- BULGAR
- Sep 1, 2020
ni Seigusmundo Del Mundo - @Panaginip, salamin ng inyong buhay | September 1, 2020
Salaminin natin ang panaginip ni Cheann na ipinadala sa Facebook Messenger.
Dear Professor,
Madalas akong managinip ng ahas ngayon. Ano ang mensahe ng ahas sa panaginip ko?
Naghihintay,
Cheann
Sa iyo Cheann,
May mga ahas na sinisimbolo ng kayamanan dahil ang ahas ay tagapagbantay ng nakatagong yaman. Ito ay ang panaginip na ang ahas ay may magagandang kulay tulad ng green, yellow orange, red at iba pa.
May ahas din na ang simbolo ay paggaling sa karamdaman. Ito ay kapag ang nanaginip o mahal niya sa buhay ay may sakit o iniindang karamdaman.
May ahas na ang inilalarawan ay personal power. Ito ay ang ahas sa panaginip na nakitang nakatayo o nakataas at hindi ang ahas na gumagapang. Ito ay nagpapayo na mag-ehersisyo ang nanaginip nang lumbas ang kanyang naiibang galing at husay.
May ahas na ang simbolo ay tukso. Ito ay ang ahas na malaki na nasa loob ng kuwarto at tumatabi sa nanaginip. Minsan, maliit lang din ang ahas na ito, pero may mapanuksong titig na ang mga mata ay nakatingin sa mga mata ng nanaginip.
May ahas na malaki kung saan tukso rin ang ibig sabihin, pero ang tinutukso ay ang partner, asawa o karelasyon ng nanaginip. Ang payo naman ay magmatyag ka dahil baka natukso na ng ahas ang mahal mo.
Hanggang sa muli,
Professor Seigusmundo del Mundo




