top of page
Search

ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Palad | November 12, 2022




KATANUNGAN


  1. May trabaho ako ngayon bilang computer technician sa isang tindahan ng computer. Masaya naman ako rito kahit minimum ang suweldo dahil sapat naman ‘yun para sa akin dahil binata ako.

  2. Ang problema, nang mag-reunion kami ng mga kaklase ko nu’ng college, nabalitaan ko na ‘yung iba sa kanila ay nakapag-abroad at magaganda na ang buhay, kaya sabi sa akin ng isang kaklase ko ay isasama at tutulungan niya akong makapagbarko. Sa shipping agency kasi siya nagtatrabaho at ako naman ay nakatapos ng kursong Marine Engineering.

  3. Nais kong malaman kung may maganda bang Travel Line sa aking mga palad at kung sakaling maisipan ko ring magbarko at tanggapin ang alok ng kaklase ko, magtatagumpay at uunlad ba ako sa pagbabarko?

KASAGUTAN


  1. Hindi masamang maghangad na umunlad o yumaman, lalo na kung ngayon pa lang ay paplanuhin mo ang iyong future o retirement plan. Archie, pagkakataon mo nang umasenso at hindi mo ito dapat sayangin o palagpasin pa, kaysa nagtitiyaga ka sa kasalukuyan mong trabaho na maliit ang suweldo at hindi ikayayaman o ikauunlad ng pamilya mo. Oo, hindi ka makakaipon d’yan at walang magiging magandang future kung sakaling ikaw ay magtatayo ng sarili mong pamilya o dumating ang panahon ng iyong retirement, kaya mas mabuti na mag-abroad ka.

  2. Ito ang nais sabihin at pinapagawa sa iyo ng malinaw na Travel Line (Drawing A. at B. t-t arrow a.) sa kaliwa at kanan mong palad. Tanda na ang pinakamabuti at dapat mong maging desisyon ay sumunod sa mungkahi ng iyong kaibigan o kaklase na nagtatrabaho sa barko, upang sa tulong niya, maging lehitimong seaman ka, gayung sabi mo ay nakatapos ka ng Marine Engineering.

  3. Ang pag-aanalisang makakapag-abroad at makakapagbarko ka ay madali namang kinumpirma ng birth date mong 23 o 5 (2+3=5). Tanda na sa pangingibang-bansa, mas uunlad at aasenso ka, na dapat mong gawin ngayon hangga’t bata ka pa.

  4. Pansinin ding kusang sumabay at tuluyang nakiisa sa Fate Line (Drawing A. at B. F-F arrow b.) ang Guhit ng Kaibigan o Influence Line (K-K arrow c.) sa kaliwa at kanan mong palad, kung saan nag-anyo na parang dalawa ang iyong Fate Line (arrow b. at c.). Ito ay tanda na sa tulong ng mga kaibigan, sigurado na ang magaganap – makakasampa ka sa barko, magiging seaman at mararating mo ang iba’t ibang bahagi ng karagatan sa iba’t ibang panig ng mundo habang patuloy ding lumalaki ang iyong kinikita.

MGA DAPAT GAWIN


  1. Ayon sa iyong mga datos, Archie, kung tatanggapin mo ang alok ng iyong kaklase na mag-apply sa shipping company na pinapasukan niya, tiyak na sa susunod na taong 2023 at sa buwan ng Abril o Hunyo, tulad ng mga kaklase mo, makakasampa ka sa barko.

  2. Sa sandaling nakapag-abroad ka, mas mabilis na aangat ang iyong career at lalago ang iyong kabuhayan. Kapag nagkapamilya ka na, tuloy-tuloy na ring uunlad at aasenso ang kabuhayan ng itatayo mong pamilya, hanggang sa panahon ng iyong pagtanda o retirement age.

 
 

ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Palad | November 9, 2022



KATANUNGAN


  1. Makakapag-abroad ba ako? Sa kasalukuyan ay nandito ako sa Maynila at nakikitira sa isang kaibigan. Galing ako sa Sorsogon at hindi n’yo naitatanong, matagal na ako sa Maynila, pero wala pa ring nangyayari sa aplikasyon ko sa abroad. Iniisip ko nang bumalik sa probinsya at asikasuhin na lang ang bukid namin du’n. Ano ang masasabi n’yo tungkol sa aking career at saan ako higit na aasenso, sa probinsya o abroad?

  2. Ang pangalawa kong tanong ay tungkol sa aking Fate Line na madalas kong mabasa sa inyong mga artikulo. Nais kong malaman kung ano ang kahulugan ng Fate Line na nag-umpisa sa Life Line? Ganyan kasi ang Fate Line sa aking palad. Sana, bago ako bumalik sa probinsya ay mabasa ko ang inyong kasagutan kung makakapag-abroad pa ako o dapat na lang akong umuwi ng Sorsogon.

KASAGUTAN

  1. Hinggil sa tanong kung ano ang ibig sabihin kapag ang Fate Line F-F. (arrow b.) ay nagsimula o nakadikit sa Life Line (L-L arrow a.) sa kaliwa at kanang palad, ang Fate Line na tinatawag ding Career Line na nagsimula o nakadikit sa Life Line (arrow a. at b.) ay tanda na sa sarili mong diskarte at pagsisikap, makakaya mong maiahon ang iyong kapalaran sa kahirapan.

