuhay. Ito ay ang mga taong nabuhay sa mali, kaya siya ay nawala sa tama. Ang buhay na tama ay ang nabubuhay ayon sa kalakaran ng karamihan.


Ang hindi makauwi ay nagsasabing sa buhay niya, kailangan na niya ang kanyang “Knight in a shining armor.” Sa mga girls, ito ang kanilang tagapagligtas dahil kung sarili lang nila ang kanilang aasahan, hindi sila makakatakas sa maling buhay.


Minsan, ito rin ay ang tinatawag na “Mr. Right” kung ang babae ay hindi makatakas sa maling pakikipagrelasyon.


Suriin mo ang buhay mo, kumbaga, self-reflection ang kailangan mo. Sa pagsusuri mo sa iyong sarili, maging tapat ka dahil kapag dinadaya ng tao ang kanyang sarili, wala silang karapatan at hindi sila puwedeng umangal o magreklamo kapag sila mismo ang nandaya sa kanilang kapalaran.


Hanggang sa muli,

Professor Seigusmundo del Mundo

 
 

ni Seigusmundo Del Mundo - @Panaginip, salamin ng inyong buhay | July 19, 2020



Salaminin natin ang panaginip ni Rodelyn na ipinadala sa Facebook Messenger.


Dear Professor,


May panaginip ako na paulit-ulit. Mula 2010 hanggang ngayon, napapanaginipan ko na ito. Masasabugan ako ng tangke ng gasul at karaniwang sa mga panaginip ko na ‘yun ay

inililigtas ko sa pagsabog ang mga kapatid ko at mahal sa buhay.


Ano ang ibig sabihin nito?


Naghihintay,

Rodelyn


Sa iyo Rodelyn,


Ipinakikita ng iyong panaginip na mas magandang may mga kapatid at mahal sa buhay. Ito ay kung ikukumpara sa single o walang mahal sa buhay at pamilyang maaasahan.


Marami rin namang may mga pamilya, pero hindi naman natutulungan, kaya masasalamin sa iyong panaginip na mas masuwerte ka dahil may kapatid ka at mahal sa buhay na ikaw ay handang tulungan.


Siyempre, bilang ganti o pasasalamat, tatanaw ka ng utang na loob at dapat ay tulungan mo rin sila sa panahon na sila ay gipit na gipit o nangangailangan ng iyong tulong.

Ang iyong panaginip ay medyo mahirap makuha ang kahulugan, kumbaga, nangangailangan ito ng malalim na pag-iisip.


Ganito ang sabi, “Kung saan ka nabubuhay, doon ka mamamatay,” ‘yan ang aral sa buhay na isa sa huling itinuro ni Lord kay Saint Peter. Isipin mo, ‘di ba, ang ibig sabihin din nito ay “Kung saan ka mamamatay, doon ka rin mabubuhay.” Parang mahirap pa ring unawain, buti kung ganito lang, “Kung saan ka masuwerte, roon ka rin mamalasin.” Oh, ayan, medyo magaan na.


Ito rin ay nagsasabing kapag malas ka sa apoy, sa apoy din ang suwerte mo. Dahil dito, sa maniwala ka o hindi, ikaw ay pinapayuhang magnegosyo ng may kinalaman ang apoy dahil dito ka mismo yayaman.


Hanggang sa muli,

Professor Seigusmundo del Mundo

 
 
RECOMMENDED
bottom of page