ni Sis. Isabel del Mundo @Mga Kuwento ng Buhay at Pag-ibig | June 16, 2024
Dear Sister Isabel,
Gusto kong ibahagi sa inyo ang kuwento ng buhay ko, at hihingi na rin ako ng payo tungkol sa love life ko.
Ex-OFW ako, pero ngayon for good na ko rito sa Pilipinas.
Nagkaroon ako ng karelasyon sa abroad, at nagkaanak kami. Akala ko single siya kaya pinatulan ko, pero may asawa na pala at may dalawang anak.
Buntis na ako nang malaman ko ‘yung totoo. Kaya mula noon, umiwas at nagtago ako sa kanya hanggang sa maisilang ko ang anak namin.
Ayokong makasira ng pamilya at maging isang kabit, kaya ako na mismo ang lumayo.
Hindi nagtagal, isinilang ko na rin ang anak namin. Hindi siya tumigil kakahanap sa akin at halos masiraan na ng bait hanggang sa natunton niya ang kinaroroonan namin.
Naawa ako sa kanya, ang laki ng pinayat niya at para bang may sakit. Nagmakaawa siya sa akin upang tanggapin ko siya sa buhay ko. Magsama na umano kami kasama ang anak namin. Nangako siya sa akin na magiging mabuting ama at responsableng asawa siya.
Isa pa, wala umanong problema ‘yun sa una niyang kinasama, dahil pumayag na raw ito na dalawa kaming babae sa buhay niya. Tanggap daw ng asawa niya ang sitwasyon, at hindi raw kami guguluhin nito.
Inamin niya rin sa akin na hindi siya kasal at handa niya umano akong pakasalan.
Sa totoo lang, mahal ko rin naman siya at ayokong lumaki ang anak ko na walang kinikilalang ama.
Ano ba ang dapat kong gawin? Dapat ba akong pumayag sa gusto niya na magsama kami sa iisang bubong bilang mag-asawa tutal hindi naman tumututol ang babaeng una niyang kinasama?
Sister Isabel, puwede rin kaya kaming magpakasal? Hihintayin ko ang payo n’yo.
Nagpapasalamat,
Marita ng Tacloban
Sa iyo, Marita,
Sa biglang tingin, maling tanggapin mo ang lalaking nakabuntis sa iyo dahil may asawa na pala siya, pero kung payag naman ang una niyang kinasama, at nangakong hindi kayo guguluhin, sa palagay ko ay puwede ka nang pumayag sa gustong mangyari ng ama ng iyong anak, kaysa lumaking walang ama ang anak n’yo.
Kung kasal naman ang pag-uusapan, tutal puwede ka pala niyang pakasalan dahil hindi siya kasal sa una niyang kinasama at handa naman siyang gawin ito.
Ang mahalaga nagmamahalan kayo, at with consent ng kinakasama niya. Nasa iyo ang desisyon, kung ano ang maluwag sa loob mo, ‘yun ang gawin mo.
Sumasaiyo,
Sister Isabel del Mundo