top of page
GMMTV vs Showbiz All-Star - Star Magic.jpg
Search

ni Green Lantern @Renda at Latigo | November 6, 2023


Humarurot sa pista ang High Roller upang sikwatin ang panalo sa 2-Year-Old Maiden Race na inilarga sa Metro Turf, Malvar sa Tanauan City, Batangas noong Sabado ng hapon.


Komento ng mga kareristang nakasaksi sa laban, magaling na kabayo at posibleng maging champion horse ang High Roller lalo na kapag palagi na itong nagsasali sa malalaking karera.


Nirendahan ni jockey EA Abrea, diskarteng sunod ang ginawa nito sa kabayong High Roller habang nasa unahan ang liyamadong Victorious Angel.


Pagsapit ng far turn ay kumakapit na ang High Roller kasama ang Maria's Legacy sa Victorious Angel, kaya naman pagsungaw ng rekta ay nagkapanabayan na ang tatlong nabanggit na kabayo.


Sa huling 150 metro ng karera ay umungos na ang High Roller sa rektahan at tumuloy-tuloy na ito sa meta para manalo ng may apat na kabayong agwat sa pumangalawang Victorious Angel.


"Mag-uumento pa 'yan si High Roller, bata pa at may kinabukasan na maging kampeon sa malalaking stakes races," ani Gilbert Melendrez, veteran karerista.


Inirehistro ng High Roller ang tiyempong 1:28 minuto sa 1,400 meter race sapat upang hamigin ng winning horse owner na si LC Almeda ang P20,000 added prize.


Tumersero ang Crown Prince habang pang-apat na tumawid sa finish line ang Maria's Legacy.


 
 

ni Green Lantern @Renda at Latigo | November 5, 2023


Magpapaligsahan ng bilis sina My Prancealot at Magtotobetsky sa magaganap na Special Invitational Race II na ilalarga sa Metro Turf, Malvar - Tanauan City, Batangas ngayong araw.


May posibilidad na markahan ng mga karerista sina My Prancealot at Magtotobetsky sa distansiyang 1,600 meter race na lalahukan ng pa ng apat pang tigasing kabayo.


Nakalaan ang garantisadong premyo na P300,000 na ikakalat sa unang apat na kabayong tatawid sa meta, ang ibang kalaban nina My Prancealot at Magtotobetsky ay sina Daily Burn, Treasure Hunting, Bombay Nights at Gomper Girl.


Gagabayan ni JR. De Ocampo si My Prancealot habang si veteran jockey Jeffrey Bacaycay ang sasakay kay Magtotobetsky. Kukubrahin ng mananalo kabayo ang P180,000, mapupunta sa second placer ang P67,5000 habang tig- P37,500 at P15,000 ang third at fourth ayon sa pagkakasunod.


May P4,000 Breeder's prize naman para sa winning local horse lamang sa event na suportado ng Philippine Racing Commission, (PHILRACOM) ni Chairman Reli de Leon.


Pakakawalan ang nasabing race sa unang karera, simula iyon ng Pick 5 na isa sa paboritong tayaan ng mga karerista.


Samantala, sa Race 2 naman ikakasa ang Special Invitational Race I, simula naman ng winner take all, (WTA). Anim naman na kabayo ang magtatagisan ng bilis sa distansyang 1,400 meter race. Paparada sa pista sina Mimbalot Falls, Flywheel, Deus Ex Machina, Secretary, Prime Billing at Easy Does It.


Mga Pili ni Green Lantern:


Race 1 - My Prancealot (1), Magtotobetsky (2)

Race 2 - Secretary (4), Prime Billing (5)

Race 3 - Determinado/Pendant (3/3A), Top Of The Mark (2), My Dear Magnolia (1)

Race 4 - Buena Bell (2), Seven Of Diamonds (3), Antique Collector (5)

Race 5 - My Star (1), Bordelle (7), Heritage/Hang Loose (2/2A)

Race 6 - Bahandi (4), Tell Bell (1)

Race 7 - Nards Bente Tres (6), Trump Peter (5), Boat Buying (1), Uncle Vhines (2)

Race 8 - Sun Dance (6), Janni Banni (11), Lucky Noh Noh (5), Lava Walker (2)


 
 

ni Green Lantern @Renda at Latigo | November 4, 2023


Nasiyahan ang mga karerista sa ipinakitang husay ni Oradas Gray nang manalo ito sa PHILRACOM Rating Based Handicapping System na inilarga sa Metro Turf, Malvar - Tanauan City noong Martes ng hapon.


Kumaripas ang tatlong matutulin sa largahan at nagtagisan sila ng bilis sa unahan, ito'y sina Speed Revolution, Adavance Party at Princess Tycoon habang pinanood lang sila ni Oradas Gray na nasa pang-apat na puwesto. Mabilis naman na humabol si Cash Is King para makisali sa unahan habang kalmado lang ang hinete ni Oradas Gray na si class A rider Kelvin Abobo.


Pagdating ng far turn ay nagpagalaw na si Abobo kaya naman papalapit ng huling kurbada ay kumakapit na sa unahan si Oradas Gray.


Sabay-sabay na sa unahan sina Speed Revolution na nasa bandang balya, Oradas Gray na dumaan sa labas at Cash Is King na nasa gitna pagdating nila sa rektahan.


Mainit at makapigil-hininga ang naging bakbakan ng tatlo sa rektahan kung saan ay nanalo si Oradas Gray ng may leeg lang ang pagitan sa pumangalawang Cash Is King, tersero ang Speed Revolution.


Inirehistro ni Oradas Gray ang 1:13.6 minuto sa 1,200 meter race sapat upang hamigin ni winning horse owner, Melaine Habla ang P10,000 added prize.


Samantala, walong races ang pinakawalan ng Metro Manila Turf Club Inc. (MMTCI) noong Martes sa event na suportado ng Philippine Racing Commission, (PHILRACOM) ni Chairman Reli de Leon.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page