top of page
Search

ni Rohn Romulo @Run Wild | Jan. 12, 2025



Photo: Gerald Santos - Instagram


Naghahanda ang Prince of Ballad ng Pilipinas na si Gerald Santos upang aliwin at pasayahin ang kanyang mga tagahanga sa kanyang pinakabagong solo concert na may titulong Gerald Santos: Courage (GSC). Gaganapin ito sa Enero 24, 2025 sa SM North EDSA Skydome.  


Mula sa pagiging grand champion ng Pinoy Pop Superstar (PPS) hanggang sa international recognition para sa kanyang pagganap bilang Thuy sa Miss Saigon (MS), paulit-ulit na napatunayan ni Gerald ang kanyang talento sa pagkanta. 


Ngayon, mas matapang niyang ipinapahayag ang mensahe ng lakas at katatagan sa pamamagitan ng kanyang advocacy na Courage Movement.


Ang Courage concert ay magiging isang hindi malilimutang gabi ng musika, isinulat at idinirek ng bisyonaryong si Antonino Rommel Ramilo. Mapapanood dito ang kakaibang Gerald — mas daring at sexier.  


Aniya, “Konti lang sa image, but more on the songs, katulad nitong newest single ko na Hubad. Kasi, after sometime, may io-offer tayong bago, dahil kilala na akong balladeer and as a crooner. So, naisip namin na why not mag-reinvent? Kaya ‘yun ang dapat nilang abangan sa concert.”


Sa concert ay tampok ang mga special guests tulad nina Sheryn Regis, Elish (Aliw Awards' Best New Female Artist 2024), ang P-Pop group na ASTER, at iba pang surprise performers.  


Sa suporta ng Echo Jham at Visionary Productions, nangangako ang Courage na magbibigay ng bagong benchmark para sa live music experiences ngayong 2025.  


Mamarkahan din ng concert ang paglulunsad ng Courage Movement, na naglalayong matulungan ang mga naging biktima ng sexual harassment at iba pang uri ng pang-aabusong seksuwal.  


Matatandaang noong nakaraang taon, inamin ni Gerald na naging biktima siya ng sexual abuse ng isang kilalang musical direktor noong siya’y 15-anyos. Sa tulong ni Sandro Muhlach at iba pang biktima, nagkaroon siya ng lakas ng loob na magsampa ng reklamo.  


Ayon kay Gerald, “Noong makaiyak ako sa Senate, ang laki ng tinik na nabunot sa ‘kin. Pero may mga lumapit pa sa akin, ibang victims na ‘di pa handang lumantad. Kaya sabi ko, ‘di lang para sa ‘kin, para na rin sa iba pang victims.”  


Nagpapasalamat din si Gerald kay Sen. Jinggoy Estrada sa pag-refer kay Atty. Malaya na tumutulong sa kaso.    


Samantala, bilang bahagi ng kanyang bagong kabanata, inilabas ni Gerald ang kanyang pinakabagong single na Hubad noong Enero 10, 2025. Available na ito sa Spotify, iTunes, Amazon Music, at iba pang streaming platforms. 



PERSONAL naming nasaksihan ang ika-16 na taon ng pamamanata ni Congressman Sam “SV” Verzosa sa Mahal na Poong Nazareno.  


Bago sumampa sa Andas noong Enero 9, dumalo muna siya sa Pahalik sa Quirino Grandstand noong Enero 8.


Ayon kay SV, “‘Wag natin kakalimutan ang tunay na diwa ng pananampalataya kung bakit tayo narito. Ang pananampalataya na walang gawa ay patay na pananampalataya. So, kailangang isabuhay natin ang pagiging deboto.”  


Kasama na ngayon si SV sa Hijos del Nazareno, ang grupong nangangalaga sa Poong Nazareno at tumutulong tuwing Traslacion.  


Aniya, “Debosyon ko ang taunang paglahok. Isa sa paraan ko ito para makapagdasal nang taimtim at makakonekta sa Mahal na Nazareno. Kaya noong dininig ang panalangin ko, ipinangako ko nang magiging deboto habambuhay.”  


Dagdag niya, “Patuloy ang pasasalamat ko, at siyempre, may mga dasal ako—hindi na lang para sa ‘kin kundi para sa mga kababayan natin, lalo na sa lungsod ng Maynila.” 

