top of page
Search

ni Seigusmundo Del Mundo - @Panaginip, salamin ng inyong buhay | August 25, 2020



Salaminin natin ang panaginip ni Romalyn na ipinadala sa Facebook Messenger.

Dear Professor,


Nakita ko sa panaginip na may naglalakad na aso. Lakad siya nang lakad at nang makarating siya sa ilog, tumalon siya at hindi ko na nakita.


Noong mga nakaraang araw, napapanaginipan ko ang aking lola na matagal nang patay. Sabi niya, “Halika, aayusin ko ‘yung damit na suot mo,” parang buhay siya sa aking panaginip, pero limang taon na siyang patay.


Mayroon din akong panaginip kay lola kung saan sinabi niya na sabay kami kumain para masaya ako at kukuwentuhan niya ako ng naging buhay nila ni lolo. Ano ang mensahe ng mga ito?


Naghihintay,

Romalyn


Sa iyo Romalyn,


Masasalamin sa mga panaginip mo na pinananahanan ka ng lungkot at ang iyong kalungkutan masyadong malalim. Ibig sabihin ng masyadong malalim na lungkot ay malungkot, hindi lang ang mukha mo kundi pati ang iyong buong pagkatao.


Ito rin ay nagsasabing ang mga ating kaibigan na dapat ay mapagkukunan natin ng saya sa panahon na tayo ay nalulungkot, para sa iyo, hindi mo na sila pinapansin, as in, inilayo mo ang sarili mo sa kanila.


Kaya ang pahabol na kahulugan ng “malalim” ay hindi ka na maabot ng iyong mga kaibigan na sana ay magpapasaya sa iyo ngayon.


Ang puwede mong gawin ay nasa panaginip mo rin na nagsasabing sa iyong pag-iisa at katahimikan, balik-balikan mo ang kuwento ng lola mo. Subukan mo ito at tiyak na ilang araw lang ay magbabalik ang iyong sigla. Gayundin, bubukas ang isipan at puso mo kung saan muli kang mangangarap na muli kang umibig.


Bubukas lahat sa iyo at kasabay nito, bubukas ang maraming pintuan ng magagandang oportunidad sa bagong mundo na iyong lalakaran.

Hanggang sa muli,

Professor Seigusmundo del Mundo

 
 

ni Seigusmundo Del Mundo - @Panaginip, salamin ng inyong buhay | August 24, 2020



Salaminin natin ang panaginip ni Marisha na ipinadala sa Facebook Messenger.

Dear Professor,


Natakot ako sa aking panaginip. May dumagan sa akin at hindi ako makagalaw. Sumisigaw ako pero wala akong boses at buti na lang, nagising ako. Akala ko, totoo ‘yun, pero panaginip lang pala. Ano ang ibig sabihin nito?


Naghihintay,

Marisha


Sa iyo Marisha,


Una sa lahat, ang buhay ay pinakamahalaga, kaya ang pagtuunan natin ng pansin ay ang iyong kalusugan. Ang hindi makahinga sa panaginip ay nagbababala na posibleng may sakit ka sa puso. Kaya wala nang gaganda kung kumonuslta ka sa doktor na pinagkakatiwalaan mo nang sa gayun ay malaman mo ang status ng iyong puso.


Sa iyong panaginip, ang isa pang kahulugan ng hindi makahinga, sa tunay na buhay ay hindi niya maihayag ang kanyang sarili dahil sa maraming bagay. Halimbawa, hindi siya pinapayagang magsalita o magbigay ng opinyon ng taong kanyang kasama sa bahay.


Madalas, ito ay nararanasan ng mga babae na kung tawagin ay “Flower on the wall.” Siya ay maganda dahil ang kalarawan niya ay bulaklak na pandekorasyon. Kaya lang, ang papel niya sa mundo ay pandekorasyon lang.


May isang klase pa ng babae na may ganito ring panaginip at sila ay tinatawag na “Flower on the table.” Sila rin ay maganda at nag-e-entertain lang ng mga bisita, pero hindi puwedeng sumali sa mahahalagang isyu kaya sila rin ay hindi puwedeng magpasya.


Puwede bang ako naman ang magtanong? Maganda ka ba, Marisha? Parang oo, kasi tulad ng nasabi na, ang kawangis mo ay magandang bulaklak kung ang panaginip mo ang ating pagbabatayan.


Dapat ikaw ay isang bulaklak na alipin ang mga paru-paro. Ang mga ito ay nahuhumaling sa mga bulaklak, kaya sila ay alipin ng flowers.


Dahil dito, gamitin mo ang iyong ganda, hindi bilang pandekorasyon sa mudo kundi kung paano ka aasenso at yayaman. Sayang ang ganda mo kapag sa huli ay nabubuhay ka sa kahirapan.

Hanggang sa muli,

Professor Seigusmundo del Mundo

 
 

ni Seigusmundo Del Mundo - @Panaginip, salamin ng inyong buhay | August 23, 2020



Salaminin natin ang panaginip ni Alma na ipinadala sa Facebook Messenger.

Dear Professor,


Nakakita ako ng shooting stars sa panaginip. Sa una, ang ganda ng liwanag at lumilipad na gumuguhit sa kalangitan, tapos biglang pumunta sa direksiyon ko at nahulog sa harapan ko. Nilapitan ko ‘yun pero wala naman akong nakita na kahit ano. Ano ang ibig sabihin nito?


Naghihintay,

Alma


Sa iyo Alma,


Kapag nahulog ang mga bulalakaw mula sa langit ay malabong makita kung saan ito bumagsak. Kumbaga, tama ang iyong panaginip, wala sa lugar na iniisip mo kung saan ito nahulog. Hindi naman mahalaga kung nasaan ang bulalakaw dahil ang importante ay ang mensahe ng iyong panaginip na nagsasabing, dumating na ang takdang panahon kung kailan matutupad ang iyong mga pangarap at gagawing kahilingan.


Kaya ano ba ang pangarap mo noon, magandang bahay o magandang buhay? Tiyak naman na maganda ito dahil wala namang tao na nangarap ng pangit na bagay.


Kaya sa mabilisang pagbibigay ng mensahe, ang iyong panaginip ay nagsasabing gaganda na ang takbo ng iyong buhay kung saan sa huli, masasabi mong totoo pala na kapag napanaginipan ang mga bulalakaw, ang mga pangarap ng nanaginip ay natutupad.

Hanggang sa muli,

Professor Seigusmundo del Mundo

 
 
RECOMMENDED
bottom of page