top of page
Search

ni Maestro Honorio Ong @Kapalaran Ayon Sa Palad | June 4, 2024



Kapalaran Ayon Sa Palad


KATANUNGAN

  1. Hiwalay ako sa asawa ko, at ngayon ay may nanliligaw sa akin na hiwalay din sa kanyang asawa. Natatakot akong sagutin siya, baka maulit na naman ang nangyari sa una kong pag-aasawa na naging babaero at lasinggero. 

  2. Ang masaklap pa, madalas niya akong bugbugin, kaya hindi na ako nakatiis at nakipaghiwalay na ako sa kanya.

  3. Sa palagay mo, Maestro, sa ikalawa kong pag-aasawa, may pag-asa pa kaya akong lumigaya o mas mabuting huwag na lang akong mag-asawa? Sa ngayon, may 2 kaming anak na mababait. 

  4. Dapat ba akong mag-asawang muli o manatili na lang akong walang asawa kasama ang aking mga anak?


KASAGUTAN

  1. Kung mas uunahin mo ang takot at iisipin ang nakaraan, baka mangyari muli sa iyo ang dati mong naging mapait na karanasan. Ang tanong ay paano ka liligaya at magkakaroon nang okey na pamilya niyan, gayung nauunahan ka ng takot at pangamba?

  2. Oo, may dalawa ka ngang anak na nakakasama mo ngayon, ngunit paano kapag nag-asawa na sila at nagkaroon na rin ng sariling pamilya? Minsan, kapag nagkakaroon tayo ng mapait na karanasan, mananatiling mapait na karanasan ito sa ating memorya na sadyang napakahirap burahin. Ramdam ko ang takot mo na baka maulit muli ang nangyari sa buhay mo. Pero sa totoo lang, hindi naman ganu’n! Dahil kung marunong kang magbasa ng kapalaran, makikita mo naman doon kung pangit o maganda ba talaga ang ikalawa mong pag-aasawa. 

  3. Sa kaso mo, Janna, kapansin-pansing higit na malinaw at maganda ang ikalawang Marriage Line (Drawing A. at B. 2-M arrow b.) kung ikukumpara sa nauna mong Marriage Line (Drawing A. at B. 1-M arrow a.) sa kaliwa at kanan mong palad.

  4. Ibig sabihin, tiyak ang magaganap, ang ikalawang maganda, suwabe at tuwid na Marriage Line ( 2-M arrow b.) ang mananaig sa iyong kapalaran. Ibig sabihin, sa ikalawa o muling pag-aasawa, may pangako na ng isang maligaya at panghabambuhay na kinumpirma nang gumanda mong Heart Line (Drawing A. at B. h-h arrow c. at d.) sa kaliwa at kanan mong palad.

  5. Tanda na kung nabigo ka sa unang pag-aasawa, sa ikalawa pag-ibig at pakikipagrelasyon, walang duda, magtatagumpay at habambuhay kang liligaya.


DAPAT GAWIN


Habang ayon sa iyong mga datos, Janna, tulad ng nasabi na, ang mas makapal at mas magandang ikalawang Marriage Line (Drawing A. at B. 2-M arrow b.) sa kaliwa at kanan mong palad na nagsasabing sa ikalawang pag-aasawa na magaganap sa susunod na taon, sa edad mong 42 pataas, hatid ng isang lalaking may zodiac sign na Taurus. Sa piling niya, mabubuo ang ikalawang pakikipagrelasyon na hahantong sa isang mas maligaya at panghabambuhay na pagsasama.

 
 

ni Maestro Honorio Ong @Kapalaran ayon sa Palad | Ika-27 Araw ng Abril, 2024



 


KATANUNGAN

1. Apat na taon na kami ng boyfriend ko, at ang alam ko noon ay matagal na silang hiwalay ng misis niya. Pero, huli na nang malaman ko na hindi pa pala sila hiwalay, bale inilihim niya ‘yun sa akin. Ang gusto ko lang malaman, kami ba talaga ang para sa isa’t isa at siya ba ang nakatakda para sa akin? Pero, kung sila pa rin ng asawa niya ang nakatadhana, tatanggapin ko nang maluwag sa loob ko. Kung saan siya magiging masaya, roon din ako.

2. Naisipan ko sumangguni sa iyo, Maestro, para itanong kung ang mag-asawa ba na naghiwalay ay parehong hindi maganda at maayos ang Marriage Line o kahit isa sa kanila ang hindi maayos ang Marriage Line, magkakahiwalay ba talaga sila? 

3. Kung halimbawa naman na ganito ang sitwasyon, parehong maayos at maganda ang Marriage Line nila, pero dahil maraming nanggugulo sa kanila, maaari rin ba silang mauwi sa hiwalayan? 

 

KASAGUTAN

1. Ang totoo nito ay ganito, halimbawa sinasabi ng boyfriend mo na hiwalay na siya sa kanyang asawa, pero nakita mo na kapwa maganda ang Marriage Line (Drawing A. at B. 1-M arrow a.) sa kaliwa at kanan niyang palad at nagkataong maganda rin ang Heart Line niya (Drawing A. at B. h-h arrow b.), hindi nabiyak o naputol, ang ibig sabihin nito, hindi siya nagsasabi ng totoo. Sapagkat, ang magandang Heart Line (arrow b.) at Marriage Line (arrow a.) sa kaliwa at kanang palad ay isang patunay ng maayos, stable at successful na family life. 

