top of page
FRANKLY - ANNOUNCEMENT SA PAGBUBUNTIS NI SARAH, INAABANGAN NA-IG _matteog.jpg
Search

ni Justine Berganio @Overseas News | August 12, 2026



Maribeth Ellen Jones, 51, Bonita Springs - Collier County Sheriff's Office

Photo: Circulated / Collier County Sheriff's Office



Arestado ang isang babae sa Florida matapos umanong magpanggap na may cancer at makapanghingi ng mahigit $40,000 (P2M) mula sa mahigit 200 residente para umano sa kanyang pagpapagamot.


Kinilala ang suspek na si Maribeth Ellen Jones, 51, ng Bonita Springs, na nahaharap sa kasong grand theft na nasa pagitan ng $20,000 (P1M) at $100,000 (P6M). Kusang sumuko si Jones sa Naples Jail Center matapos makakuha ng arrest warrant ang mga imbestigador ng Collier County Sheriff’s Office.


Ayon sa mga awtoridad, nagtrabaho si Jones bilang activities director sa isang komunidad at mula 2022 hanggang 2024 ay sinabi umano niya sa mga residente na mayroon siyang cancer at sumasailalim sa gamutan.


Dahil dito, maraming residente ang nagbigay ng pera, cash at personal checks upang makatulong sa kanyang sinasabing pagpapagamot. Naitayo rin ang isang GoFundMe campaign para kay Jones na direktang naka-link umano sa kanyang personal bank account.


Para mapaniwala ang mga nagbibigay ng tulong, sinabi umanong pinalala pa ni Jones ang kanyang sinasabing kondisyon at hinayaan ang ilang miyembro ng komunidad na gupitan ang kanyang buhok upang magmukhang naghahanda siya para sa chemotherapy.


Nabatid din sa imbestigasyon na dalawang naunang GoFundMe campaign ang ginawa para kay Jones kung saan sinabi rin niyang may cancer siya.


Gayunman, natuklasan ng mga detective na walang cancer si Jones at ginamit umano niya ang perang nakalap upang bayaran ang kanyang mga personal na utang.


Samantala, sinabi ng GoFundMe na tinanggal na nito ang mga fundraising campaign para kay Jones at ipinagbawal ang kanyang account sa paggamit ng platform. Mahigit $41,000 (P2.5M) naman ang na-refund sa mga donor sa pamamagitan ng kanilang Giving Guarantee program.


Kinondena ni Collier County Sheriff Kevin Rambosk ang umano’y panloloko, dahil sinamantala nito ang kabutihang-loob ng mga taong tunay na gustong tumulong sa isang taong akala nila ay may malubhang karamdaman.


Ayon sa sheriff, bukod sa pagkalugi ng mga biktima, maaaring masira rin ng ganitong uri ng scam ang tiwala ng publiko sa mga lehitimong fundraising campaign para sa mga tunay na nangangailangan.





NASUNOG NA FACTORY, 16 TODAS



PATAY ang 16 migrant workers mula Bangladesh matapos sumiklab ang malaking sunog sa isang pabrika ng sofa sa Musa Sanaiya industrial area sa Riyadh, Saudi Arabia nitong Linggo.


Kinumpirma ng mga opisyal sa Dhaka ang pagkamatay ng mga biktima habang patuloy na inaalam ang buong detalye ng insidente at sanhi ng sunog.


Mino-monitor na ng Bangladesh Ministry of Foreign Affairs ang sitwasyon, habang nakikipag-ugnayan ang Bangladesh Embassy sa Riyadh sa mga awtoridad ng Saudi Arabia para mapabilis ang proseso ng pagpapauwi sa mga labi ng mga nasawi.


Inatasan naman ni Expatriates’ Welfare and Overseas Employment Minister Ariful Haque Choudhury ang mga opisyal na tiyaking agad na maiuwi ang mga labi at mabigyan ng kinakailangang tulong at kompensasyon ang mga naiwang pamilya.


Malaki ang bilang ng mga Bangladeshi migrant workers sa Saudi Arabia, na itinuturing na pangunahing destinasyon ng mga manggagawa mula Bangladesh. Tinatayang 3.5 milyon silang nakatira sa bansa at mahigit $2.7 bilyon (P165B) ang ipinadalang remittances ng mga ito sa Bangladesh noong nakaraang taon.


Patuloy naman ang koordinasyon ng dalawang bansa para sa repatriation ng mga nasawi at iba pang kinakailangang hakbang matapos ang trahedya.


 
 

ni Justine Berganio @Overseas News | August 11, 2026



Sara Sanchez at Antonella Garcia - Circulated NY Post, Sara Sanchez IG

Photo: Circulated / NY Post, Sara Sanchez IG



Patay ang isang ina at kanyang limang-buwang-gulang na anak matapos tumaob ang isang sasakyang-dagat na lulan ng 14 katao sa New York Harbor, malapit sa Liberty Island at Statue of Liberty nitong Sabado ng gabi.


Kinilala ng mga awtoridad ang mga nasawi na si Sara Sanchez, 27, at ang kanyang anak na si Antonella Garcia. Pareho silang natagpuan matapos ang insidente at isinugod sa NYU Langone Hospital, ngunit idineklarang dead-on- arrival.


