top of page
Search

ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Palad | October 1, 2022




KATANUNGAN

  1. Ako ay isang OFW sa Kuwait at sa kabila ng masungit at istrikto ang aking amo, tiniis ko ‘yun, kaya nakauwi ako at maluwalhating nakatapos ng kontrata. Pinababalik na nila ako ngayon dahil ang alibi ko ay magbabakasyon lang ako, at pagkatapos ay pipirma ako ng bagong kontrata, pero ngayon ay nagdadalawang-isip na ako dahil hindi ko gusto ang pamamalakad at pasuweldo nila.

  2. Balak kong maghanap ng bagong employer at ito ang dahilan kaya ako kumonsulta sa inyo. Kung sakaling maghanap ako ng ibang employer, makakatagpo na ba ako ng mabait na amo?

  3. Noong nagtatrabaho ako rito sa atin, bakit puro masungit din ang aking naging amo, gayung mabait naman ako? Nasa kapalaran ko na ba ang hindi suwertehin sa mga employer?

  4. Sa palagay n’yo, ano ang dapat kong gawin, ang bumalik sa aking amo sa Kuwait o maghanap ng ibang employer? Nais ko ring magnegosyo kapag nakaipon na ako ng puhunan, ano ang mairerekomenda mong produkto o negosyo na bagay sa akin?

KASAGUTAN

  1. Sa aktuwal na karanasan, bihira naman yata ang mabait na amo. Masasabi kasing maaaring kaya sila naging amo at yumaman ay dahil may pagkatuso sila sa salapi at may pagkamasungit.

  2. Huwag kang maghanap ng ibang employer kung pinapasuweldo ka naman ng kasalukuyan mong employer sa Kuwait, kung hindi ka naman sinasaktan at ginugutom. Pagtiisan mo na siya dahil tulad ng nasabi sa pang-statistical na tala, mas marami talagang malupit, kuripot at tusong amo, kaya kung magbabaka-sakali kang maghanap ng bagong employer, posibleng sa mas malalang amo ka pa bumagsak.

  3. Samantala, anuman ang maganap, tuloy-tuloy pa rin ang maluwalhati mong pangingibang-bansa na palaging makatapos ng kontrata ang nais sabihin ng maaliwalas at magandang Travel Line (Drawing A. at B. t-t arrow a.) sa kaliwa at kanan mong palad. Tanda na hindi ka mapapakali sa ating bansa, gagawa ka ng paraan upang balikan ang nakasanayan mo bilang OFW, ang magpabalik-balik sa ibang bansa, hanggang sa unti-unting makaipon at umunlad.

  4. Sa panahon namang may kaunti ka nang ipon, ayon sa zodiac sign mong Sagittarius, inirerekomenda ang mga produktong may kaugnayan sa paghahayupan o maaari ring magbenta ka ng meat products at ‘yun ang magbibigay sa iyo ng malaking pag-asenso tulad ng karne ng manok, baboy o baka. Puwede rin ang aktuwal na pagpaparami at pag-aalaga ng mga hayop. Sa nasabing nature ng negosyo, kapag may puhunan ka na, tiyak ang magaganap dahil du’n ka uunlad at tuloy-tuloy na yayaman.

DAPAT GAWIN

Habang, ayon sa iyong mga datos, Patricia, huwag ka nang magdalawang-isip, pirmahan mo na ang panibagong kontrata sa dati mong amo sa Kuwait. Darating din ang panahon, dahil nagiging loyal ka sa kanila, uumentuhan ka rin nila at magiging mabuting amo sila upang mapatunayan ang likas ng proseso ng katalagahan— kung paano ka naging mabuti sa iba, darating ang panahon na magiging mabuti rin sa iyo ang tadhana. Sa panahong ‘yun, pagpapalain ka na at ang kabuhayan mo ay tuloy-tuloy nang uunlad at sasagana, na nakatakdang mangyari sa taong 2028 at sa edad mong 39 pataas (Drawing A. at B. H-H arrow b.).


 
 

ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Palad | September 25, 2022



KATANUNGAN

  1. Tatlong beses na akong nag-abroad, pero tila wala akong suwerte. Noong una, nakatapos ako ng kontrata, pero pag-uwi ko rito, mabilis na naubos ang kaunting pera na naipon ko, kaya nag-apply ulit ako. ‘Yung pangalawang pag-a-abroad ko naman, hindi ko natapos ang kontrata, at sa ikatlong pangingibang-bansa, napauwi naman ako dahil nagkasakit ako ru’n.

  2. Pero ngayong magaling na ako, balak kong mag-apply ulit, pero nagdadalawang-isip na ako. Naisipan kong sumangguni sa inyo upang malaman kung dapat ko pa bang ituloy ang pag-a-abroad na ito at sa ikaapat na pagkakataon, susuwertehin na ba ako?

KASAGUTAN

  1. Kaya pala hindi ka sinusuwerte sa mga pangingibang-bansa na iyong nagawa, kapansin-pansin na may dalawang Guhit ng Hadlang (Drawing A. at B. d-d arrow a. at b.) sa maganda at mahaba sanang Travel Line — pansinin mo, ang Guhit ng Hadlang na tinukoy ay lumikha pa ng hindi maipaliwanag na “island” o bilog sa lalagyan ng Travel Line (arrow d.) sa kaliwa at kanan mong palad.

  2. Ito ay nangangahulugan na bagama’t makakapag-abroad ang nasabing indibidwal, sigurado namang hindi magiging maalwan o mahirap ang daranasin niyang buhay sa ibang bansa. Gayunman, kung nagkataong otso (8) tulad ng birth date na 8, 17 at 26 ang iyong birth date, puwede na sanang pagtiyagaan. Dahil tulad ng madalas nating sabihin, bahagi na ng buhay ng mga Taong Otso ang magtiis nang magtiis, at magpakasubasob sa hirap dahil pagkatapos naman ng mga ito, sa pag-unlad at kasaganaan din mauuwi ang kanyang kapalaran.

