top of page
Search

ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Palad | November 19, 2022




KATANUNGAN


  1. Nahinto ako sa pag-aaral, kaya dapat ay third year college na ako, pero dahil sa kakapusan sa pera, naobliga akong huminto dahil nagkasakit pa ang nanay ko. Kaya ngayon ay naghahanap ako ng trabaho para makatulong sa aming pamilya.

  2. Gusto kong malaman kung makakahanap ba ako ng trabaho at sa susunod na pasukan, makakapag-aral na ba ako? Pangarap ko kasing maging isang guro balang-araw.

KASAGUTAN


  1. Kapansin-pansing huminto ang Fate Line na tinatawag ding Career Line (Drawing A. at B. F-F arrow a.). Ngunit matapos huminto ng nasabing guhit, agad naman itong nagpatuloy sa tinatahak niyang direksyon (arrow b.), matapos suportahan at tulungan ng Influence Line o Guhit ng Tulong (I-I arrow c.) sa kaliwa at kanan mong palad.

  2. Ibig sabihin, darating ang takdang panahon na ikaw ay muling makakapag-aral at maaayos mo ang iyong career sa tulong ng isang tao na hindi rin iba sa iyo. Maaaring tiyahin o tiyuhin mo, mga nakakatanda mong kapatid, gayundin ang iba pang malalapit na kamag-anak n’yo.

  3. Nangangahulugan ito na makakapag-aaral ka pa ng kolehiyo, basta ituloy mo lang ang iyong pagsisikap at sa sandaling nakita nila na masipag ka, sa panahong ‘yun ay may mag-aalok sa iyo ng tulong upang maabot ang iyong mga ambisyon sa buhay. Madali itong kinumpirma at pinatunayan ng birth date mong 7, na nagpapahiwatig ng mga tulong na dapat mong sunggaban.

  4. Dagdag pa rito, kapansin-pansin din sa iyong mga palad ang malinaw na Effort Line (Drawing A. at B. E-E arrow d.), na tanda namang bukod sa mga tulong na iyong matatanggap ay kaya mong magpakasipag upang suportahan ang iyong sarili. Kumbaga, may diskarte at likas kang abilidad sa buhay, na kinumpirma ng zodiac sign mong Taurus. Sa sandaling ginusto mo talaga at pinagsikapan na makamit ang isang bagay, tiyak na ito ay makakamit mo, higit lalo kung ito ay may kaugnayan sa pagtuturo, sapagkat kinakitaan ka rin ng tinatawag na “teacher’s square” sa Mount of Jupiter (arrow e.). Ito ay malinaw ding tanda na nakalaan sa iyong kapalaran ang makatapos ng pag-aaral at maging lisensyadong guro.

DAPAT GAWIN

Ayon sa iyong mga datos, Marivic, ang mahalaga ngayon ay magsikap ka nang magsikap at mangarap. Sapagkat sa taong 2023 at sa edad mong 22 pataas, sa tulong ng mga taong nabanggit, muli kang makakapagpatuloy ng pag-aaral, hanggang sa tuloy-tuloy mong makamit ang iyong pangarap na maging guro, na nakatakdang mangyari sa taong 2026 at sa edad mong 25 pataas.


 
 

ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Palad | November 16, 2022




KATANUNGAN


  1. Ako ay estudyante na umibig sa isang tricycle driver na may asawa at pamilya na, pero hindi ito alam ng mga magulang ko. Gusto ko na siyang iwasan, pero wala naman akong magawa dahil palagi kaming nagkikita sa paradahan.

  2. Gusto kong malaman kung siya na ba ang makakatuluyan ko kahit may pamilya na siya at hindi pa sila hiwalay sa misis niya? Pangako naman niya na iiwanan niya ang asawa niya kapag kami ay nagsama sa iisang bubong.

  3. Tutuparin ba niya ang kanyang pangako at wala bang magiging problema kapag kami na ang nagsasama bilang mag-asawa? Plano niya na mag-live-in kami at kumuha ng apartment sa susunod na taon.

KASAGUTAN

  1. Ang isa sa malaking kasalanan ng isang estudyante sa kanyang mga magulang ay ‘yung pinag-aaral siya at puro pagbubulakbol ang kanyang ginagawa at pagkatapos ng semester, nang tingnan ang mga grades ay puro bagsak at incomplete. Marahil ay nawalan ng interes ang estudyante o tinamad na mag-aral, kaya imbes na makapasa sa mga asignatura ay puro bagsak at pagda-drop ng mga subject ang ginawa. ‘Ika nga, babawi na lang next sem kung ie-enroll ulit ang mga bagsak na subject.

  2. Pero may isa pang mas mabigat na kasalanan ang isang estudyante sa kanyang mga magulang. Ito ay ang pinag-aaral siya, ngunit puro kalandian pala ang kanyang ginagawa. Imbes na pumasok sa klase ay nakikipag-date sa boyfriend. ‘Ika nga, okey lang ‘yun dahil na-in love nang wala sa panahon sa kaklase o kapwa niya estudyante. Ganu’n talaga ang buhay, nabuntis o nakapag-asawa nang maaga dala ng kapusukan o ikatwiran na nating na-in love talaga.

