top of page
TALKIES - MAYOR VICO, UMAMING NEVER NAISIP MAG-SHOWBI-IG _vicosotto.jpg
Search

ni Dr. Shane Ludovice - @Sabi ni Dok | January 26, 2021





Dear Doc. Shane,


Palaging sumasakit ang ulo ko, partikular sa kanan. Umiinom ako ng pain reliever pero nawawala lang sandali at bumabalik agad. Hindi ako sigurado kung migraine ba ito dahil hindi pa ako makapagpakonsulta. – Peng


Sagot


Ang pananakit ng ulo ay nagiging ugat ng pagiging iritable ng tao dahilan ng hindi pagkakaunawaan. Upang maiwasan ito, marapat lamang na alamin ang sanhi nito. Maaaring ang iyong nararamdaman ay manaka-naka o matinding kirot o tumitibok-tibok at hindi humihinto. Maaari ring ito’y pansamantala o tumatagal.


Iba’t ibang uri ng pananakit ng ulo:

  • Problema sa panunaw. Ang ganitong uri ng sakit ng ulo ay maaaring nag-ugat sa sobrang pag-inom ng alak at pagiging sensitibo sa mga kinakain.

  • Pagkabalisa o pagkabahala. Karaniwan, kung ang tao’y labis na nababalisa o nababahala, ito’y nagiging sanhi ng pagguhit ng kirot sa noo.

  • Sobrang pagod. Kung ang sobrang pagod, maaari itong magdulot ng sakit sa ulo. Karaniwan ito’y magsisimula sa leeg patungo sa bungo.

  • Migraine. Ito ay karaniwang uri ng sakit ng ulo at madalas ay ito ang pinakamalubha. Ang ganitong klase ng sakit ay malimit pang matindi at paulit-ulit, na nagreresulta sa pagkahilo, pagkabingi, panlalabo ng paningin, at pagsusuka. Ngunit ang pananakit ay maaaring nagmumula lamang sa isang bahagi ng ulo.

  • Pamamaga ng sinus. Ang pamamaga ng sinus (o sinusitis) ay maaari ring magdulot ng sakit ng ulo, lalo na ng bao ng ulo o bungo. Bukod pa rito, ang pamamaga ng isa sa walong lining ng sinus cavities ay maaaring maging sanhi ng pangmatagalan at malalim na pananakit sa palibot ng mga mata, ulo at ilong.


Karaniwang sanhi ng pananakit ng ulo:

  • Problema sa hormones

  • Pagbabago ng daloy ng dugo o hangin sa utak at ang tuluyang pagbabara nito

  • Maling tindig o postura ng katawan

  • Sobra-sobrang pag-aalala at pagkabahala

  • Labis na pagkapagod

  • Sobrang pagkalungkot

  • Sipon na nagreresulta sa baradong ilong

  • May allergy

  • Labis na pag-inom ng alak

  • Para sa mga babae, maaaring kung may regla o PMS

  • Pabagu-bagong klima

  • Mataas na lagnat

  • Gutom

  • Hypertension o stroke

  • Madalas na pagpupuyat

  • Labis na paninigarilyo

  • Mataas na presyon na mararamdaman sa batok

  • May tumor sa utak


Mga paraan ng paggamot:


Sa pamamaraang medikal, mahalagang pakiramdaman ang sarili sa nararamdamang sakit ng ulo. Kung nalaman na ang maaaring pinag-ugatan o sanhi ng pananakit, kumonsulta sa doktor para sa kaukulang gamot na maaaring inumin o kung may dapat bang gawin o baguhin sa araw-araw na karaniwang gawain.

 
 

ni Dr. Shane Ludovice - @Sabi ni Dok | January 25, 2021





Dear Doc. Shane,


Ano ba ang dapat gawin kapag palaging sumasakit ang likod, partikular sa ibabang bahagi nito? – Beng


Sagot


Low back pain ang pananakit sa ibabang bahagi ng likod. Isa itong sintomas o senyales ng isang karamdaman sa buto, laman, ugat at kasukasuan na matatagpuan sa bahaging ito ng katawan. Madalas na hindi malala ang dahilan ng pananakit na ito at kalimitang nawawala ito nang kusa.


Maraming puwedeng maging dahilan ng pananakit ng likod. Kalimitan na ang sobrang paggamit (overuse) sa bahaging ito ng likod o maling posisyon ng katawan ang siyang nagdudulot ng matinding pagkapagod sa laman, buto at kasukasuan na nararamdaman natin bilang sakit.


May mga nakaaalarmang dahilan din na dapat bigyan ng agarang pagsusuri. Ito ay kapag ang dahilan ay impeksiyon, kanser, pagkaipit ng ugat o nerve impingement at rayuma sa buto o osteoarthritis.