  2. Ibig sabihin, kadalasan, ang ganyang mga Fate Line (arrow a. at b.) ay matatagpuan sa mga indibidwal na dating mahirap o sobrang hikahos sa buhay at nagawa niyang paunlarin o payamanin ang kanilang pamilya. Ito ay nangangahulugan na darating ang panahon na makakaya mong iahon sa kahirapan ang inyong pamilya na nasa probinsya.

  3. Dagdag pa rito, sinasabi ring ang ganyang Fate Line (arrow a. at b.) ay ehemplo ng tipikal na kuwento ng indibidwal na nanggaling sa mahirap na angkan, ngunit dahil sa kanyang masidhing pagsisikap, nagawa niyang paunlarin ang sarili niyang buhay, gayundin ang buhay ng kanyang mga magulang at kamag-anak sa malayong lugar o nasa probinsya na kanyang pinagmulan.

  4. Ibig sabihin, dadaan ang karanasan mo sa hindi birong pagsisipag hanggang sa bandang huli, matapos kang api-apihin ng mga nakapaligid sa iyo, gayundin ang tadhana ay makakamit mo rin ang maunlad at masaganang pamumuhay (H-H arrow c.), lalo na kung ikaw ay may kapansin-pansing nunal sa kanan o kaliwang bahagi ng iyong mukha.

  5. Samantala, kinumpirma at pinatunayan ang nasabing pag-aanalisa na makakaahon ka sa kahirapan at maiaahon mo rin sa kahirapan ang iyong pamilya sa probinsya ng malinaw at malawak na Travel Line (Drawing A. at B. t-t arrow d.) sa kaliwa at kanan mong palad, na kinumbinasyunan pa ng straight Head Line (H-H arrow c.).

  6. Kaya tulad ng nasabi na, sa takdang panahong inilaan ng kapalaran, makakapag-abroad ka at sa sandaling ganap ka nang nakalayo sa sinilangan mong bayan, sa malayong lugar itatala ang sunod-sunod mong suwerte at tagumpay sa buhay, hanggang sa tuloy-tuloy ka nang umunlad at yumaman.

MGA DAPAT GAWIN

  1. Ganu’n ang mangyayari sa iyong tadhana, Everisto, makakapag-abroad ka at makakapagnegosyo sa malayong lugar. At sa iyong pagbabalik sa probinsya, magugulat ang lahat — ang iyong mga kamag-anak, kapitbahay at kakilala— dahil maunlad na maunlad na ang iyong kabuhayan.

  2. Ang naturang pag-unlad ay magsisimulang mangyari sa susunod na taong 2023 at sa edad mong 31 pataas. Tunay ngang sa panahong ito ng iyong buhay, makakapag-abroad ka at sa sandaling nakapag-abroad ka, lilipas ang ilang taon at pagsapit ng edad mong 52 pataas, gayundin sa taong 2044 at pagbalik mo sa inyong probinsya, sasambahin at hahangaan ka ng buong barangay dahil mayamang-mayaman ka na.

 
 

ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Palad | November 6, 2022




KATANUNGAN


  1. Ako ay kasalukuyang nagtatrabaho bilang cashier sa isang maliit na restoran, kaya lang, kuripot ang aking amo, kaya maliit ang aking suweldo at wala pang benepisyo.

  2. Gusto ko nang umalis at lumipat ng ibang trabaho, pero marami pa silang utang sa akin na dapat kong kolektahin dahil marami pa akong sahod na hindi nila nababayaran.

  3. Ang isa pang inaalala ko, kung aalis ako sa pinapasukan ko, matatanggap ba ako sa ibang restoran kahit wala naman akong gaanong kakilala rito sa Maynila?


KASAGUTAN


  1. Tama ang binabalak mo, Donna, mas mainam kung lalayas ka na sa kasalukuyan mong trabaho na walang kabuhay-buhay dahil bukod sa maliit ang suweldo, palagi pang kulang ang nakukubra mong kita tuwing sahod at pagkatapos ay wala pang mga benepisyo.

  2. Tunay ngang hindi ka dapat matakot mag-resign at huwag mo na ring asahang makukuha mo pa ang patong-patong nilang utang sa iyo, sa halip, lalo ka lang malulugi habang nagtitiis ka r’yan.

  3. Sapagkat ayon sa hindi naputol at walang bilog na Fate Line (Drawing A. at B. F-F arrow a.) na tinatawag din nating Career Line sa kaliwa at kanan mong palad, sa sandaling umalis ka sa kasalukuyan mong trabaho, dahil matagal na rin ang experience mo bilang cashier, madali ka namang matatanggap sa ibang restoran. Tatlong linggo o isang buwan ka lang mababakante at tulad ng nasabi na, muli kang makakatagpo ng kumpanya na mas maganda at okey magpasuweldo, habang ikaw ay nagtatrabaho bilang cashier.

MGA DAPAT GAWIN


  1. Ayon sa iyong mga datos, Donna, kung ngayon pa lang ay magre-resign ka na sa kasalukuyan mong trabaho at maghahanap ng bagong restoran na mapapasukan, tiyak ang magaganap, hindi matatapos ang buwan ng Disyembre at sa taon ding ito, matatanggap ka sa isang malaki-laking restoran na mas okey at regular na ang iyong suweldo.

  2. Sa bandang huli, dahil matino at masipag ka naman, sa nasabing restoran na may kulay pink at pulang logo, mare-regular ka, lalaki ang iyong suweldo at makakatanggap ka pa ng mas magaganda at maayos na benepisyo, hanggang sa tuloy-tuloy ka nang umunlad at habambuhay na aasenso.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page