2. Ngayon, huwag mo nang intindihin kung anumang itsura ng Marriage Line o Heart Line sa guhit ng palad ng kanyang misis, dahil kani-kanya ‘yan nang dinadala at alalahanin sa buhay. Maaaring pangit ang Marriage Line ng kanyang asawa, dahil hirap na hirap na ito sa kakabuhat o kakadala ng mga problema nila, kaya pumangit ang Marriage Line at ang Heart Line niya. Samantala, ito ang asawa niyang pa-easy-easy lang at buhay binata ay pinagkalooban ng magandang Marriage Line at Heart Line dahil hindi niya iniinda ang mga problema at ine-enjoy niya lang ang kanyang buhay ngayon. 

3. Ganu’n iyon! Kani-kanya tayo ng guhit ng palad, depende na lang kung paano natin ina-appreciate ang tadhana at kapalarang ating pinapasan. 

4. Kaya kung wala kang makitang maganda at matinong Marriage Line (1-M arrow a.) at Heart Line (Drawing A. at B. h-h arrow c.) sa kaliwa at kanan mong palad, lalo na kung nagkataon pa na may Guhit ka ng Influence Line, na tinatawag natin na Guhit ng Immoral na Relasyon (I-I arrow d.). Ito ay isang kasiguraduhan na tama ang sinasabi mo sa mahaba mong sulat, ngayon pa lang tanggap mo na ang nakatakda na sa iyong kapalaran, ang maging isang kerida habambuhay.

 

MGA DAPAT GAWIN

1. Tunay ngang masarap umibig at magmahal, dahil ang totoo nito ang nasabing pag-ibig ay sadyang nakakalasing o sabihin na nating nakakabaliw.

2. Gayunman, minsan dapat tayong gumising sa katotohanan, na ang maling pag-ibig at maling pakikipagrelasyon ay sa pagsisisi at kalungkutan lang din hahantong. Kaya wala kang dapat gawin ngayon kundi wakasan ang kasalukuyang pakikipagrelasyon sa bf mo na may asawa na, para sa susunod na taon ay makalaya at makatagpo ka na ng isang bago at maaliwalas na pakikipagrelasyon hatid ng isang binata o walang pananagutan na nagtataglay ng zodiac sign na Scorpio.


 
 

ni Maestro Honorio Ong @Kapalaran ayon sa Palad | Ika-23 Araw ng Abril, 2024



 


KATANUNGAN  

1. May manliligaw ako ngayon at balak ko na siyang sagutin. Pero, nagdadalawang isip at natatakot ako na baka hindi rin kami magkatuluyan. Undergrad siya, pero may maganda naman siyang trabaho, ako naman ay naka-graduate na ng college at kasalukuyang naghahanap ng trabaho. Capricorn siya na may birth date na 5, habang Taurus naman ako na may birth date na 8.

2. Maestro, kung sakaling kami ang magkakatuluyan, uunlad kaya ang aming pamumuhay at magkakaroon kaya kami ng masayang pamilya?

 

KASAGUTAN 

1. Siguro ngayon ka pa lang magkakaroon ng boyfriend o papasok sa isang pakikipagrelasyon, kaya hindi mo pa alam kung sasagutin mo na ba o hindi pa ang iyong manliligaw.

2. Madali lang ang solusyon, compatible kayo dahil ang Capricorn at Taurus ay may iisang elemento na tinataglay at  ito ang elementong earth o lupa habang ang birth date na 5 at 8 (naging 8 ka, dahil ang 17 ay kinompyut ng 1+7=8) ay suwetung-suweto ring magsama. Isa pa, nasa hustong gulang ka na rin naman upang magka-bf. Kaya walang masama kung sasagutin mo na siya para lumigaya at makumpleto na buhay mo.

3. Ang problema lang, mahina ang loob mo at may pag-aalinlangan ka na kinumpirma ng kaisa-isa mong Marriage Line (Drawing A. at B. 1-M arrow a.) sa kaliwa at kanan mong palad. Tanda na kung sino ang una at pinakamatagal mong nobyo, tiyak ang magaganap, siya na ang makakatuluyan mo. Kaya tulad ng nasabi na, magkakaroon lang ng problema dahil sadyang magkasama ang Head Line at Life Line (Drawing A. at B. H-H arrow b. at L-L arrow c.) sa kaliwa at kanan mong palad, lalo na kung wala ka pa ring tiwala sa iyong sarili pagdating sa pagdedesisyon.

4. Pero huwag kang matakot, dahil sa sandaling sinagot mo na ang iyong manliligaw, malaki ang maitutulong niya para lumakas ang iyong loob, umunlad at habambuhay na lumigaya. Sapagkat tulad ng naipaliwanag na, sadyang magka-compatible ang zodiac sign n’yo.

 

MGA DAPAT GAWIN 

Tanungin at suriin mong mabuti ang iyong sarili, kung mahal mo ba ang iyong manliligaw at kung mahal ka rin ba talaga niya. Kung kapwa oo ang inyong kasagutan, huwag ka na magdalawang isip pa. Sagutin mo na siya, dahil ayon sa inyong mga datos, kapag kayo ang nagkatuluyan, tiyak ang isang maligaya at maunlad na samahan na nakatakdang mangyari at maganap sa taong 2025, sa edad mong 27 habang 28 naman ang manliligaw mo na soon to be husband at makakasama mo sa pagbuo ng isang maligaya, maunlad at panghabambuhay na pagpapamilya.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page