 
 

ni Rohn Romulo @Run Wild | Dec. 21, 2024



Photo: Coco Martin TOPAKK - Instagram


Napa-wow talaga at napa-thumbs up si Coco Martin nang mapanood niya ang Topakk na pinagbibidahan nina Arjo Atayde at Julia Montes sa matagumpay na grand premiere night nitong December 19 sa Gateway Cineplex Cinema 11.


Nagsisimula na ang hard action movie na may puso nang dumating si Coco, na tama lang naman, para hindi siya makaagaw ng atensyon habang rumarampa ang cast ng Topakk.


After ng movie, sa short interview kay Coco, kitang-kita na masayang-masaya siya sa napanood lalo na sa mga action scenes nina Julia at Arjo.


Sey ng Primetime King, “Barakung-barako, lalaking-lalaki ang labanan, may pelikula silang aabangan kung gusto nila ng hard action.  


“Para sa ‘kin nga, nag-upgrade ang movie, para talagang pang-international. Kaya nakaka-proud si Direk Richard Somes, kay Arjo, kay Julia at sa buong cast, ang gagaling nilang lahat.”


At dahil sa Topakk, safe na ngang sabihin na sina Arjo at Julia ang bagong Action King and Queen ng bagong henerasyon. Ilang beses pinalakpakan ang matitinding action scenes nila at sa ipinakitang husay ni Julia sa aksiyon, next year ay gagawan ng follow-up movie si Julia ng Nathan Studios Inc., at posible nga na ang actress-producer na si Sylvia Sanchez ang gumanap na ina sa binubuong action movie.


Anyway, spotted and all-out support ang mga stars sa naganap na celebrity premiere night ng Topakk sa pangunguna nina Diamond Star Maricel Soriano at Lorna Tolentino.

Nandu’n din sina Rosanna Roces at iba pang cast ng Batang Quiapo (BQ), Ice Seguerra and Liza Diño, Franco Laurel, Boy Toyo, magkapatid na Ria at Gela Atayde (na kasama rin sa Nathan Studios), at siyempre, si Maine Mendoza, na from day 1 ng action movie ay nakasuporta na kay Arjo. 



Natanong naman si Sylvia Sanchez kung bakit naging ganoon katapang ang loob nila nang ipasok ang Topakk sa 50th Metro Manila Film Festival (MMFF).


Sa interview sa kanya ni DJ Jhai Ho, “Ang nagpatapang sa ‘kin ay ang mismong material. Ganu’n kalakas ang loob ko, ang movie na ito ang magbubukas sa mga mata nating lahat na kailangan pala nating intindihin ang bawat isa.


“Diretsahan din na nag-level-up ang action dito. Of course, iba ang action noon, ibang generation. Pero ngayong Gen Z of Gen Alpha, ito ‘yung action na para sa kanila. Meron pa ring suntan pero kakaiba, dahil iba ang atake ng pelikula at iba ang acting ng mga artista.


“Kahit nag-aaksiyon sila, ang puso nila, nandu’n pa rin.”


Pag-amin pa ni Ibyang tungkol sa naging collaboration nila ni Direk Richard Somes, “Si Direk Somes, sabi n’ya sa ‘kin, ‘Tita, tulungan mo ako rito, kasi ikaw ‘yung may puso sa mga eksena, ikaw kasi ang nasa teleserye.’ Ako kasi, wala akong puso, puro ako aksiyon.’


“So, nag-collab kami du’n and Direk Wil also pagdating sa drama. Kailangan kasi, may drama at kung saan kakapit ang manonood, du’n kami nagkasundo.”


At base nga sa mga nakapanood at movie reviewers, isa ang Topakk sa best movies na entry sa 50th MMFF, na hopefully marami talaga ang makapanood sa pagsisimula sa December 25.


At abangan din ang pasabog nilang festival float sa ‘Parada ng mga Bituin' ngayong hapon na mag-iikot sa Maynila.

 
 

ni Rohn Romulo @Run Wild | Dec. 20, 2024



Photo: Dennis Trillo - Instagram


Sayang at hindi namin mapupuntahan ang premiere night kaya sa Araw ng Pasko pa mapapanood ang Green Bones (GB) na pinagbibidahan nina Dennis Trillo at Ruru Madrid, na mukhang palaban din sa Best Film, Best Actor at iba pang awards category, base sa napakagandang trailer, at ang mga nakapanood na, talaga namang pinalakpakan ito.


