top of page
Search

ni Maestro Honorio Ong @Kapalaran ayon sa Palad | August 23, 2023




KATANUNGAN

  1. Dati akong ofw sa Saudi, tatlong taon din akong pabalik-balik do’n. at tumigil ako noong taong 2021, mula noon ay ‘di na muli akong nakabalik sa abroad kaya madaling naubos ang inipon naming pera at ngayon ay nabaon na kami sa pagkakautang.

  2. Nag-apply ako sa dating kong agency at ang sabi sa akin ng dati kong amo ay welcome umano ako pagbumalik ako ro’n at mag-ayos na raw ako ng mga papeles, dahil maganda naman ang record ko sa kanila.

  3. Naisipan kong sumangguni sa inyo, upang itanong kung may ikalawa pa kayang pag-a-abroad na itatala sa aking kapalaran, kahit na medyo may edad na ako? Malakas pa naman ako at kaya ko pa naman ang mga dating trabaho na ginagawa ko.

KASAGUTAN

  1. Ayon sa gasgas na kasabihan, “habang may buhay may pag-asa!” Ganu’n ‘yun! Kaya sa edad mong 39, at sabi mo nga ay “welcome” ka namang bumalik sa dati mong pinagtatrabahuhan sa Saudi, hindi ka dapat mawalan ng pag-asa, dahil nakalaan na sa kapalaran mo ang ikalawa at mas produktibong pag-a-abroad.

  2. May malawak at malinaw na ikalawang Travel Line (Drawing A. at B. t-t arrow b.) sa kaliwa at kanan mong palad. Ito ay malinaw na darating din ang takdang panahon upang muli kang makapag-abroad at muling kang makapagtrabaho sa dating kumpanyang pinapasukan mo.

  3. Ang mahalaga ngayon, ay ‘wag kang mapagod sa pag-a-apply, dahil sa bandang huli, tulad ng naipaliwanag na, matutupad din ang ikalawang pag-a-abroad sa iyong karanasan at ang ikinaganda pa nga nito, ang pag-a-abroad na itatala ay higit na mas magiging produktibo at masagana kaysa sa nauna.

  4. Ang pag aanalisang muling gaganda ang iyong kapalaran ay pinatunayan ng iyong lagda na nagkabilog at pumangit sa bandang gitna. Ito ang mga panahon na wala ka pang trabaho, ngunit gumanda at naayos din mula sa gitna hanggang sa dulong bahagi ng iyong pirma. Ibig sabihin, tulad ng naipaliwanag na, sa pagtuntong mo ng edad na 40 pataas, ayon nga sa kasabihan “life begins at 40” magbabago na ang landas ng iyong buhay, darating na kusa ang ikalawang pagkakataong upang muli mong mapaunlad at mapabuti ang iyong career, hanggang sa tuluy-tuloy ka na muling umunlad at yumaman (H-H arrow c.).

DAPAT GAWIN

Habang ayon sa iyong mga datos Mr. Capricorn, tiyak ang magaganap sa first quarter ng susunod na taong 2024, sa buwan ng Enero hanggang Abril, sa edad mong 39 pataas, matutupad na rin sa wakas ang matagal mo nang inaasam-asam, muli kang makakapag-abroad at sa ikalawang pagkakataong muling lalago at sasagana ang inyong kabuhayan, hanggang sa tuluyan na muli kayong yumaman (Drawing A. at B. H-H arrow c.).


 
 

ni Maestro Honorio Ong @Kapalaran ayon sa Palad | August 20, 2023




KATANUNGAN

  1. Ako ay isang katulong dito sa abroad, tatlo kami ng amo kong babae at isa niyang anak na 4-years-old ang naiiwan sa bahay. Ang problema ay may lihim na karelasyon ang amo kong babae na ‘pag nalaman ito ng kanyang asawa ay tiyak na malaking gulo ito.

