top of page
Search

ni Ryan Sison @Boses | June 15, 2025



Boses by Ryan Sison

Ang tunay na reporma sa edukasyon ay hindi nasusukat sa dami ng plano, kundi sa konkreto at napapanahong aksyon na direktang nararamdaman agad ng mga guro at mag-aaral sa loob ng silid-aralan.


Bago pa magpasukan, naghatid kamakailan ang Department of Education (DepEd) ng libu-libong smart TV, laptop, at aklat sa mga pampublikong paaralan sa buong bansa — isang hakbang na nagsisilbing senyales ng matagal nang hinihintay na pagbabago sa sistema ng edukasyon. 


Ayon kay DepEd Secretary Sonny Angara, kapag dumating na sa mga paaralan ang mga kinakailangang kagamitan ay doon na mararamdaman ang tunay na pagbabago. Higit pa sa simpleng pamamahagi ang naturang proyekto, sapagkat nagpapakita ito ng seryosong hangarin ng kagawaran na ihanda ang mga mag-aaral para sa makabagong panahon. 


Sa ilalim ng Early Procurement Activities (EPA) para sa Fiscal Year 2025, umabot na sa 33,539 laptop ang naipamahagi para sa mga guro at 5,360 para sa non-teaching staff. 

Sa Metro Manila, 1,340 laptop ang idi-distribute sa 268 public schools mula Hunyo 16 hanggang 26. Kasama rin dito ang halos 26,000 smart TV package na may external hard drive. 


Sa Region VII (Gitnang Visayas), mahigit 2,300 units ng smart TV package ang matatanggap, habang nagpapatuloy ang pagbili para sa Region IX (Zamboanga Peninsula) at Cordillera Administrative Region (CAR). 


Kasabay nito, minadali na rin ng DepEd ang pagbili ng mga aklat na batay sa bagong K to 10 curriculum. Halos kumpleto na ang mga libro para sa Grade 1, 4, at 7, (99% ang na-procure), habang nasa kalahati o 50 percent na para sa Grade 2, 5, at 8. Ang textbooks para naman sa Grade 6, 9 at 10 ay inaasahang susunod na i-procure ngayong taon at nakaiskedyul na ipamahagi pagsapit ng 2026. 


Bukod sa mga kagamitang ito, patuloy ding ginagamit ang mga karagdagang learning resources tulad ng activity sheets, modules, at digital content mula sa DepEd Learning Management System, Learning Resource Portal, at Likha App. 


Ang mga makabagong kagamitang ito ay hindi lamang maituturing na pisikal na tulong, kundi simbolo ng pagbabago sa pananaw ng pamahalaan sa ating edukasyon. Mas magiging buhay ang pagkatuto, mas maaabot ng mga mag-aaral ang nararapat na kaalaman at mas gaganahan ang mga titser sa pagtuturo dahil sa mga kagamitang ito.  


Gayunman, ang totoong tagumpay nito ay nakasalalay sa wastong paggamit ng mga naturang learning tools — mula sa pagsasanay ng mga guro, pagkukumpuni, hanggang sa aktuwal na pagtuturo sa klase. Ang modernong teknolohiya ay makapangyarihang kasangkapan, pero dapat sa kamay ng mahuhusay na educator at sistemang suportado, dahil ito ang magiging sandigan ng mas inklusibo at kalidad na edukasyon.


Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

 
 

ni Ryan Sison @Boses | June 14, 2025



Boses by Ryan Sison

Masasabing hindi pa rin ligtas ang mga ordinaryong mamamayan sa araw-araw na biyahe — lalo’t ang mga kriminal ay gumagamit na ng uniporme ng mga motorcycle taxi at delivery riders upang makapanloko, makapangholdap, at kung minsan ay magdala ng gulo. 


Kaya siguro iniutos ni National Capital Region Police Office (NCRPO) chief Maj. Gen. Anthony Aberin ang mas pinaigting na presensya ng kapulisan sa Metro Manila upang tugisin ang mga kriminal na nagpapanggap bilang motorcycle taxi at delivery riders. 


Kasama sa planong ito kung saan nakipag-ugnayan na rin ang kagawaran sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) at mga ride-hailing companies para matukoy ang mga legit o tunay mula sa mga fake na motorcycle at delivery riders lamang. 


Ayon kay Aberin, ang naturang hakbang ay bahagi ng isang seryosong pagtugon sa isang kritikal na isyu hinggil sa kaligtasan ng publiko at integridad ng mga naturang transport at delivery services. 


Sa isang joint operation na isinagawa kamakailan sa mga bus terminal sa Quezon City — karaniwang tambayan ng mga motorcycle taxi riders — natukoy ang mga indibidwal na nakasuot ng ride-hailing uniform nang walang kaukulang ID o record at nagpapanggap na lehitimong riders. Ang mas nakakabahala pa rito ay ilan sa kanila ang sangkot umano sa criminal activities gaya ng panghoholdap, pamamaril, at kidnapping. 