Isa nga ito sa 10 official entries sa ika-50 edition ng Metro Manila Film Festival (MMFF) na mula sa GMA Pictures, GMA Public Affairs at BrightBurn Entertainment na pag-aari nina Dennis at Jennylyn Mercado.


At base nga sa ipinakitang trailer, nagpakitang-gilas sa aktingan sina Dennis at Ruru sa GB, kaya sigurado nang lalaban din sila sa pagka-Best Actor sa MMFF 2024 Gabi ng Parangal ng MMFF 2024 na magaganap sa December 27 sa Solaire Resort Manila.


Ibang-iba ang ipinakita ni Dennis sa pelikula at isa sa mga challenges na ginawa niya ay ang pagsa-sign language kung saan ginagampanan niya ang role bilang si Domingo Zamora na nakulong dahil sa pagpatay sa kanyang kapatid na babae. 


Kuwento ni Dennis tungkol sa kanyang role, “Masaya ako na natuwa sila sa ginawa ko. Ako ay isang taong mahirap ding i-please kaya ako nag-e-exert ng extra effort tuwing may bago akong proyekto na gagawin.


“Lalung-lalo na ramdam ko ang magnitude ng project na ‘to at ‘yung season kung kailan s’ya ipapalabas. Nakaka-excite dahil ito ‘yung time na nanonood ang mga tao, kaya excited ka na umikot sa mga sinehan at makita silang lahat du’n.”


May ibinahagi rin si Dennis tungkol sa mahihirap na characters na ginampanan niya tulad dito sa GB na kakaiba talaga sa Pulang Araw (PA).


“Tulad ng sinabi ko kay Ruru, isa sa mga special skills ko ay mabilis ko s’yang ma-switch-off, dahil s’ya, nahihirapang bumitaw pagkatapos, nadadala n’ya sa ibang set.  


“Pero ako, kahit galing ako sa Pulang Araw, kaya kong tumawid sa Green Bones. Tinanggap ko ang project na ito dahil akala ko, magiging rest day ko ‘yun ‘pag nag-shoot ako ng Green Bones dahil wala akong masyadong dialogues, pero mas mahirap pa pala.

“Dahil hindi kailangan ng mahahabang dialogues, kailangan mo lang ng tamang timpla ng emosyon para maramdaman ng tao ang gusto mong maramdaman nila.”


Dagdag pa niya, “Kaya pareho silang mahirap. Masakit sa utak ang Pulang Araw, nagsasalita ako ng foreign language na minsan, hindi ko alam kung ano ang ibig sabihin, pero kailangan mong maging convincing.


“Siguro, ‘yun ang pinakamahirap ang maging convincing sa bawat role na gagawin mo, maging Hapon ka man noong unang panahon at maging preso sa panahong ito.”


Mula sa direksiyon ni Zig Dulay na nagdirek din ng award-winning MMFF 2023 entry na Firefly at mula sa original story ni JC Rubio, senior documentary manager ng GMA Public Affairs, at isinulat nina National Artist Ricky Lee at MMFF 2023 Best Screenplay winner Anj Atienza, kasama nila ni Ruru sa movie sina Michael De Mesa, Ronnie Lazaro, Kylie Padilla, Iza Calzado, Sofia Pablo, Alessandra de Rossi, Wendell Ramos, Pauline Mendoza at marami pang iba.


Samantala, masaya naman sina Dennis at Jen bilang producer ng GB dahil napasama agad ang movie nila sa 50th MMFF.


Tugon pa niya, “Maraming mga nag-pitch sa ‘min ngayon ng mga projects at umaasa kami na marami pang magagandang ka-collaborate sa susunod na mga taon.”


Natanong din si Dennis kung posible rin siyang magdirek?


“Hindi imposible,” sagot ng premyadong aktor.


“Siguro, sa pagiging aktor ko for more than twenty years, pag-o-observe sa bawat taping at shooting, at kung anu-ano pang projects na ginawa ko, siguro, magiging komportable rin ako sa pagdidirek dahil alam ko kung paano magtrabaho ang isang artista.”


 
 
RECOMMENDED
bottom of page