  2. Pero nakakaawa naman kung ‘di malalaman ni kuya na niloloko na pala siya ni ate, dahil nagtitiis at nagsisikap siyang magtrabaho para may maipadala sa kanyang asawa’t anak, tapos lolokohin lang pala siya ni ate.

  3. Balak ko sanang magsumbong, kaya lang ay natatakot ako, kung hindi ko naman isusumbong si ate ay baka ako naman ang sisihin ni kuya, kapag nalaman niyang may lalaki ang misis niya. Samantala, bago siya umalis binigyan pa niya ko ng pera at bantayan ko raw nang mabuti si ate.

  4. Nalilito ako kung ano ang gagawin ko, kaya balak ko na lang sanang umalis at lumipat ng ibang trabaho para hindi na ako madamay sa gulo, tama ba ang magiging pasya ko, Maestro? Kung lilipat ako ng ibang trabaho madali naman kaya akong makakahanap ng bagong amo na kasing bait nila kuya?

  5. Ang huli kong nais malaman, Maestro, 38-years-old na ako at hanggang ngayon ay single pa rin ako, kailan kaya ako magkakaroon ng isang masayang pamilya?

KASAGUTAN:

  1. Tama ang iyong pasya hindi ka dapat makialam sa personal na problema ng mag-asawa, lalo na’t mga amo mo sila, dahil sa bandang huli, ikaw pa ang maaaring masisi kapag nakialam ka.

  2. Isipin mo kapag nalaman niya na ikaw ang nagsumbong sa mister niya, siguradong yari ka.

  3. Kapag naman hindi mo sinumbong ang amo mong babae sa ginagawa niyang panlalalaki at nalaman niya na may alam ka sa mga nangyayari, malamang isa ka rin sa sisihin niya.

  4. Ang mas maganda mong gawin ay isipin mo munang mabuti ang gagawin mo, bago pa mahuli ang lahat, umalis ka na sa kasalukuyan mong amo na siya namang nais sabihin ng nagbago ng direksyon na Fate Line (Drawing A. at B. F-F arrow a.) pero hindi naman naputol (arrow b.) sa kaliwa at kanan mong palad.

  5. Ibig sabihin, dahil sa isang sitwasyong hindi inaasahan na biglang dumating sa iyong buhay, may pagbabago sa iyong pasya at sa iyong trabaho na sa bandang huli, mula sa dating okey na trabaho lalo pangbubuti at gaganda ang iyong hanapbuhay, ang pagbabago ng career na ito ay ngayon na mangyayari at magaganap sa edad mong 38 pataas sa last quarter ng taon ding ito.

MGA DAPAT GAWIN

  1. Habang ayon sa iyong mga datos Clair, hindi ka dapat sumawsaw sa problema ng iyong mga amo. Sa halip, ang isipin mo ay kung paano mo mapapaganda ang iyong trabaho, at ang iyong sariling buhay.

  2. Kaya nga tama ang iyong pasya, maghanap ka ng ibang trabaho at makikita mo sa taon ding ito, sa buwan ng Oktubre makakatagpo ka na ng bagong trabaho, na kung saan magiging payapa ang iyong kaisipan at magiging masaya ka habang kasabay nito, tuluy-tuloy na ring uunlad ang iyong kabuhayan hanggang sa makapagsimula ka na rin ng sarili mong pamilya (Drawing A. at B 1-M arrow c.) na nakatakda namang maganap sa susunod na taong 2024 sa edad mong 39 pataas, hatid ng isang lalaking nagtataglay ng zodiac sign na Taurus.


 
 

ni Maestro Honorio Ong @Kapalaran ayon sa Palad | August 18, 2023




KATANUNGAN


1. Nais ko sanang ipabasa ang aking kapalaran. Ako ay ipinanganak noong Hunyo 29, 1989 habang ang mister ko naman ay Setyembre 11, 1989, mayroon kaming dalawang anak. Kailan kaya magiging okey ang aming pagsasama? Hanggang ngayon kasi ay para pa rin kaming aso't pusa kung mag-away.