Sa nalalapit na pagbubukas ng klase sa Hunyo 16, kailangan ng doble o tripleng pag-iingat, kaya’t mas magiging madalas at target-specific ang mga susunod na operasyon ng kapulisan, ayon sa NCRPO chief. Nilalayon nitong linisin ang lansangan mula sa mga nagpapanggap na riders na ginagamit ang imahe ng mga kilalang kumpanyang ito upang makapanloko. 


Kung kailan umaasa ang publiko sa mga delivery at ride-hailing services para sa kaginhawaan, ang ‘paggamit’ sa mga ganitong serbisyo ay hindi lamang krimen kundi pang-aabuso at direktang paglapastangan sa tiwala ng mga mamamayan. 


Ang pamahalaan, kasama ang private sector, ay may tungkuling tiyakin na ang mga lansangan na maging ligtas — hindi lamang mula sa trapik kundi pati na rin sa mga taong ang intensyon ay manlinlang.


Marahil, ang problema ng kriminalidad ay lalong lumalala kapag ang mga masasamang-loob ay ginagamit ang imahe ng mga legit na kumpanya na ating pinagkakatiwalaan sa araw-araw. 


Kumbaga, ang inaasahang magde-deliver ng pagkain ay maaaring armado, at ang motorcycle taxi na inaakalang sasakyan na magdadala sa atin nang ligtas sa trabaho at eskwela ay posibleng panganib na pala. Kaya’t mas mainam na hindi lang kapulisan ang alerto — kundi bawat mamamayan ay dapat matuto na maging mapagmatyag at mapanuri upang maprotektahan ang sarili sa mga masasamang elemento.


Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

 
 

ni Ryan Sison @Boses | June 13, 2025



Boses by Ryan Sison

Ang pagsali ng bansa sa pandaigdigang deklarasyon laban sa plastic pollution ay hakbang na matagal na nating kailangan – pero, kung walang konkretong aksyon at implementasyon, mananatili na naman itong isang papel na puno ng pangako at kulang sa paninindigan. 


Sumali ang Pilipinas sa 95 na mga bansa na lumagda sa deklarasyong “Nice Call for an Ambitious Treaty on Plastic Pollution,” isang internasyonal na dokumento na naglalayong wakasan ang global plastic pollution sa pamamagitan ng pagbawas sa produksyon, paggamit, at mas mabuting pamamahala ng mga plastic polymers. 


Inilunsad ito noong Hunyo 10, sa ikalawang araw ng United Nations Ocean Conference sa Nice, France. Layon ng deklarasyon na magtakda ng pandaigdigang mithiin upang limitahan ang epekto ng plastik sa ating kapaligiran. Kasama rito ang mga panawagang gawing responsibilidad ng mga bansa ang pagtanggal sa mga mapanganib na kemikal at unti-unting maalis ang mga problema ng produktong plastik, pati na rin ang pagbabago ng disenyo ng mga plastik upang mas madali itong ma-recycle o mapanumbalik sa kalikasan nang hindi nakasasama. 


Ayon kay French Minister for Ecological Transition Agnès Pannier-Runacher, ang nasabing deklarasyon ay isang mahalagang hakbang bago ang pormal na negosasyon para sa internasyonal na kasunduan kontra plastik, na nakatakdang gawin sa Geneva sa Agosto 2025. 


Sa unang tingin, positibo ang hakbang na ito — lalo na’t ang Pilipinas ay isa sa mga bansang pinakaapektado ng plastic waste. Araw-araw, milyun-milyong toneladang basura na tila puro plastik mula sa mga tahanan, negosyo, at industriya ang napupunta sa ilog, estero, at karagatan. 


Marahil, ang pagsali ng bansa sa deklarasyon na ito ay maaaring magpakita ng commitment sa mata ng international community, pero kung hindi ito tutumbasan ng pambansang aksyon — tulad ng pagpapatupad ng plastic ban, pagpapaigting ng recycling efforts, at pagsasama ng plastic education sa paaralan — ay mananatili lang itong isang pampulitikang pahayag na walang tunay na epekto. 


Ang tunay na pagbabago ay hindi nagmumula sa mga perpektong pahayag kundi sa mahirap ngunit kinakailangang hakbang sa lokal na antas. 


Kailangan natin ng kultura ng disiplina at konkretong polisiya. Hangga’t hindi ito nakikita ng ordinaryong Pilipino sa araw-araw niyang pamumuhay, ang laban kontra plastik ay mananatiling problema na mahirap solusyonan.


Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

 
 
RECOMMENDED
bottom of page