Nasa naturang bangka rin ang asawa ni Sanchez na si Andres Garcia, na empleyado ng Il Punto Ristorante sa Manhattan. 


Alas-10:55 ng gabi nang makatanggap ng tawag ang New York Police Department tungkol sa tumaob na bangka. Agad rumesponde ang harbor unit, scuba team at aviation team, habang 12 katao na ang nailigtas mula sa tubig.



  • Ang 21-foot na motorboat, inangat mula sa harbor ng NYPD nitong Linggo - Gregory P. Mango for NY Post
    Photo: Gregory P. Mango for NY Pos


Ayon sa Sea the City, unang namataan ng kanilang bangka ang tumaob na sasakyang-dagat at mga taong nasa tubig. Tumulong ang kanilang crew sa pagsagip sa 11 katao, habang ang iba pang survivors ay dinala sa ospital at nagtamo lamang ng minor injuries.

Inaresto naman ng pulisya ang kapitan ng bangka na si Manuel Hernandez, 46.


Nahaharap siya sa 13 counts ng reckless endangerment habang patuloy na iniimbestigahan ang sanhi ng aksidente.


Sinusuri na ng U.S. Coast Guard kung ilegal na charter operation ang bangka. Ayon sa Coast Guard, itinuturing na illegal charter ang passenger-for-hire operation na walang kinakailangang credentials, safety equipment at inspection certificates.


Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa insidente habang inaalam kung may paglabag sa mga regulasyon sa pagpapatakbo ng sasakyang-dagat.


 
 

ni Justine Berganio @Overseas News | August 11, 2026



Daniel Dominguez, 18 at Lucas Gomez centero - NBC Circulated

Photo: NBC / Circulated



Arestado ang dalawang binata matapos umanong masangkot sa magkakasunod na krimen, kabilang ang tangkang pagnanakaw ng sasakyan, pamamaril sa security guard at panggugulo sa mga pulis sa Florida, United States nitong Huwebes.


Nahaharap si Daniel Dominguez, 18, sa mga kasong attempted first-degree murder, armed burglary, illegal discharge of a firearm mula sa sasakyan, burglary ng unoccupied vehicle, resisting an officer with violence, battery at death threat laban sa isang pulis.


Samantala, kinasuhan si Lucas Gomez-Quintero, 19, ng armed burglary, dalawang counts ng accessory after the fact, loitering at burglary ng unoccupied structure. Pareho silang nakakulong sa Turner Guilford Knight Correctional Center hanggang Biyernes.


Ala-1 ng madaling-araw nang mapansin ng security guard na si Jamel Donat ang dalawang suspek na umano’y pumasok sa kanyang sasakyan habang nagpapatrolya siya sakay ng golf cart sa Atlantic Doral apartment complex.


Nang sitahin, sinabi na kanila ang sasakyan habang nakaupo si Dominguez sa driver’s seat. Nang kuwestiyunin ni Donat ang kanilang ginagawa, bumaba umano si Dominguez at itinutok ang isang handgun sa guwardiya.


Umalis ang dalawa at sumakay sa sarili nilang sasakyan, ngunit bago tuluyang umalis ay muling lumapit si Dominguez kay Donat at umano’y nagpaputok ng apat na beses. Nakapagtago ang guwardiya sa likod ng golf cart at walang naiulat na tinamaan.

Batay sa forensic examination, may tama ng bala ang golf cart at isang kalapit na garage door.


Makalipas lamang ang apat na oras, habang iniimbestigahan pa ng Doral Police ang pamamaril, muling nasangkot umano ang dalawa sa pagtatangkang pasukin ang mga sasakyan sa labas ng mga bahay sa Hialeah Gardens.


Rumesponde ang mga pulis matapos makatanggap ng mga tawag tungkol sa burglary at nakita ang dalawang lalaki malapit sa isang pickup truck. 


Ayon sa isang opisyal, may hawak umanong kutsilyo si Dominguez kaya binunot ng pulis ang kanyang baril at inutusang ibaba ito.


Nang arestuhin, nanlaban umano si Dominguez habang pinoposasan. 

Habang nasa kustodiya, nagbanta rin umano siyang hahanapin at papatayin ang mga pulis kapag nakalaya siya. 


At nang ililipat siya ng mga awtoridad, inasinta umano niya ang dibdib ng isang opisyal gamit ang kanyang ulo.


Dinala ang dalawa sa Doral Police para sa imbestigasyon sa naunang pamamaril. Nanatiling tahimik si Dominguez, habang sinabi naman ni Gomez-Quintero sa mga imbestigador ang umano’y naging papel nila sa mga insidente.


Ayon kay Gomez-Quintero, si Dominguez umano ang nagmungkahi ng “car hopping,” o pagpasok sa mga sasakyang hindi nakakandado. 

Sinabi rin niyang sumunod siya dahil natatakot siya kay Dominguez, bagama’t iginiit niyang hindi umano siya kailanman pinagbantaan ng kanyang kasama.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page