ni Maestro Honorio Ong @Kapalaran Ayon sa Palad | February 24, 2023

KATANUNGAN
May boyfriend ako ngayon at dalawang taon na ang relasyon namin. Nasa abroad siya ngayon, pero sa June ay bababa na siya sa barko at sabi niya, sa December ay magpapakasal na kami.
Gusto kong malaman kung matutuloy ba ang kasal namin at kami na ba ang magkakatuluyan? Isinilang ako noong October 9, 1997, isa akong Libra at February 15, 1993 naman ang birthday boyfriend ko na isang Aquarius.
KASAGUITAN
Iisa lang ang malinaw, makapal na Marriage Line (Drawing A. at B. 1-M arrow a.) sa kaliwa at kanan mong palad. Ibig sabihin, kung ang kasalukuyan mong boyfriend ay siyang first love mo, first kiss at kauna-unahang naka-relasyon na seryoso at totohanan, walang duda na kayo na ang magkakatuluyan at ang nasabing pagsasama ay magiging maligaya at panghabambuhay.
Ito ay madaling kinumpirma ng napakaganda, walang bilog, hindi nalatid o hindi naputol, at suwabeng nagsimula ang nasabing Heart Line (Drawing A. at B. h-h arrow b.) sa Mount of Jupiter (arrow c.) na tinatawag din nating Bundok ng Kaligayahan (arrow c.) sa kaliwa at kanan mong palad.
Ibig sabihin, bukod sa magka-compatible ang zodiac sign mong Libra at sa boyfriend mo naman na Aquarius, tunay ngang magiging tapat at masidhi ang inyong panghabambuhay na pagmamahalan na pinatindi pa ng pagiging tugma ng birth date mong 18 o 9 (1+8=9) at 6 naman ang boyfriend mo. Ibig sabihin, halos kayo na ang itinakda ng tadhana upang magsama at magmahalan ng panghabambuhay.
DAPAT GAWIN
Ayon sa iyong mga datos, Irish, tiyak na ang magaganap, kung hindi mapapaaga sa buwan ng Setyembre ngayong 2023, maaaring sa buwan ng Disyembre o Enero 2024 matutuloy ang inyong kasal, na tiyak namang hahantong sa maligaya at panghabambuhay na pagpapamilya.