  3. Subalit, ang pinakamasama sa lahat ng kasalanang magagawa ng isang estudyante sa kanyang mga magulang ay ‘yung pinag-aaral siya, pero nakikipagrelasyon sa lalaking may asawa na. Ang pinakamabigat sa lahat ay ang tulad ng kasalanan mo, Ms. Cancer, kung saan isang tricycle driver ang naging boyfriend mo at hindi pa r’yan nagtatapos dahil may may asawa’t pamilya pa siya. Hindi natin nilalait ang mga tricycle driver, pero parang hindi kayo tugma o bagay, kung saan ikaw estudyante at dalaga, habang siya naman ay may asawa at pamilya.

  4. Kaya mag-isip-isip ka, hangga’t maaga pa, gayundin habang hindi ka pa nabubuntis ng boyfriend mo, lumayo ka na sa kanya ngayon. Sa ganu’ng paraan, hindi pa huli ang lahat dahil hindi naman sobrang pangit ng Heart Line (Drawing A. at B. h-h arrow a.) sa kaliwa at kanan mong palad.

  5. Bagkus, kahit may kaunting bilog at latid, agad naman itong umayos at gumanda sa gitna hanggang sa dulong bahagi ng Heart Line (h-h arrow b.) na nagsasabing sa malapit na hinaharap, basta’t magpasya ka dahil darating ang sandali na maiisip mo rin ang tamang gawin, gayundin, makakarekober ka pa sa kasalukuyang pagkakamali na iyong kinasadlakan, hanggang sa tuluyan mo na rin siyang maiwasan.

MGA DAPAT GAWIN


  1. Habang, ayon sa iyong mga datos, Ms. Cancer, hangga’t maaga at may panahon pa, iwasan mo na ang boyfriend mo na may asawa na. Kapag nagawa mo ‘yan, tiyak ang magaganap dahil tulad ng nabanggit, hindi pa huli ang lahat at talagang maiiwasan mo siya.

  2. Sa susunod na pakikipagrelasyon at pagpili ng lalaking mamahalin, tama na ang iyong magiging pasya, kung saan makakapili ka na ng lalaking mas karapat-dapat at sadyang inilaan sa iyo ng kapalaran. Ang lalaking nabanggit ay may zodiac sign na Virgo — sa pag-ibig, pakikipagrelasyon at sa pag-aasawa, magiging maligaya ka habambuhay (Drawing A. at B. 1-M arrow c.), na ayon sa iyong Love Calendar, ito ay nakatakdang mangyari sa taong 2024, sa buwan ng Abril at sa edad mong 21 pataas.

 
 

ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Palad | November 14, 2022




KATANUNGAN


  1. Ako ay mahilig kumanta, pero ang problema, hindi naman ako nananalo sa mga singing contest na sinasalihan ko, kaya ngayon ay balak kong bumalik sa dati kong trabaho bilang isang welder.

  2. May aplikasyon ako ngayon sa abroad at nag-aayos na ako ng mga papeles. Gusto kong malaman kung matutuloy ba ako sa pangingibang-bansa o dapat ba na kahit palagi akong talo sa mga singing contest ay ituloy ko ang hilig kong ito? Gayundin, dapat ba akong umasa na dumating ang panahon na magkakaroon din ako ng break at sisikat bilang singer?

  3. Ano ang masasabi n’yo, Maestro, saan ba talaga ako nakatakdang sumikat at yumaman, sa pagwe-welding o pagkanta?

KASAGUTAN


  1. Ang sabi mo ay palagi kang talo sa mga amateur singing contest, hindi naman masama kung magpahinga ka muna at mag-abroad dahil kapansin-pansing may malawak at makapal na Travel Line (Drawing A. at B. t-t arrow a.) sa kaliwa at kanan mong palad.

  2. Ibig sabihin, kung sa paligsahan sa pag-awit ay palagi kang bigo, sa pag-a-abroad at sa pamamagitan ng isa mo pang talent o pagwe-welding, sigurado na ang magaganap, sa unang hati ng taong 2023 at pinakamatagal na sa buwan ng Abril o Mayo 2023, may mabunga at mabiyayang pangingibang-bansang itatala sa iyong kapalaran.


MGA DAPAT GAWIN


  1. Hindi naman masamang pagsabayin ang pag-abot ng ating mga pangarap tulad ng kasalukuyan mong karanasan, Lester, kung saan pinagsasabay mo ang pag-awit at pagwe-welding, pero siyempre, dapat may diskarte rin. Kung palagi kang bigo sa pangarap mong pag-awit o natatalo ka sa mga singing contest, ibig sabihin ay kulang ka lang sa practice.

  2. Kaya mas makabubuting balikan mo muna ang iyong skill o tutukan mo muna ang pagwe-welding, kung saan tama ang iyong balak na mag-abroad dahil siguradong sa susunod na taong 2023 at sa edad mng 33 pataas, may mabunga at mabiyayang pangingibang-bansa na itatala sa iyong kapalaran. Gayundin, sa ibayong-dagat, habang nagwe-welding ka, isang napakagandang pagkakataon ding kumanta-kanta ka upang lalo pang mapraktis ang pag-awit at matupad ang iyong pangarap na sumikat sa larangan ng pagkanta.

  3. At kapag alam mo nang magaling ka na talagang kumanta dahil praktisado ka, sa iyong pagbabalik sa ating bansa, muli kang sumali sa mga singing contest. Ayon sa iyong malinaw at kumapal na Sun Line (Drawing A. at B. S-S arrow b.), sa nasabing larangan at sa nasabing panahon, maaaring manalo at sumikat ka na bilang magaling at mahusay na mang-aawit.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page