top of page
Search

ni Estrellia de Luna @Panaginip gabay ng buhay | October 13, 2023


Analisahin natin ang panaginip na ipinadala ni Rosy ng Nueva Ecija.


Dear Maestra,


11 years na patay ang husband ko at napanaginipan ko siya.


Napanaginipan ko na pinuntahan niya ako rito sa bahay. May kasama siyang dalawa pang lalaki na sa tingin ko ay kaibigan niya. Nakaputi silang lahat, at sumakay kami sa jeep patungo sa probinsya nila. Nagpapatayo umano ng bahay ang asawa ko at gusto niyang ipakita ito sa akin.


Ano ang ibig sabihin ng panaginip ko?


Naghihintay,

Rosy


Sa iyo, Rosy,


Ang ibig sabihin ng panaginip mo na kahit 11 years nang patay ang asawa mo, pinuntahan ka niya sa bahay. Ito ay depende kung ano’ng hitsura ng mukha niya. Kung masaya siya, ibig sabihin ay payapa at panatag na ang kaluluwa niya sa kabilang buhay.


Ngunit, kung malungkot ang mukha niya, ito ay tanda na nangangailangan siya ng dasal nang sa gayun makarating siya sa kataas-taasan, humihingi siya ng tulong sa iyo para ipagdasal ang kanyang kaluluwa upang hindi siya maging kaluluwang ligaw na pagala-gala rito sa mundong ating ginagalawan.


Ang may kasama siyang dalawang lalaki na sa iyong palagay ay kaibigan niya, kinakailangan din nila ang tulong mo. Makakatulong ang dasal natin upang marating nila ang tahanan ng Diyos sa kabilang buhay.


Samantala, ang sumakay kayo sa jeep ay nagpapahiwatig na maglalakbay ka sa malayong lugar. Hindi magiging maganda ang paglalakbay mo, at makakaranas ka ng mga sagabal.


Ang nagpapatayo ng bahay ang asawa mo, ito ay tanda na gusto niyang ipakita sa iyo ang kaunlaran at kasaganaan. Ang kulay puti ang suot ng asawa mong yumao gayundin ang mga kaibigan niya ay nangangahulugang nagpapaalala sila na kailangan mo ring magpahinga lalo na’t kung napapagod ka na sa rami ng mga gawain na ginagawa mo.


Ingatan mo ang iyong kalusugan upang hindi ka magkasakit nang malubha.


Ang bilang na dalawa ay patungkol naman sa pagdedesisyon mo. Huwag ka magpabagu-bago ng isip. Kung ano ang nauna mong desisyon, ‘yun na dapat ang una mong ipatupad, huwag mo nang baguhin pa ito.


Matapat na sumasaiyo,

Maestra Estrellia de Luna


 
 

ni Estrellia de Luna @Panaginip gabay ng buhay | October 12, 2023


Analisahin natin ang panaginip na ipinadala ni Boy ng Cavite.


Dear Maestra,


Araw-araw akong nananaginip pero ‘di ko alam ang kahulugan nito, hanggang sa ‘di sinasadya, nabasa ko ang column n’yo sa Bulgar. Nagandahan ako sa pag-aanalisa n’yo ng mga panaginip na isinasangguni ng mga tagasubaybay n’yo. Kaya, naisipan kong sumangguni sa inyo.


Napanaginipan ko na nagbabasa ako ng dyaryo ng biglang may dumating na butterfly sa bahay ko. Nagpaikut-ikot ito sa akin, nang tumayo ako sa kinauupuan ko dahil kinabahan ako, natanggal ‘yung isang butones ng damit na suot ko.


Ano ang ibig sabihin ng panaginip ko?

Naghihintay,

Boy


Sa iyo, Boy,


Ang ibig sabihin ng panaginip mo na nagbabasa ka ng dyaryo ay biglaang pagbabago sa buhay mo. Ito ay nagpapahiwatig na magpapalit ka ng pinagkakakitaan. Magbubukas ka ng bagong negosyo. Sa simula ay may kasosyo ka ngunit habang lumalaon, magiging solo mo na ang negosyong naturan.


Samantala, biglang may dumating na butterfly, nagpaikut-ikot sa iyo ay nagpapahiwatig ng kaligayahan. Liligaya ka na, hindi ka na makakaranas ng kalungkutan.


Ang bigla kang tumayo sa kinauupuan mo dahil kinabahan ka, at natanggal tuloy ‘yung butones ng damit mo ay nangangahulugang may matatanggap kang magandang balita.


Ito ay magiging simula ng pag-unlad mo sa buhay at tuluyang pagyaman.


Matapat na sumasaiyo,

Maestra Estrellia de Luna


 
 

ni Estrellia de Luna @Panaginip gabay ng buhay | October 11, 2023


Analisahin natin ang panaginip na ipinadala ni Flory ng Zambales.


Dear Maestra,


Napanaginipan ko na dumating ‘yung friend kong foreigner. Sinalubong namin siya sa airport. Tanaw na tanaw namin ‘yung airplane na sinasakyan niya habang papalapit kami sa airport.


Ngunit, malungkot ang mukha niya at parang maysakit. Pagdating sa bahay masaya pa rin namin siyang winelcome. Nagbukas ako ng mani, at ito ang pinapak namin. Nag-bake rin ako ng cake habang nagkakasiyahan.


Ano ang ibig sabihin ng panaginip ko?


Naghihintay,

Flory


Sa iyo, Flory,


Ang ibig sabihin ng panaginip mo na dumating ‘yung friend mo from abroad pero parang malungkot siya at maysakit, ay kailangan niya ng iyong tulong. May idudulog siyang problema sa iyo. Tulungan mo siya sa abot ng iyong makakaya.


Ang natanaw n’yo agad ‘yung airplane habang papalapit kayo sa airport ay nangangahulugang mabilisang pagbabago sa buhay mo. Mababago na ang kapaligiran mo.


Ang masaya n’yo siyang winelcome ay nagpapahiwatig na magkakaroon ka ng napakasayang love affair. Magiging maligaya ka sa piling ng iyong dyowa.


Samantala, ang nagbusa ka ng mani at pinapak n’yo ito, ay senyales na makakamit mo na ang tagumpay na pinakamimithi mo. Magiging masaya ka sa piling ng mga mahal mo sa buhay.


Ang nag-bake ka ng cake para kainin n’yo habang nagkakatuwaan kayo, ay pahiwatig na susuwertehin ka sa darating na mga araw. Magiging maganda ang iyong kalusugan at giginhawa na rin ang iyong pamumuhay.


Matapat na sumasaiyo,

Maestra Estrellia de Luna


 
 
RECOMMENDED
bottom of page