top of page
Search

ni Maestro Honorio Ong @Kapalaran ayon sa Palad | August 3, 2023




KATANUNGAN

  1. Binata pa lang ako ay pangarap ko na yumaman, pero sa kasamaang palad ay nakapag-asawa agad ako at nakapagtrabaho, nagkaroon din agad ako ng anak at apo. Ngayon ay retired na ako at nag-aalaga na lang ng mga hayop at halaman sa maliit kong nabiling lupa sa bukid pero hanggang ngayon ay hindi pa rin ako yumayaman.

  2. Naisipan kong sumangguni sa inyo Maestro, upang itanong kung may pag-asa pa kaya akong yumaman?


KASAGUTAN

  1. Ador, upang yumaman ka, ang pinakamaganda mong dapat gawin ay magnegosyo o imbis na mag-alaga ka ng mga hayop at halaman sa bukid na nagsisilbing libangan mo lang, puwede mo ring gawing pormal at tunay na negosyo ang iyong libangan. Ito ang nais sabihin ng malinaw at makapal na Business Line (Drawing A. at B. N-N arrow a.) sa kaliwa at kanan mong palad.

  2. Imbis na r’yan ka lang sa bukid nagpipirmi ang isa pang mas magandang gawin mo ay maghanap ka ng puwesto sa palengke o kaya ay sa Poblacion kung saan makaka-establish ka ng maraming market at connection upang doon ka magbukas ng isang tindahan na may kaugnayan din sa mga agricultural products. Kasabay nito, pagbutihin mo pa lalo ang pag-aalaga mo sa iyong halaman at hayop, maaari ring kumuha ka ng tagabantay at taga-alaga ng mga hayop at halaman mo habang ikaw naman ay nagsisilbing manager o tagapamahala ng inyong farm.

  3. Sa ganyang paraan, mapapalaki mo ang iyong negosyo na may kaugnayan din sa agricultural products upang mas madali kang uunlad at yayaman.

  4. Kung ayaw mo naman ng tindahan na may kaugnayan sa agricultural products puwede rin namang dagdagan o paramihin mo ang mga alaga mong hayop at halaman, tulad ng kambing at mga baka o kaya’y pilitin mong maging supplier ka ng mga gulay at iba pang agricultural products sa inyong palengke o sa inyong lugar.

  5. Sa isang tulad mo na may Business Line (N-N arrow a.) sa kaliwa at kanang palad upang yumaman, kailangang may negosyo, kailangang may kalakal kang ibinebenta at kailangang mapalaki mo o maparami ang iyong kalakal o ibinebentang produkto.

  6. Sa ganyang paraan, tulad ng nasabi na, ang malinaw at makapal na Guhit ng Negosyo (Drawing A. at B. N-N arrow a.) sa kaliwa at kanan mong palad, ay matutupad at ito ay nagsasabing sa malakihang venture o pangangalakal, mas mabilis kang uunlad, hanggang sa tuluy-tuloy kang yumaman.


DAPAT GAWIN

Habang ayon sa iyong mga datos Ador, sa partikular ang straight Head Line (Drawing A. at B. H-H arrow b.) sa kaliwa at kanan mong palad at ang malinaw na Business Line (N-N arrow a.) ay nagsasabing kapag sinunod mo ang mga simpleng rekomendasyong tinuran sa itaas, “malaking pangarap o malaking paglulunsad ng negosyo ang dapat” hindi pa huli ang lahat, walang duda, sa taong 2028, sa edad mong 65 pataas, hindi pa naman gaanong katandaan dahil batak ang iyong katawan sa kabukiran, hindi mo na rin mapapansing unti-unti na palang lumalago ang iyong kabuhayan hanggang sa hindi mo na namamalayang unti-unti ka na rin palang yumayaman.



 
 

ni Maestro Honorio Ong @Kapalaran ayon sa Palad | August 1, 2023




KATANUNGAN

  1. Malungkot ang nangyari sa aking love life dahil noong biyayaan kami ng live-in-partner ko ng isang supling, iniwan niya agad ako at sumama sa ibang babae na mas bata sa akin. Ano ba ang guhit ng palad ko, Maestro? Babalik pa kaya ang ex-live-in partner ko?

  2. Kung hindi na siya babalik sa edad ko bang 29, magkaka-boyfriend o makapag-asawa pa kaya akong muli?

  3. At kung makakapag-asawa akong muli, magiging panghabambuhay na kaya ang papasukin naming pag-aasawa?

KASAGUTAN

  1. Kung nabigo at lumuha ka man sa unang pakikipagrelasyon, masasabing sa ikalawang pakikipagrelasyon ay papalarin ka na. Sapagkat, kapansin-pansing pumangit ang unang Marriage Line (Drawing A. at B. 1-M arrow a.) subalit sadyang maganda at maayos naman ang ikalawang Marriage Line (Drawing A. at B. 2-M arrow b.) sa kaliwa at kanan mong palad.

