top of page
Search

ni Ryan Sison @Boses | July 9, 2025



Boses by Ryan Sison


Hindi na nga madali ang maging mahirap, lalo’t higit kung tatamaan pa ng sakit o malubhang karamdaman. Ang mas masaklap, kapag ang sistemang dapat na makatutulong sa iyo ay nabibinbin dahil lamang sa papel o kailangang dokumento.


Ayon sa gobyerno, may sapat na pondo para sa gastusin ng mga pasyenteng mahihirap, pero sa aktuwal na kalagayan, pila, delay, at pagtanggi ng ilang ospital ang nararanasan ng publiko. Dahil lang sa kulang na dokumento, ang kalusugan ng mahihirap ang nasasakripisyo. 


Sinabi ng Malacañang na tiniyak ng Department of Health (DOH) na may sapat na budget para bayaran ang mga pribadong ospital na tumatanggap ng pasyenteng may guarantee letter mula sa gobyerno. 


Nilinaw naman ni Press Officer Claire Castro na hindi pera ang problema, kundi ang kakulangan ng dokumento mula sa 39 na ospital sa Batangas kaya hindi ito nababayaran. Itinigil ng mga nasabing ospital ang pagtanggap ng pasyenteng may guarantee letter, dahilan para mangamba ang mga mamamayan. Giit ng DOH, handa silang magbayad sa mga nasabing ospital basta’t maisumite lang ang mga kinakailangang papeles. 


Batay sa Universal Health Care Act, at sa memorandum of agreement (MOA) sa pagitan ng DOH at mga pribadong ospital, dapat maglaan ng 10 porsyento ng bed capacity para sa mga indigent o mahihirap. May karapatan din sila sa zero billing sa pamamagitan ng Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth). 


Dagdag pa rito, puwedeng tumanggap ng serbisyo ang mga mahihirap sa mga pampublikong ospital ng DOH kahit walang guarantee letter, pero hindi ito alam ng marami kaya humihingi pa rin sila ng endorsement mula sa mga opisyal ng gobyerno. Bagama’t sinasabi ng pamahalaan na maayos ang sistema, ang kabagalan ng proseso at kakulangan sa kaalaman ang patuloy na nagpapahirap sa mga pasyente. 


Kapag buhay ang nakataya, huwag sanang maging dahilan ng kamatayan ang isang nawawala o hindi kumpletong papel. Ang mabilis, maayos, at accessible na healthcare ay hindi sana pangarap lang — ito’y karapatang dapat igiit. 


Para sa akin, ang pagkakaroon ng magandang kalusugan ay isang karapatan, at hindi pribilehiyo. Kapag ang isang papel o dokumento ang humahadlang sa serbisyo, at ang mga ospital at ang ahensya ay nagtuturuan, ang mahihirap ang laging talo.

Gayundin, hindi sapat na may pondo at batas lamang — kung walang lubos na tulong, galing at malasakit, mananatiling pasakit ang pagpapagamot.


Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

 
 

ni Ryan Sison @Boses | July 8, 2025



Boses by Ryan Sison

Sa mabilis na pag-usbong ng teknolohiya sa larangan ng edukasyon, lalo na ang artificial intelligence (AI), hindi maiiwasang gamitin ito ng mga guro at mag-aaral. 

Hindi masama ang paggamit ng AI sa pagkatuto, pero delikado kung ito na ang magiging kapalit ng sariling pag-iisip. 


Sa panahong uso na ang "instant" at "shortcut," mahalaga pa rin at dapat tandaan na ang tunay na edukasyon ay hindi lang basta output, kundi proseso ng pag-unawa, pag-aanalisa, at pagpapalalim ng kaalaman. 


Kamakailan, inanunsyo ni Education Secretary Sonny Angara na isasama na sa bagong curriculum ang pagsasanay sa paggamit ng AI. Layon nitong ihanda ang mga guro at estudyante sa digital age at mas mapakinabangan ang teknolohiya sa tamang paraan. 

Sinabi ni Angara na sa lalong madaling panahon, babaguhin na rin ang curriculum para matutong gumamit ng AI ang mga bata, gayundin ang mga guro. Ito aniya, ang pagbabagong inaasahan sa darating na mga taon.


Subalit, kahit wala pa ang opisyal na pag-integrate ng AI sa kurikulum, marami nang kabataan ang gumagamit nito nang palihim sa kanilang mga takdang aralin. Tulad na lang halimbawa ng isang college student na aminadong kinukuha ang nilalaman mula sa AI, saka ito hinahaluan ng kaunting personal na opinyon para hindi mahalata. Sa kabilang banda, may mga guro ring mas bukas at responsable sa AI use, na ginagamit ito sa paggawa ng lesson plans. 


