ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Palad | October 8, 2022

KATANUNGAN
May negosyo kaming tindahan sa poblacion. Noong una ay malakas ito at maganda ang aming kita, pero pagkalipas ng tatlong taon, unti-unti itong humina hanggang sa nalubog na kami sa utang. Sabi ng mister ko, magpalit kami ng negosyo kaysa hindi namin mabayaran ang aming mga utang na lalo pang lumalaki dahil sa interest.
Ang problema ko ay hindi ko alam kung ano’ng negosyo ang angkop sa amin dahil simula’t sapol, dalaga pa lang ako ay alam ko na ang pasikot-sikot tungkol sa tindahan, kaya ito pa rin ang gusto kong negosyo. Pero mapilit ang mister ko, sinabi niya na kung ayaw ko, kahit mag-isa siya ay magsisimula siya ng sariling negosyo. Ayaw ko naman ng ganu’n dahil nakasanayan ko na palagi kaming magkasama sa tindahan.
Ano ang negosyo na angkop sa amin upang mabayaran na namin ang aming mga utang? Sana ay mabasa n’yo rin ang guhit ng aking mga palad upang malaman kung makakarekober pa kami sa pagbagsak ng aming negosyo at kung makakabayad pa kami sa aming mga pagkakautang.
KASAGUTAN
Marife, ang mga produkto o negosyo ay may binabagayan ding zodiac sign. Sa kaso mo, dahil ikaw ay Capricorn na may elementong earth o lupa, bagay sa iyo ang mga produktong nanggagaling sa bunga ng lupa o sa mismong lupa. Halimbawa, ang mga produktong butil at agricultural products, gayundin ang lahat ng nahuhukay o nanggagaling sa ilalim ng lupa. Kaya kung magpapalit kayo ng produkto, upang umunlad at mas madaling lumago ang kabuhayan, isaalang-alang n’yo ang mga produktong may kaugnayan sa mga bagay na nabanggit.
Ang pag-aanalisang saglit lamang papangit ang kabuhayan at pagkatapos ay makakarekober din ay madali namang kinumpirma ng huminto, pero nagpatuloy sa pagguhit sa bagong direksyon ng Fate Line (Drawing A. at B. F-F arrow a.) na tinatawag din nating Career Line sa kaliwa at kanan mong palad.
Ito ay tanda na sa sandaling ipinatupad o ibinenta n’yo na sa inyong tindahan ang mga produktong nabanggit sa itaas, tulad ng nais ipahayag ng ikalawang Career Line (F-F arrow b.) na sumapo sa dating Career Line (arrow a.), sa ikalawang pagtatangka na magnegosyo at sa bagong kalakal na angkop sa zodiac sign mong Capricorn — ito ay ang mga agricultural products tulad ng palay, bigas at iba pang butil na kalakal at mga kalakal na prutas, lamang ugat at iba pang nahuhukay sa ilalim ng lupa — tuloy-tuloy na muling uunlad ang inyong kabuhayan.
DAPAT GAWIN
Ayon sa iyong mga datos, ang nasabing muling pagrekober ng kabuhayan ay nakatakdang maganap sa kalagitnaan ng taong 2023 at sa buwan ng Hunyo hanggang Hulyo. Kung ngayon ay baon kayo sa utang at maraming obligasyon na dapat bayaran, sa nasabing panahon at sa edad mong 55 pataas, unti-unti na kayong makakabayad sa mga pagkakautang, hanggang sa makamit ulit ang maunlad at masaganang pamumuhay.