2.Ako ay isang nurse, pero hanggang ngayon ay wala pa ring nangyayaring maganda sa career ko. Kaya balak ko na lamang mag-business. Nais kong malaman kung susuwertehin kaya ako sa pagnenegosyo? Ang gusto ko kasi sanang i-negosyo ay bigasan at diaper, mayroon kasi akong kaibigan na nagsu-supply ng nasabing mga produkto. Nais ko rin sanang malaman kung magkakaroon kaya kami ng sariling bahay? At kung may pag-asa pa kaya kaming yumaman?

KASAGUTAN


1. Tunay ngang tugma ang zodiac sign mong Cancer at Virgo naman ang mister mo, dahil ang Cancer ay may elementong tubig habang ang Virgo naman ay may elementong lupa. Ang pagsasama ng lupa at tubig ay sadya namang itinatalang maunlad at masagana.


2. Gayundin sa aspetong Numerology kung saan. ang birth date mong 29 o 2 (dahil ang 19 ay 2+9=11/ 1+1=2), kung saan ay tugma rin naman sa birth date na 11 o 2 (ang 11 ay 1+1=2) ng iyong mister, nangangahulugang hindi lang kayo sa Astrology tugma kundi maging sa Numerology din.


3.Kaya ‘yung sinasabi mong madalas pa rin kayong mag-away ng mister mo, ito ay masasabing bahagi lamang ang sitwasyon ng isang tipikal at pangkaraniwang buhay ng mag-asawang nagmamahalan. Kaya kung gayunman ang nangyayari sa kasalukuyan, unawain n’yo na lang ang isa’t isa, upang magtuluy-tuloy ang isang buo at masayang pamilya habambuhay.


4. Ang pag-aanalisang wala namang gaanong magiging problema sa relasyon n’yo ay madali namang kinumpirma ng kaisa-isa, mahaba at malinaw na Marriage Line (Drawing A. at B. 1-M arrow a.) sa kaliwa at kanan mong palad. Tanda na ang pagsasama ay hindi lang itatalang tagumpay at maligaya kundi ito ay magiging panghabambuhay na.


5. Samantala, sa usapang negosyo o business naman, kapansin-pansin din na bukod sa may birth date kang 2 sa zodiac sign na Cancer ikaw din ay nagtataglay ng destiny number na 8, (6+29+1989=2024/ 20+24=44/ 4+4=8). Ibig sabihin, likas kang

susuwertehin sa anumang negosyong binabalak mo, katulad ng naiisip mong bigasan o produktong may kaugnayan sa agricultural products, ngunit dahil nga “otso” ang destiny number mo, bago mo makamit ang lubusang tagumpay at ganap na pagyaman, dadaan ka muna sa maraming pagsubok.


6. Ang iyong signature na may dalawang initial sa simula, ang nagsasabing malaki ang pag-asa mong umunlad hanggang sa kusa mong matupad ang iyong pinapangarap na magkaroon ng isang sariling house and lot higit lalo kung tatapusin mo ang iyong lagda sa medyo mas malaki pang hugis eight (8) na sumisimbolo ng pagyaman at maunlad na pamumuhay.

DAPAT GAWIN

Ayon sa iyong mga datos Chat, tulad ng tipikal na nagiging kapalaran ng taong otso, matapos ng mga paghihirap at pagsisikap sa buhay, sigurado ang magaganap, matutupad mo ang iyong mga pangarap higit lalo ang pangarap mo na may kaugnayan sa aspetong salapi at materyal na bagay, na kinumpirma ng straight Head Line (Drawing A. at B. H-H arrow b.) sa kaliwa at kanan mong palad, na nagbabadya ng “material success” na magsisimulang mangyari at magaganap sa susunod na taong 2024 sa edad mong 35 pataas.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page