- BULGAR
- Oct 16, 2023
ni Estrellia de Luna @Panaginip gabay ng buhay | October 16, 2023
Analisahin natin ang panaginip na ipinadala ni Ben ng Pangasinan.
Dear Maestra,
Napanaginipan ko na namasyal ako sa bagong zoo, nalibang ako nang husto sa iba’t ibang hayop na nakita ko. Ang pinakagusto ko ay ‘yung gorilya. Binigyan ko ito ng mansanas upang kainin niya. Ngunit, ‘di ko namalayan, may mga langgam pala sa paanan ko, at kinagat ako nito.
Ano'ng ibig sabihin ng panaginip ko?
Naghihintay,
Ben
Sa iyo, Ben,
Ang ibig sabihin ng panaginip mo na namasyal ka sa zoo, nalibang ka nang husto sa iba’t ibang hayop, ay
makakaranas ka ng mga pagtitiis sa kasalukuyan mong hanapbuhay. Dadaan ka sa matinding kahirapan subalit ang lahat ng iyan ay malalampasan mo rin, ganap mo ring makakamit ang iyong tagumpay. Yayaman at kikilalanin ka rin sa inyong lugar.
Ang gorilya na siya mong pinakagusto sa lahat, ay nagpapahiwatig na ihanda mo ang iyong sarili sa hindi inaasahang kabiguan, dahil mabibigo ka sa kasalukuyan mong pinagkakaabalahan.
Ang binigyan mo ng mansanas ang gorilya para kainin niya, ay pansamantala lamang ang kabiguang mararanasan mo, dahil sa bandang huli, malalampasan mo rin ito.
Samantala, 'di mo namalayan na may mga langgam sa paanan mo at kinagat ka, ito ay babala na magkakaproblema ka sa pera. Dapat kang magtrabaho nang husto upang makaipon ka ng perang maipapadala mo sa iyong pamilya.
Matapat na sumasaiyo,
Maestra Estrellia de Luna