Ayon kay ACT-NCR President Ruby Bernardo, natural nang umasa sa digital tools ang maraming guro’t mag-aaral, lalo na sa mga pampublikong paaralan na kulang sa learning materials. Kaya’t kung may cellphone, YouTube, at internet na, tiyak na susunod na rin ang AI.


Pero may babala ang ilang eksperto. Ayon sa isang MIT study, ang labis na pagdepende sa AI ay maaaring magdulot ng cognitive debt o paghina ng kakayahang mag-isip nang malalim. Hindi pa ito peer-reviewed, pero hindi malayong mangyari. 


Pahayag naman ng isang dean at program chairperson ng isang lokal na unibersidad, dapat limitado lang sa 15% ang paggamit ng AI-generated content sa research outputs. Kailangan pa rin daw ng aktuwal na pag-aaral, kritikal na pag-iisip, at sariling pagsisikap. 

Kung tutuusin hindi naman kasalanan ang paggamit ng AI. Ang masama ay kung iaasa na lang natin dito ang lahat. 


Dapat natin itong responsableng gamitin bilang gabay lamang, at hindi bilang sagot o umasa na rito. Dahil ang tunay na karunungan ay hindi lang nakukuha sa teknolohiya, kundi sa disiplina, tiyaga, at talino ng taong gumagamit nito.


Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

 
 

ni Ryan Sison @Boses | July 7, 2025



Boses by Ryan Sison

Sa bansang kung saan ang trabaho ay kadalasang suwertehan, na ang isang manggagawa ay masuwerteng makapasok at magkaroon ng hanapbuhay habang tuluy-tuloy ang pagtaas ng mga bilihin at gastusin, hindi na sapat ang pansamantalang kabuhayan lamang. 


Dahil dito muling inihain ni Senador Joel Villanueva ang Anti-Endo Bill, na layong wakasan ang matagal nang suliranin ng kontraktuwalisasyon sa bansa. 


Sa pagbubukas ng 20th Congress, itinutulak niyang gawing prayoridad ang “Security of Tenure and End of Endo Bill” para bigyan ng malinaw na proteksyon ang mga manggagawa laban sa paulit-ulit at panandaliang pag-eempleyo. 


Sa ilalim ng panukala, pinapalakas ang pagbabawal sa tinatawag na labor “only contracting” na isang sistema kung saan ang mga empleyado ay tinatanggap lamang sa maikling panahon, walang kasiguraduhan sa trabaho, at walang benepisyong natatanggap tulad ng isang regular na empleyado. 


Ayon kay Villanueva, hindi makatarungan ang ganitong sistema dahil tinatanggalan nito ng dignidad at karapatan ang mga manggagawa. Bilang bahagi ng reporma, bibigyan ng kapangyarihan ang mga industry tripartite councils upang tukuyin kung aling mga posisyon ang may direktang koneksyon sa pangunahing negosyo ng isang kumpanya. 


Sa pamamagitan nito, mabibigyan ng pagkakataon ang mga manggagawa na iparinig ang kanilang saloobin habang kinikilala rin ang pangangailangan ng mga employer sa modernong operasyon.


Sa kabila ng paulit-ulit na pagtalakay sa isyu ng endo sa mga nakalipas na administrasyon, nananatiling hindi naisasabatas ang dapat sana ay pangmatagalang solusyon. 


Ang trabaho ay hindi dapat maging pansamantala lalo’t kung ang pangarap ng bawat Pilipino ay permanente. 


Sa gitna ng tumataas na bilihin, bayarin, at mga gastusin sa araw-araw, hindi sapat ang 3-month contract, no benefits para sa pamilyang umaasa sa bawat sahod ng may trabaho. 


Sana, maisip ng kinauukulan na ang pagiging regular ay hindi pribilehiyo, kundi karapatan. Panahon na para seryosohin ito ng Kongreso. Hindi dapat sa loob ng opisina lang napag-uusapan ang kalagayan at kabuhayan ng mga manggagawa, kailangan itong isabatas. 


Ang Anti-Endo Bill ay hindi laban sa negosyo. Ito’y hakbang tungo sa balanseng ugnayan sa pagitan ng capital at labor. Marahil, kung ang gobyerno ay tunay na para sa masa, hindi puro pangakong trabaho lang para sa lahat, kinakailangang siguraduhin ang dekalidad na hanapbuhay at seguridad sa sektor ng mga manggagawa.



Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

 
 
RECOMMENDED
bottom of page