top of page
Search

ni Estrellia de Luna @Panaginip gabay ng buhay | January 7, 2024


Analisahin natin ang panaginip na ipinadala ni Jacob ng Marikina.


Dear Maestra,


Halos araw-araw kong napapanaginipan ang tulay. Naglalakad umano ako sa harap ng tulay. Napanaginipan ko rin na nakasakay ako sa bangka, dumaan ang bangkang sinasakyan ko sa ilalim ng tulay. 


Noong nakaraang gabi naman, napanaginipan ko na nakasakay ako sa barko at dumaan sa ilalim ng hanging bridge ‘yung barkong sinasakyan ko. Tanaw na tanaw ko umano ang agos ng tubig na malakas at rumaragasa. 


Ano ang ibig sabihin ng mga panaginip ko?

Naghihintay,

Jacob

Sa iyo, Jacob,


Ang ibig sabihin ng panaginip mo na naglalakad ka sa harap ng tulay ay magtatagumpay ka sa iyong mga pangarap. Ang nakasakay ka sa bangka, dumaan ito sa ilalim ng tulay ay nagpapahiwatig na masasangkot ka sa gulo, pero hindi naman ito gaanong malala. Malulusutan mo rin ito hanggang sa tuluyan kang makaiwas. 


Samantala, ang dumaan sa hanging bridge ang barkong sinasakyan mo, kitang-kita mo ang rumaragasang tubig ay senyales na makakamit mo ang tagumpay, ngunit hindi agad-agad. Depende ito sa iyong pagsusumikap at pagiging masigasig na abutin ang iyong mga pangarap. Iwasan mong tamarin upang ang pangarap mo ay agad makamtan.

Matapat na sumasaiyo,

Maestra Estrellia de Luna


 
 

ni Estrellia de Luna @Panaginip gabay ng buhay | January 6, 2024


Analisahin natin ang panaginip na ipinadala ni Donita ng Aklan.


Dear Maestra,


Napanaginipan ko na naglalaro ako ng playing cards. Ang una kong nilaro ay solitaire, at sinubukan ko ring hulaan ang sarili ko. Binalasa ko ang mga baraha, pagkatapos ko itong balasahin, kinuha ko ang libro na kung saan matatagpuan ang kahulugan ng bawat cards. Ano ang ibig sabihin ng panaginip ko?


Naghihintay,

Donita


Sa iyo, Donita,


Hindi maganda ang ipinahihiwatig ng panaginip mo na naglalaro ka ng playing cards.


Ito ay nangangahulugan na mabibiyuda ka hanggang sa huling sandali ng iyong buhay.


Samantala, ang binalasa mo ang mga baraha, sinubukan mong hulaan ang iyong sarili ay dapat mong bigyang pansin ang kahulugan nito. May posibilidad na magkatotoo ang sinasabi ng baraha. Iyan mismo ang magaganap sa iyong buhay sa darating na mga araw.


Matapat na sumasaiyo,

Maestra Estrellia de Luna

 
 

ni Estrellia de Luna @Panaginip gabay ng buhay | January 5, 2024


Analisahin natin ang panaginip na ipinadala ni Sheila ng Tondo.


Dear Maestra,


Napanaginipan ko na nananahi ako ng damit, nang biglang may lumipad na langaw sa tabi ko, at umikut-ikot sa akin. Nataranta ako, kung kaya’t napatid ang sinulid at nagkabuhul-buhol din. 


Ano ang ibig sabihin ng panaginip ko?


Naghihintay,

Sheila 


Sa iyo, Sheila,


Ang ibig sabihin ng panaginip mo na nananahi ka ng damit ay mag-ingat ka sa mga kaibigan mo. Idadamay ka nila sa intriga. Dahil dito, hindi magiging maganda ang tingin sa iyo ng mga tao. Ang napatid ang sinulid na gamit mo sa pananahi ay nagpapahiwatig na magkakaproblema ka sa pera, pero hindi rin naman ito magtatagal. Ang nagkabuhul-buhol ang sinulid ay nangangahulugan na maski ang lovelife mo ay magkakaroon rin ng problema. 


Samantala, ang may lumipad na langaw sa tabi mo, at nagpaikut-ikot ay nagpapahiwatig na makakaranas ka ng pagkainis at pagkabagot sa mga gawaing gusto mong tapusin. Mawawalan ka ng pasensya. Maiinip ka sa resulta ng iyong mga pinagkakaabalahan sa kasalukuyan. Tiyaga at pasensya ang dapat mong ipatupad, ganyan talaga ang buhay. ‘Pag may tiyaga, may nilaga.


Matapat na sumasaiyo,

Maestra Estrellia de Luna


 
 
RECOMMENDED
bottom of page