ni Dr. / Atty. Erwin P. Erfe, M.D. @Sabi ni Doc | Marso 8, 2024
Dear Doc Erwin,
Ako ay 40 years old at isang overseas Filipino worker o OFW. Ako ay nangibang bansa noong 1990 upang magtrabaho sa Europa. Kamakailan lamang sa bansang Italya ay napanood ko sa isang television show ang isang doktor kung saan ipinaliwanag niya ang mga health benefits ng beer. Partikular na natandaan ko na ang pag-inom ng beer ay nagpapababa ng risk na magkaroon ng cancer at may mga ibang health benefits pa ang pag-inom ng beer.
Magmula ng napanood ko ito ay umiinom na ako ng beer gabi-gabi. Nais ko sanang malaman kung ito ay hindi makakasama sa akin at kung nararapat kong ipagpatuloy ang pag-inom ng beer. May katotohanan kaya ang sinabi ng doktor na may mga health benefits ang beer? Maraming salamat. -- Jose Marie
Maraming salamat, Jose Marie sa iyong pagliham sa Sabi ni Doc column. Gayundin, sa iyong pagbabasa ng BULGAR newspaper.
Sa isang systematic review at meta-analysis na isinagawa ng mga mananaliksik sa bansang Canada na pinangunahan ni Dr. Paul Ronksley ng Department of Community Health Sciences, Faculty of Medicine ng University of Calgary sa Alberta, Canada ay pinag-aralan nina Dr. Ronksley ang epekto ng pag-inom ng alak sa pagkakaroon ng iba’t ibang sakit sa puso at stroke.
Sa kanilang review ng 84 studies, nakita nila ang pagbaba ng hanggang 25 porsyento ng risk of dying from cardiovascular diseases sa mga umiinom moderately ng alak.
Ang moderate drinking ay isa o dalawang drink ng alak o beer sa isang araw. Hindi nakita ang pagbaba ng risk of dying from cardiovascular disease sa mga indibidwal na hindi umiinom ng alak.
Batay din sa meta-analysis na ito, ang pag-inom ng alak ng higit sa light or moderate drinking ay nagresulta sa mas mataas na incidence ng stroke, at pagkamatay dahil sa stroke. Inilathala ang pag-aaral nina Dr. Ronksley sa tanyag na British Medical Journal noong taong 2011.
Ayon kay Dr. William Li, isang physician at scientist, at author ng bestselling book na Eat to Beat Disease, The New Science of How your Body Can Heal Itself na inilathala noong 2019, ang pagbaba ng risk na mamatay sa cardiovascular disease ay nakikita lamang sa umiinom ng beer moderately at hindi sa mga umiinom ng gin or vodka. Sinabi ni Dr. Li, ito ay dahil sa mga bioactive polyphenols na sangkap ng beer, partikular dito ang xanthohumol. Hindi makikita ang mga polyphenols sa inuming gin at vodka.
Pahayag pa ni Dr. Li, katulad ng dark chocolate at black tea, ang beer ay nakakapag-mobilize at nagpapataas ng level ng mga stem cells sa ating circulation. Sa tulong ng mga stem cells nami-maintain, repair at regenerate ng mga ito ang ating katawan.
Bagama’t makikita ang 750,000 uri ng stem cells sa maraming bahagi ng ating katawan, makikita ang karamihan nito sa bone marrow, lungs, at liver. Kumpara sa pag-inom ng beer, ang pag-inom ng gin ay hindi nagresulta ng pagtaas ng level ng stem cells. Bagkus ay bumaba pa ang circulating stem cells ng mga uminom ng gin.
Tungkol sa iyong tanong kung ang beer ay maaaring makababa ng risk na magkaroon ng cancer, may mga pag-aaral na sa larangan na ito. Sa isang study na isinagawa ng National Cancer Institute ng bansang Amerika, kung saan may mahigit na 107,000 participants, napag-alaman na bumaba ng 33 porsyento ang risk na magkaroon ng kidney cancer ang mga indibidwal na umiinom ng limang beer kada linggo. Inilathala ang pag-aaral na ito sa International Journal of Cancer noong 2015.
Sa pag-aaral naman na isinagawa sa North Carolina sa bansa ring Amerika, bumaba ng 24 porsyento ang risk na magkaroon ng colon cancer sa mga indibidwal na umiinom ng isang beer sa isang araw. Nailathala ang resulta ng research na ito na tinawag na North Carolina Colon Cancer Study noong 2011 sa scientific journal na Diseases of the Colon and Rectum.
Bukod sa magandang epekto ng moderate na pag-inom ng beer sa pagbaba ng risk sa cardiovascular disease, stroke, kidney at colon cancer ay may magandang balita rin sa mga gustong umiwas na magkaroon ng dementia at Alzheimer’s disease.
Sa isang research na isinagawa ng Central Institute of Mental Health sa Mannheim, Germany, kung saan pinag-aralan ng mga scientist ang epekto ng pag-inom ng beer sa pagkakaroon ng dementia at Alzheimer’s disease sa mahigit na 3,000 indibidwal na may edad 75 at pataas. Ayon dito, bumaba ng 60 porsyento ang risk na magkaroon ng dementia at bumaba ng 87 porsyento ang risk naman na magkaroon ng Alzheimer’s disease ang mga indibidwal na umiinom ng isa at kalahating beer hanggang dalawang beer araw-araw. Mababasa ang kumpletong resulta ng pag-aaral na ito sa scientific journal na Age and Ageing na nailathala noong taong 2011.
Tandaan lamang na ang mga nabanggit na research ay sa mga umiinom lang ng isa hanggang dalawang bote (light to moderate drinking) ng beer sa isang araw. At ang pag-inom ng higit pa rito ay may kaakibat na masamang epekto sa ating kalusugan.
Sana ay nasagot namin ang iyong mga katanungan. Maraming salamat sa inyong patuloy na pagtangkilik sa BULGAR newspaper at sa Sabi ni Doc column.
Maraming Salamat sa inyong pagliham sa Sabi ni Doc at nawa’y magpatuloy sa pagbuti ang inyong kalusugan. Kung may mga katanungan pa, mag-email lamang sa Sabi ni Doc sa e-mail address na erwin.erfe@gmail.com o sa doc.bulgar@gmail.com