  3. Ang problema, Sofia, hindi ka Taong Otso, bagkus, ikaw ay Taong Dos (2) dahil sa birth date mong 29. Ibig sabihin, magiging “easy to get” para sa iyo ang magandang kapalaran kung bago mo gawin ang pag-a-abroad, may naunang nag-alok sa iyo ng tulong o pangako. Kapag ganu’n ang sitwasyon, halimbawa ay isang kakilala o kamag-anak ang nagsabi sa iyo na, “Sofia, imbes na tulog ka nang tulog d’yan, subukan mo mong mag-abroad at tutulungan kita!”

  4. Ang ganyang sitwasyon ay tanda na sa pag-a-abroad na ‘yun, lalo na kung strong number ang nag-aalok sa iyo ng tulong at ka-compatible pa ng zodiac sign mong Aries, tulad ng nasabi na, ikaw ay magtatagumpay sa nasabing pangingibang-bansa.

  5. Pansinin mo ngayon ang Marriage Line (Drawing A, at B. 1-M arrow e.) sa kaliwa at kanan mong palad, hindi mo ba nakikita, iisang napakalinaw at makapal na Guhit ng Pag-aasawa (1-M arrow e.) ang ipinagkaloob sa iyo ng tadhana? Ibig sabihin, hindi ka sa pangingibang-bansa susuwertehin kundi sa pag-aasawa. Tunay ngang isinilang ang mga Taong Dos, hindi para mabuhay mag-isa, kaya “two” o “dalawa” ang pangalan ng kanilang numero.

  6. Ibig sabihin, kailangang makatagpo sila ng katuwang sa buhay, makakasama, makakaagapay at sa mas madaling salita, kapag ka-compatible niya ang nasabing tao, walang duda na ang isang Taong Dos ay magtatagumpay at habambuhay nang magiging maligaya.

DAPAT GAWIN

Habang, ayon sa iyong mga datos, Sofia, hindi sa pangingibang-bansa matatagpuan ang nakalaan sa iyong malaking pag-unlad at wagas na kaligayahan. Bagkus, ito ay matatagpuan mo sa pag-aasawa at pagbuo ng maligaya at panghabambuhay na pamilya.


 
 

ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Palad | September 24, 2022




KATANUNGAN

  1. Huminto ako sa pag-aaral ng kursong BS Accountancy noong magte-third year na ako. Ibig sabihin, second year lang ang natapos ko dahil ang nangyari nang mga panahong ‘yun ay bigla akong nakapag-asawa. Gusto kong malaman kung muli ko bang maipagpapatuloy ang kursong ito at makaka-gradweyt ba ako balang-araw?

  2. Hindi n’yo naitatanong, tatlo na ang anak ko ngayon, dalawang nasa grade school at isang prep. Gusto kong mag-aral ulit dahil nahihiya ako sa mga bata dahil kapag malaki na sila at tinanong sa school kung ano ang natapos ng nanay nila, wala silang masabi, samantalang Licensed Engineer ang aking mister at okey lang daw sa kanya kung mag-aaral akong muli.

KASAGUTAN

  1. Tama ang binabalak mo, Clara, mas mabuti kung mag-aaral ka ulit dahil sigurado naman na mangyayari ang binabalak mo sa kasalukuyan na mag-aral muli, sapagkat pagkatapos ng mahabang pamamahinga o paghinto (Drawing A. at B. F-F arrow a.), muli namang sumikad paitaas at nagpatuloy hanggang sa makarating sa Bundok ng Katuparan (Drawing A. at B. F-F arrow b.) ang Fate Line (F-F) o ang Career Line sa kaliwa at kanan mong palad. Ito ay tanda na kung may kaya naman kayo sa buhay, dapat noon ka pa nag-aral nang sa gayun, bago nag-aral ang iyong mga anak ay nakatapos ka na rin ng kurso mong Accountancy.

  2. Subalit gaya ng nasabi na, tapos na ang nakaraan, ang mas mahalaga ay naisipan mong maghanap ng bagong landas na magpapasigla sa iyong buhay at magbibigay sa iyo ng bagong diskarte, at ito ay ang muli kang makabalik sa eskuwelahan at kapag naka-gradweyt ka na ng BS Accountancy —sabayan mo ng pagre-review — madali namang kinumpirma ng malinaw at makapal na Effort Line (Drawing A. at B. E-E arrow c.) na tumuntong sa Bundok ng Tagumpay (E-E arrow d.), kapag kumuha ng ka CPA board exam, may suwerte at kakayahan ka namang makapasa. At sa sandaling tanungin ng mga titser ang iyong mga anak kung ano ang natapos ng kanilang nanay, taas-noo at may pagmamalaki na nilang masasabing, “CPA po ang nanay ko!”

MGA DAPAT GAWIN

  1. Habang, ayon sa iyong mga datos, Clara, sa susunod na semester, mag-enroll ka na upang makatapos ka agad. At habang nagkakaisip ang iyong mga anak, sa bandang huli, hahangaan ka pa nila dahil tulad nila, ang mama nila ay nagre-review na rin dahil may exam pa.

  2. Ang ikinaganda nito, kapag nagka-honor ang iyong mga anak, ikaw naman ay tatanggap din ng sarili mong diploma at lisensya para sa natapos mong kurso at propesyon, patungo sa isang hindi na nakakaboring na buhay sa bahay at pag-aalaga ng mga bata kundi patungo sa bagong mundo at bagong pakikihamon bilang isang working at professional mom.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page