top of page
Search

ni Rohn Romulo @Run Wild | September 29, 2023



Ang bongga ni Heaven Peralejo dahil kinabog niya ang mahuhusay na aktres sa pelikula at telebisyon para sa taong 2022 dahil siya ang itinanghal na Philippine's Best Actress in a Leading Role sa ginanap na announcement ng National Winners 2023 ng Asian Academy Creative Awards.


Dahil ito sa mahusay niyang pagganap sa MMFF 2022 entry na Nanahimik ang Gabi (A Silent Night) ng Rein Entertainment Productions na napapanood sa Amazon Prime Video.


Ang naturang sexy suspense-thriller naman ay nagwagi rin ng Best Feature Film.


Matatandaan na si Nadine Lustre ang nagwaging Best Actress para sa Deleter at may isa pa siyang panlaban last year, ang Greed, kung saan mahusay din ang kanyang ipinakitang pag-arte, kaya wagi rin sa 71st FAMAS Awards.


Pero isa nga siya sa mga kinabog ni Heaven na kapapanalo lang din ng Best Actress sa 39th Luna Awards ng Film Academy of the Philippines (FAP), pati na ang mahuhusay na aktres sa teleserye, tulad ng pinag-usapang Dirty Linen.


Ang co-actor ni Heaven na si Mon Confiado naman ang waging Best Actor in a Supporting Role, na nanalo rin sa MMFF 2022 dahil sa napakahusay na pagganap sa Nanahimik ang Gabi.


Last year ay si Jodi Sta. Maria ang nanalong Best Actress sa AACA para sa drama series na The Broken Marriage Vow. Kaya abang-abang kung magba-back-to-back win ang Pilipinas ngayong si Heaven ang ating pambato.


Malakas din ang panlaban natin sa Best Actor in a Leading Role, dahil nominated uli si Arjo Atayde na nakapag-uwi na ng tropeo mula sa 3rd Asian Academy Creative Awards 2020 para sa series na Bagman.


Kapansin-pansin nga ang mahusay niyang pagganap sa Cattleya Killer kaya 'di na nakapagtataka na siya ang hinirang na National Winner.


Matindi ang magiging labanan tulad sa Best Actress, dahil marami silang makakalaban sa buong Asya.


Ang Cattleya Killer din ang napiling Best Drama Series.


Narito ang ibang National Winners para sa 2023 AACA:


BEST ACTOR/ACTRESS IN A COMEDY ROLE - Isabelle Daza (K-LOVE)

BEST ACTRESS IN A SUPPORTING ROLE - Sue Ramirez (K-LOVE)

BEST ADAPTATION OF AN EXISTING FORMAT - Flower of Evil

BEST ANIMATED PROGRAMME OR SERIES (2D OR 3D) - Voltes V: Legacy

BEST VISUAL OR SPECIAL FX IN TV SERIES OR FEATURE FILM - Voltes V: Legacy

BEST DIRECTION (FICTION) - Onat Diaz (Dirty Linen)

BEST ENTERTAINMENT HOST - Manila Luzon (Dragden With Manila Luzon)

BEST NON-SCRIPTED ENTERTAINMENT - Dragden With Manila Luzon

BEST MUSIC OR DANCE PROGRAMME - ASAP NATIN 'TO

BEST GENERAL ENTERTAINMENT, GAME OR QUIZ PROGRAMME - EVERYBODY, SING!

Para sa complete list, bisitahin lang ang kanilang website.


Best of luck sa mga National Winners natin para sa 2023 Asian Academy Creative Awards, na ang Grand Awards at Gala Final ay sa December 7 at gaganapin sa historic Chijmes Hall ng Singapore.


 
 

ni Rohn Romulo @Run Wild | August 31, 2023




Sa celebrity screening last Sunday ng newest primetime series ng ABS-CBN na Senior High na hatid ng Dreamscape Entertainment, may konting pasilip na ang character ng award-winning actress na si Sylvia Sanchez.


Gumaganap nga siya bilang isang security guard sa school na kung saan nag-aaral ang kambal na sina Luna at Sky na ginagampanan ng ‘most important star’ at ‘future Drama Queen’ ng Kapamilya Network na si Andrea Brillantes, na talaga namang hinahangaan sa kanyang pagganap sa dalawang karakter.


Bida rin sa serye sina Kyle Echarri, Juan Karlos, Elijah Canlas, Zaijian Jaranilla at Xyriel Manabat na nagpamalas na rin ng kani-kanilang husay sa pag-arte.


Natanong naman si Sylvia after ng screening ng three episodes kung bakit niya tinanggap ang naturang role, na base naman sa napanood namin ay mukhang malaki ang magiging kaugnayan sa mga batang bida ng mystery-thriller series na kapupulutan ng mga mahahalagang aral.


“Malaki ‘yung role na ‘yun,” sabi niya.


“After ng HKM (Huwag Kang Mangamba), sinabi ko, papahinga muna ako (paggawa ng teleserye). So ginawa ko 'yun, years akong nagpahinga.


