top of page
Search

ni Seigusmundo Del Mundo - @Panaginip, salamin ng inyong buhay | October 9, 2020



Salaminin natin ang panaginip ni Louie na ipinadala sa Facebook Messenger.

Dear Professor,


Nanghuhuli ako ng paruparo, ‘yung malaki at kadalasan na nahuhuli sa puno ng guyabano. May mga aso, pero biglang takot na takot nu’ng nakita ‘yung paruparo.


Nu’ng nahuli ko siya, bigla kong narinig ‘yung boses ni tatay, isinisigaw niya na bitawan ko ‘yung paruparo. Dama ko hanggang ngayon ‘yung takot.


Naghihintay,

Louie


Sa iyo, Louie,


Kaya ka natatakot ay dahil sa paniniwala ng mga Pinoy na ang paruparo ay madalas na kaluluwa ng namatay na dumadalaw o nagpapakita sa mahal niya sa buhay.


Marami ang nakadama ng takot sa ganu’ng pangyayari, pero kung lalaliman mo ang pag-iisip, mas magandang magpasalamat ang nakakita dahil dinadalaw ang mahal niya sa buhay. Kumbaga, malinaw na ikaw pala o ang dinalaw ay mahal ng namatay na, at ang hindi dinalaw ay puwedeng masabing hindi kabilang sa mahal ng namatay na.


Pero ang napanaginipan mo ay hindi paruparo o butterfly, ito ay ang isang malaking gamo-gamo o moth na maaaring Atlas Moth na nakikita sa bansa natin at sinasabing pinakamalaking moth sa buong mundo.


At dahil hindi butterfly ang nasa panaginip mo, hindi rin mangyayari ang sinasabi ng pamahiin nating mga Pinoy na ito ay kaluluwa ng namatay. Pero bakit narinig mo na biglang nagsalita ang iyong tatay at ang sabi, bitawan mo? Kaya sinabi ito ng tatay mo ay dahil ang moth ay mangingitlog at kung hindi mo ito bibitawan, hindi na siya makakapangitlog nang maayos. Pagtapos mangitlog ng moth, siya ay mamamatay na.


Sa ganitong paraan dumarami ang mga moth, kaya kung hindi makakapangitlog, kawawa naman ang moth, gayundin ang mga susunod na henerasyon ng mga tao dahil baka hindi na sila makakita ng malalaking gamo-gamo.


Kaya next time na may makita kang moth, hayaan mo lang. Ang kahulugan ng panaginip mong ito ay nagsasabing isa sa malapit sa iyo o maaaring ikaw mismo ay magkaroon na ng anak.

Hanggang sa muli,

Professor Seigusmudo del Mundo

 
 

ni Seigusmundo Del Mundo - @Panaginip, salamin ng inyong buhay | October 8, 2020



Salaminin natin ang panaginip ni Rose na ipinadala sa Facebook Messenger.

Dear Professor,

Nanaginip ako ng isang magandang hardin na nasa ibabaw ng maputing ulap. Hindi ko alam kung langit ‘yun o hardin lang sa maputing ulap. Ano ang ibig sabihin ng panaginip ko?

Naghihintay,

Rose

Sa iyo, Rose,

Dito sa mundo, puro kahirapan, pagdurusa, kalungkutan at pangarap na hindi natutupad.


Dito sa mundo, walang tigil ang pag-aaway, ang banta ng giyera ay naging isang musika na laging naririnig. Dito sa mundo, kahit gaano ka-moderno ang siyensiya, hindi nalulunasan ang nagsusulputang karamdaman.

Sa personal naman na mundo, ang mga naiinggit ay laging nagbabantay at naghihintay na madapa o mabigo ang kinaiinggitan. Mas maraming pekeng kaibigan kaysa sa mga totoong kaibigan. Kumbaga, nagmamalasakitan pero pakunwari lang.

Sa ganitong kondisyon, ayon sa iyong panaginip, gusto mong takasan ang magulong mundo na walang katahimikan at lahat ay nagpaplastikan.

Magpasalamat ka dahil napanaginipan mo ang magandang hardin sa ibabaw ng maputing ulap dahil ito ay nagpapahiwatig na kahit magulo ang mundo sa paligid mo, may naghihintay sa iyong “beautiful world” sa dako pa roon ng iyong buhay.

Kaya ang sabi ng iyong panaginip, kapit lang, maging matatag at matibay ka dahil tulad ng nasabi na, may nakalaan sa iyo na magandang mundo.

Hanggang sa muli,

Professor Seigusmudo del Mundo

 
 

ni Seigusmundo Del Mundo - @Panaginip, salamin ng inyong buhay | October 7, 2020



Salaminin natin ang panaginip ni Jhossie na ipinadala sa Facebook Messenger.

Dear Professor,


Napanaginipan ko na naliligo ako sa ulan sa gitna ng street namin. Masama ba ang panaginip ko?


Naghihintay,

Jhossie


Sa iyo, Jhossie,


Siyempre, masama ang maligo sa gitna ng kalsada dahil ang paliligo ay dapat gawin sa lugar ng paliguan. Masama ang isang bagay o gawain kapag wala sa tamang lugar.


Buti na lang, sa panaginip ka naliligo sa gitna ng kalye, kumbaga, wala namang masama sa iyong ginawa dahil sa mundo lang naman ng mga panaginip ito nangyari.


Pero may isang masama na maaaring mangyari sa iyo na nagsasabing kapag hindi ka nakalaya sa kalungkutan, makararanas ka ng hindi magagandang kaganapan.


Kapag hindi natalo ang kalungkutan, ito ay lumalala at nauuwi sa depresyon. Gayundin, kapag hindi naagapan ang depresyon, ito ay lumalala rin at nauuwi sa matinding kalungkutang babalot, hindi lang sa buong katawan kundi maging sa kaluluwa at espiritu.


Kaya malinaw na ang mensahe ng iyong panaginip ay labanan mo ang kalungkutang nadarama mo. Paano? Simula ngayon, pasayahin mo ang iyong sarili. Simpleng saya lang at ‘yung hindi naman magastos.


Tulad ng panonood ng masasayang palabas, pakikinig sa mga nakaaaliw na kuwentuhan, magsasayaw kahit nag-iisa ka lang. Minsan, akala ng tao, kapag sinabing kailangan mo ang magsayaw ay mahirap na sundin.


Ang mahirap ay ‘yung totoong pagsasayaw dahil bumibili ng maraming mga araw ang dancer bago ma-perfect ang mga galaw. Pero ang sinasabing magsayaw na panlaban sa lungkot ay simple lang at madaling gawin.


Oo, madali lang itong gawin kaysa maligo sa gitna ng kalye. Humakbang ka ng dalawa, pero dapat may musika kang naririnig. Tapos, isang atras na paghakbang, tapos dalawang hakbang pasulong.


Ganu’n nang ganu’n at magugulat ka dahil sa huli ay pati balakang, mga kamay, braso at ulo ay sumasabay na sa musikang naririnig mo.


Subukan mo ito dahil wala namang mawawala sa iyo kapag sumayaw ka.

Hanggang sa muli,

Professor Seigusmundo del Mundo

 
 
RECOMMENDED
bottom of page