  2. Tanda na bagamat nagkamali ka ng lalaking minahal sa unang pakikipagrelasyon dahil matapos kang anakan ay iniwan ka na lang sa kangkungan at sumama sa ibang babae. Huwag kang malungkot at ‘wag kang mawalan ng pag-asa, dahil sa ikalawang pagkakataon, at sa iyong muling pakikipagrelasyon sa isang lalaking may kayumanggi ang kulay ng balat at medyo maskulado ang pangangatawan, tunay ngang susuwertehin at pagpapalain ka na ng langit na madali naman kinumpirma at pinatunayan ng magulong lagda sa simula at gitnang bahagi ngunit unti-unti namang naayos at gumanda sa gitna hanggang sa dulong bahagi.

  3. Ibig sabihin, mula sa edad mong 29 pataas, ganap at tunay na ngang magbabago at gaganda ang kapalaran mo. Sa partikular lalo na sa pag-ibig at pakikipagrelasyon lalo na't kung mula ngayon ay uugaliin mo nang magsuot ng mapalad mong kulay na berde at dilaw.

  4. Kapag ginawa mo ‘yan. Tulad ng nasabi na, sa nasabing kulay hindi ka lang sa love life susuwertehin kundi sa halos lahat ng aspeto ng iyong buhay kagaya ng tungkol sa pananalapi, ganundin sa pag-ibig at sa materyal na bagay.

MGA DAPAT GAWIN

  1. Eva Marie, bagamat noong mga nagdaang panahon ay nalilito ka sa iyong kapalaran at sa magiging kapalaran ng kaisa-isa mong anak, matapos iwan ka ng dati mong live-in-partner, manalig ka, mala-dramatikong magbabago ang iyong kapalaran, sa pagdating ng lalaking nagtataglay ng zodiac sign na Aries.

  2. Ayon sa iyong mga datos sa piling ng nabanggit na lalaki na siya na ring itatalang ikalawang pag-ibig at ikalawang pakikipagrelasyon mo, kahit sabihin pang single mom ka, pakakasalan ka pa rin niya at ang nasabing pag-iisang dibdib ay tuluy-tuloy na ring hahantong sa isang maligaya at panghabambuhay na pag-aasawa na nakatakdang mangyari at maganap sa taong 2026, sa edad mong 32 pataas.



 
 

ni Maestro Honorio Ong @Kapalaran ayon sa Palad | July 29, 2023




KATANUNGAN


  1. Kaya siguro ako umabot sa edad na 32 at hanggang ngayon ay wala pa rin boyfriend ay dahil mahiyain ako. Napakatahimik kong tao, hindi ako palakibo, hindi ako pala-kuwento at usually nasa bahay lang ako. Maestro, itatanong ko lang kung sa kabila ng ganito kong pag-uugali, may nakatakda pa rin kayang lalaki para sa akin?

  2. Nangangarap din kasi akong magkaroon ng isang masayang pamilya. Ano kaya ang dapat kong gawin para ako ay makapag-asawa at magkaroon ng masayang pamilya kahit na hindi ako mahilig makipag-sosyalan lalo na sa mga kalalakihan?

KASAGUTAN

  1. Sa totoo lang, wala namang kaugnayan kung masungit ka ba, kung si Maria Clara ka ba o sobrang hinhin mo. Sa totoo lang, walang connect ang lahat ng iyon, kung sadyang may malinaw, mahaba at makapal na Marriage Line (Drawing A. at B. 1-M arrow a.) sa kaliwa at kanang palad ng isang indibidwal.

  2. Dapat kang magpasalamat at magsaya Carla, dahil buti na lang kahit 32-years-old ka na, may namataan pa ring kaisa-isang maganda at malinaw na Marriage Line (Drawing A. at B. 1-M arrow a.) sa kaliwa at kanan mong palad. Tanda na kahit medyo may edad ka na, nakakatuwa ang nakatakdang makakapag-asawa ka pa rin, magkakaroon ng pamilya at habambuhay na liligaya, kahit sabihin pang wala kang alam at inosente ka sa subject na “sex, love and relationship”.

DAPAT GAWIN

Habang ayon sa iyong mga datos Carla, kahit na mahiyain ka pa at may pagka-conservative type na babae, buti na lang ay may kaisa-isang magandang Marriage Line (Drawing A. At B. 1-M arrow a.) at may maganda din na Heart Line (Drawing A. at B. h-h arrow b.) sa kaliwa at kanan mong palad. Ito ay malinaw na kahit 32-anyos ka na sa kasalukuyan, magkaka-boyfriend at magkakaroon ka pa rin ng isang simple at maligayang pamilya habambuhay na nakatakdang mangyari at maganap sa susunod na taong 2024 sa edad mong 33 pataas.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page