“May mga offers naman na dumating, tinanggihan ko, kasi pare-pareho na nanay, ganu’n. Gusto ko naman na ma-break ‘yung ganoon, na maiba ‘yung role ko.”


Pero may dumating kaya hindi na siya nakatanggi, “So, after 2 years, eto, dumating itong role na ito na si Lydia na isang security guard. Tinanggap ko na walang pag-aalinlangan.


“Kasi, after HKM, pinagkatiwalaan ako ng Dreamscape ng panibagong magandang role.


Security guard siya, pero huwag lang siyang sinasabihan na security guard lang. Kasi ang security guard na ‘yun, ‘pag pumutok, tatahimik ang lahat,” pahayag pa ni Sylvia, na tiyak na ‘di magpapakabog sa pagganap sa bagong character na siguradong tatatak na naman.


Samantala, marami siyang ibinigay na payo sa kanyang anak-anakan na si Andrea, na nakasama rin niya sa Huwag Kang Mangamba.


Sobrang insecure pala ito dati at patuloy pa ring nakakatanggap ng pamba-bash.


“Dati kasi, sinasabi niya sa sarili niya na, ‘Tita, hindi po ako maganda.’ Pero nakita ko siya noong bata pa siya (8 years old lang si Andrea nang magkasama sila ni Arjo Atayde sa Eboy), ang ganda-ganda niya.


“Tapos, ‘yung kumpiyansa sa sarili niya, kulang na kulang noon. Kaya ang sabi ko, ‘Blythe (real name ni Andrea), maganda ka, magaling at matalino ka, kaya laban lang.


“Kaya ngayon, kung anuman ang nangyayari sa ‘yo, ang layo na ng Blythe na nakilala ko noong 8 years old ka sa Blythe ngayon, dahil inoobserbahan kita. Kaya natutuwa ako.


“Palagi kong sasabihin sa ‘yo na ang lakas ng loob, tapang at tiwala sa sarili, dalhin mo ‘yan palagi.”


Hirit pa ng mommy ni Gela Atayde na introducing sa Senior High, “At ‘pag may nagsabi sa ‘yo na pangit ka, at hindi ka magaling umarte, ako ang magsasabi sa kanila nang diretso, dahil mas maganda talaga siya (Andrea)."


Feeling daw kasi noon ni Andrea ay hindi siya mabibigyan ng pansin ng ABS-CBN dahil maraming mas magandang aktres kesa sa kanya. Pero dahil nga sa payo ni Sylvia kaya nagkaroon ng kumpiyansa sa sarili si Andrea.


“Saka tandaan mo ‘to, kahit tumanda ka pa, isang tawag mo lang sa akin, kay Gela, kay Tito Art, sa pamilya Atayde, nandoon kami, kahit na ano’ng oras, kahit tulog kami, tatakbuhin ka namin.”


At dahil sa mga magagandang sinabi ni Sylvia, naging emosyonal nga ang bida ng Senior High na nagsimula na noong August 28, 2023. Ito ay mapapanood mula Lunes hanggang Biyernes nang 9:30 PM sa Kapamilya Channel, Kapamilya Online Live, A2Z, TV5, iWantTFC, at TFC.

 
 

ni Rohn Romulo @Run Wild | August 2, 2023




Sa araw na ito, ika-2 ng Agosto, magsisimula ang pinakamalaking motorsport event sa Pilipinas na gaganapin sa boardwalk ng Okada Manila sa Paranaque City.


Ang Motorsport Carnivale 2023 ay 5-day sporting event na pinangungunahan ng Philippine Rallycross Series na inaasahang magkikita-kita ang mahigit 50 racers papunta sa Tarlac at pabalik.


Gaganapin ang awarding ceremonies sa Okada Manila sa Agosto 6, na kung saan tatanggap ng special award sina Richard Gomez at Matteo Guidicelli.


Pinangunahan ang event ni Paranaque City Councilor Jomari Yllana na matagal nang mahilig sa karera. Umaasa siyang maibabalik ang glory days ng mga motorsports sa bansa, kung saan ginanap ang Philippine Grand Prix sa Maynila mula 1973 hanggang 1976.


Sinabi ni Yllana na gusto niyang hikayatin ang mga Pilipino na yakapin ang mayamang kasaysayan ng Philippine motorsports sa pamamagitan ng pagsasama-sama ng lahat ng mga mahihilig sa karera at panatiko sa isang komunidad.


Si Yllana ay nanalo at nakalagay sa ilang lokal na karera at siya ang unang Filipino podium finisher sa Yeongam International Circuit sa South Korea noong 2014. Siya rin ang principal driver ng pro-racing team, Yllana Racing.


Samantala, tuloy na tuloy na pala sa November ang civil wedding nila ni Abby Viduya na gaganapin sa Las Vegas, Nevada. Pagkatapos nito ay magkakaroon naman sila ng church wedding sa hometown ng mga Yllana sa Camarines Sur, na ang kanilang time frame ay mula sa 2024 hanggang 2025.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page