Ilang paraan maibsan ang pananakit ng likuran:


Ang pinakamainam na posisyon ay ang paghiga nang patihaya sa sahig na may unan sa ilalim ng tuhod o kaya ay iangat ang tuhod sa isang upuan. Ito ay para mabawasan ang timbang sa ating likod na siyang nagdudulot ng karagdagang sakit. Maaari itong gawin ng isa hanggang dalawang araw para mapahinga ang ating likod.


Pero importante pa rin na maglakad-lakad nang pakaunti-kaunti at dahan-dahan kada ilang minuto kahit na masakit dahil ang hindi paggalaw ay makapagdudulot ng panghihina ng mga kalamnan na maaaring makapagpapatagal sa pagkawala ng sakit.


Uminom ng gamot tulad ng paracetamol o ibuprofen kung kailangan. Kung hindi kayanin ng mga over-the-counter drug ang pananakit, magpakonsulta upang makakuha ng mas matapang na gamot.


Kumonsulta agad sa doktor kung:

  • Ang sakit ay umabot na hanggang sa hita pababa sa inyong mga binti

  • May pamamanhid ng hita, paa, bahagi ng ari at puwitan

  • May pagkawala ng kontrol sa pagdumi at pag-ihi

  • Ang pananakit ay dulot ng aksidente

  • Hindi na makakilos nang mabuti sa sobrang pananakit

  • Hindi na gumiginhawa pagkatapos ng dalawa hanggang tatlong linggo

  • May kaakibat na pananakit ng dibdib

  • Biglaang panghihina ng hita, paa at binti

 
 

ni Dr. Shane Ludovice - @Sabi ni Dok | January 24, 2021





Dear Doc. Shane,


Nitong mga nakaraang araw ay namamaga, namumula at masakit palaging masakit ang aking hinlalaki ng mga paa. Ito ba ang tinatawag na gout, bakit nagkakaroon nito ang mga nagkakaedad? – Chano


Sagot

Ang gout ay nangyayari kapag may naipong “urate crystals” sa kasukasuan. Ang “urate crystals” ay nabubuo kapag mataas ang lebel ng uric acid. Ang uric acid ay dumi sa katawan na nasa dugo, at ito ay resulta ng pagbe-breakdown ng mga substansiyang tinatawag na purine.


Sa normal na proseso, ang uric acid ay nalulusaw sa dugo at dumaraan sa kidneys pagkatapos ay lumalabas sa katawan kasama ng ihi. Ngunit, kapag ang katawan ay gumagawa ng labis na uric acid at hindi ito maayos na nailalabas ng kidneys, naiipon at nabubuo ito na parang matutulis at malakarayom na kristal na karaniwang makikita sa hinlalaki ng mga paa. Ang kasukasuan ng tuhod at kamay ay maaari ring tamaan ng gout.


Narito ang mga sintomas ng gout:

  • Napakasakit na kasukasuan na karaniwang nararamdaman sa hinlalaki sa paa

  • Ang sakit ay gumagrabe sa unang 12 hanggang 24 oras matapos itong magsimula

  • Hindi maigalaw na bahagi ng joint at napakakirot kahit masaling lang

  • Namumula at namamaga ang apektadong kasukasuan

  • Mainit kapag hinahawakan

Narito ang mga posibleng dahilan ng pagkakaroon ng gout:

  • Namana sa mga magulang o nasa lahi

  • Mula sa pagkain — kapag mahilig kumain ng mga pagkaing nagpapataas sa level ng uric acid, may tsansa na magkaroon ng hyperuricemia at magresulta sa gout

  • Edad at kasarian — ang karaniwang nagkakaroon nito ay mga lalaki, lalo na ang mga nasa pagitan ng edad 40 at 50

  • Medikal na kondisyon — tulad ng altapresyon na hindi nagagamot, diabetes, mataas na fat at kolesterol sa dugo (hyperlipidemia) at pagkipot ng mga arteri (arteriosclerosis)

Narito ang mga paraan para ito ay maiwasan:

  • Wastong kondisyon at kalusugan ng katawan

  • Pag-iwas sa pagkaing nakatataba

  • Madalas na pagkain ng gulay

  • Regular na pag-eehersisyo

  • Pagpapanatili ng wastong timbang

  • Pag-iwas sa sobrang pag-inom ng alak

  • Pag-iwas sa mga pagkaing mataas sa purine tulad ng ilang uri ng isda, pulang karne, kabute at laman-loob ng mga hayop

 
 
RECOMMENDED
bottom of page