- BULGAR
- Oct 19, 2023
ni Estrellia de Luna @Panaginip gabay ng buhay | October 19, 2023
Analisahin natin ang panaginip na ipinadala ni Florida ng Batangas.
Dear Maestra,
Napanaginipan ko na pumunta ‘yung mayor namin sa barangay. Naghahanap siya ng puwesto para pagtayuan ng fast food chain. May kasama siyang magandang babae, nilapitan niya ko at sinabing kami raw ang magma-manage ng fast food chain.
Natuwa ako sa sinabi niya, at bumili rin siya ng lupa para pagtayuan ng magiging bahay namin. Tiningnan ko ‘yun bakuran. May puno rito ng bayabas, hinog na mga bunga kaya sinungkit namin.
Ano’ng ibig sabihin ng panaginip ko?
Naghihintay,
Florida
Sa iyo, Florida,
Napakaganda ng kahulugan ng iyong panaginip na nagpunta ang mayor n’yo sa inyong barangay. Ang ibig sabihin n’yan ay makakatanggap ka ng karangalan, pararangalan ka bilang natatanging mamamayan ng inyong barangay.
Ang magtatayo siya ng fast food chain d’yan sa barangay n’yo, ikaw at ‘yung magandang babae ang magma-manage, ay nagpapahiwatig ng kasaganaan at magandang pamumuhay, sasagana at liligaya na ang iyong buhay, at hindi ka na kakapusin. Ito rin ay nangangahulugan na magiging masaya ang iyong lovelife.
Samantala, ang bumili ng lupa si mayor para pagtayuan ng bahay n’yo, ay senyales ng kayamanan at pagiging malaya sa buhay. Yayaman at mamumuhay ka ng walang nakikialam.
Malaya mong magagawa ang mga bagay na iyong gusto.
Ang hinog na bayabas sa bakuran, ay tanda na magtatagumpay ka sa iyong pinapangarap, at makakamit mo rin ang iyong mga pangarap.
Matapat na sumasaiyo,
Maestra Estrellia de Luna




