top of page
Search

ni Seigusmundo Del Mundo - @Panaginip, salamin ng inyong buhay | September 26, 2020



Salaminin natin ang panaginip ni Osang na ipinadala sa Facebook Messenger.

Dear Professor,


Napanaginipan ko si mama at ang sabi niya sa ‘kin, huwag kong kalimutan na diligan ‘yung mga halaman niya sa hardin, pero sa totoong buhay, last year pa siya namatay. Ano ang ibig sabihin nito?


Naghihintay,

Osang


Sa iyo, Osang,


Mahirap paniwalaan na ang mga patay ay buhay pa, pero ang lahat ng nakapanaginip na dinalaw ng mga yumaong mahal nila sa buhay ay naniniwala rito.


Pero may mga hindi naniniwala, kaya lang, ang kanilang hindi paniniwala ay hanggang sa hindi pa nila napapanaginipan ang mga namatay na nilang mahal sa buhay.

Kumbaga, okey lang na hindi sila maniwala dahil hindi pa naman nila nararanasan na mapanaginipan ang mga namatay na.


Bukod sa panaginip, sinasabing bago mamatay lahat ng tao ay nakikita ang mga patay na nilang mahal sa buhay at kakilala.


Okey lang din kung naniniwala pa rin sila na hindi buhay ang mga patay, pero iisa ang tiyak kung saan kapag malapit na silang mamatay at nakita nila ang mga patay na nilang kakilala at niyaya sila, sa ayaw o sa gusto nila, sure na maniniwala silang ang mga patay ay buhay pala.


Sa ganitong katotohanan, ang mensahe ng iyong panaginip ay nagsasabing alagaan, mahalin at ingatan mo ang iyong sarili. Ito ang ipinahihiwatig ng sinabi ng mama mo na diligan mo ang mga halaman sa hardin.

Hanggang sa muli,

Professor Seigusmundo del Mundo

 
 

ni Seigusmundo Del Mundo - @Panaginip, salamin ng inyong buhay | September 25, 2020



Salaminin natin ang panaginip ni Robert na ipinadala sa Facebook Messenger.

Dear Professor,


Sumakay ako ng jeep na papuntang Sta. Mesa, tapos may sumakay na matandang babae. Kinausap niya ako at akala ko ay pulubi siya, kaya binigyan ko ng P20, tapos isinauli niya sa ‘kin ‘yung pera at sabi niya, “Pagpalain ka ng Diyos.” Nang bababa na ako, nawala na ‘yung matandang babae.


Hanggang ngayon, iniisip ko pa rin ang aking panaginip, ano ang ibig sabihin nito?


Naghihintay,

Robert


Sa iyo, Robert,


Ganito ang sabi ni Lord Jesus bago Siya umakyat sa langit, “Kapag pinainom mo ang nauuhaw, Ako ang iyong pinainom. Kapag pinakain mo ang mga gutom, Ako ang iyong pinakain.”


Kaya ang limos sa mahihirap ay isang pagsunod sa kakaibang utos na ito ni Lord kung saan kapag sinunod ng tao, pagpapalain siya na mismong sinabi sa iyo ng matandang babae.


Nangyayari ang ganito kapag ang nanaginip ay may mga aktibidad na kailangan ang bendisyon o pagpapala, kaya kung may pangarap kang pinagsisikapan, ibig sabihin, matutupad na ito. Kung ikaw naman ay may negosyong inaasikaso, ibig sabihin, pagpapalain ka at ang iyong negosyo.


Kaya tulad ng iyong panaginip, huwag mong pagdamutan ang mga kapus-palad, mukhang hirap na hirap sa buhay at ang mga sa tingin mo ay hindi natutulungan ng kapwa niya tao.


Mas magandang magamit sa kabutihan ang pera kahit kaunti lang. Ito ang huwag na huwag mong kalilimutan dahil ito ang mensahe ng iyong napanaginipan.

Hanggang sa muli,

Professor Seigusmundo del Mundo

 
 

ni Seigusmundo Del Mundo - @Panaginip, salamin ng inyong buhay | September 23, 2020



Salaminin natin ang panaginip ni Lorena na ipinadala sa Facebook Messenger.

Dear Professor,


Napanaginipan ko na may mga bus sa probinsiya papunta sa Manila. Bumili ako ng ticket papuntang Manila, pero naiwanan ako ng bus, tapos sabi sa terminal, maghintay ako ng susunod na bus, pero kaunti lang daw ang mga bus at gabi na ako makakaalis. Ano ang ibig sabihin nito?


Naghihintay,

Lorena


Sa iyo, Lorena,


Alam mo, marami sa mga umuwi sa probinsiya ang ayaw nang bumalik sa Manila dahil doon ang sentro ng COVID-19. Ang ganitong sitwasyon ay nagbababala na liliit ang working force sa Metro Manila dahil ayaw nang magbalikan ng mga nasa probinsiya.


Base sa huling datos, ang mga nagsiuwi sa probinsiya ay nakahanap ng kita sa pagtitinda ng kung anu-ano at parang nakaraos din sila sa araw-araw kahit hindi sila empleyado.


Bilang pagtatapat, ang iyong panaginip ay nagbibigay ng mensahe na huwag ka munang lumuwas sa Manila.


Marami nang panaginip na tulad ng iyo kung saan pagkatapos ng ilang araw o panahon ay nasabi nila “Buti na lang ay nabigyan ako ng babala ng aking panaginip.” Kaya manatili ka sa probinsiya, ayon sa iyong panaginip.

Hanggang sa muli,

Professor Seigusmundo del Mundo

 
 
RECOMMENDED
bottom of page