top of page
FRANKLY - ANNOUNCEMENT SA PAGBUBUNTIS NI SARAH, INAABANGAN NA-IG _matteog.jpg
Search

ni Justine Berganio @Technology | August 8, 2026



Meta Logo

Photo: File



Inutusan ng isang hukom sa New Mexico, United States, ang Meta na magbayad ng karagdagang $567 milyon (P35B), dahil sa kabiguang maprotektahan ang mga bata mula sa panganib sa mga platform nito.


Ang bagong parusa ay bukod pa sa naunang $375 milyon (P23B) kaya umabot sa $942 milyon (P58B) ang kabuuang ipinataw laban sa kumpanya.


Nag-ugat ang kaso sa reklamong isinampa noong 2023 ng estado ng New Mexico, kung saan inakusahan ang Meta na inilalantad ang mga bata sa mapanganib at sexual content at pakikipag-ugnayan sa mga sexual predator.


Napag-alaman sa unang bahagi ng paglilitis na paulit-ulit na nilabag ng Meta ang New Mexico Unfair Practices Act, kabilang ang paggamit ng recommendation algorithms na nagdidirekta umano sa mga batang user sa mapanganib na content at contacts.


Bukod sa multa, inatasan ang Meta na lumikha ng pondong gagamitin para sa paggamot at pagtugon sa mga pinsalang dulot ng social media. $420 milyon (P25B) dito ang ilalaan sa clinical at behavioral health programs at iba pang serbisyo para sa mga naapektuhang bata.


Inatasan din ang kumpanya na higpitan ang proteksyon sa mga menor-de-edad, kabilang ang pagbabawal sa pakikipag-mensahe ng adults sa underage users, pagpapadala o pagtanggap ng hubad na larawan ng mga menor-de-edad at pagpapatupad ng one-strike policy laban sa adults na sangkot sa child sexual exploitation.


Kabilang pa sa mga utos ang pagtanggal ng like counts sa accounts ng mga wala pang 18 taong gulang, paghihigpit sa push notifications at paglilimita sa paggamit ng Instagram at Facebook sa 90 oras kada buwan, o humigit-kumulang tatlong oras bawat araw.


Nakatakda ring humarap ang Meta sa isa pang malaking paglilitis sa California, habang halos 30 estado sa US ang nagsampa ng mga kaso laban sa kumpanya kaugnay ng proteksyon sa mga bata at privacy.

 
 

ni Justine Berganio @Overseas News | August 8, 2026



Dating gobernador ng Guerrero na si Angel Aguirre  - Circulated

Photo: Dating gobernador ng Guerrero na si Angel Aguirre - Circulated



Inaresto ng mga awtoridad sa Mexico ang dating gobernador ng Guerrero na si Angel Aguirre matapos akusahan ng obstruction of justice at forced disappearance kaugnay ng pagkawala ng 43 estudyante noong 2014.


Ayon kay Attorney General Ernestina Godoy, lumabas sa bagong testimonya ng dalawang testigo, kabilang ang isang protected witness, na iniutos umano ni Aguirre ang pagsira sa mahahalagang ebidensiya na maaaring nakatulong upang matukoy ang kinaroroonan ng mga nawawalang estudyante.


Sinabi rin ni Godoy na unang iginiit ng mga opisyal ng estado na walang umiiral na CCTV footage ng mga estudyanteng bumiyahe sakay ng bus malapit sa mga tanggapan ng pamahalaan. Gayunman, isang testigo na matagal umanong nanahimik dahil sa banta sa kanyang buhay ang lumantad ngayong taon at nagbigay ng bagong impormasyon sa kaso.


Batay sa mga naunang international investigation, pinatay ang mga estudyante ng mga miyembro ng organized crime na nakipagsabwatan umano sa ilang pulis habang patungo ang mga ito sa isang protesta sa Mexico City.


Tatlo pa lamang sa 43 estudyante ang natukoy ang mga labi, habang patuloy na hinahanap ang iba.


Ayon naman sa Interdisciplinary Group of Independent Experts, matagal nang iniimbestigahan si Aguirre at pinatitibay ng mga bagong ebidensiya ang paniniwalang may pananagutan ang estado sa insidente. Kung hindi umano nawasak ang mga ebidensiya, mas maaga sanang natunton ang mga nawawalang estudyante.

Nauna nang itinanggi ni Aguirre ang anumang pagkakasangkot sa kaso.




Tinaniman ng bomba

MINIBUS SUMABOG, 2 TODAS, 14 SUGATAN 


PATAY ang dalawa katao habang 14 ang sugatan matapos sumabog ang isang minibus na nilagyan umano ng bomba sa bayan ng Jaramana, sa labas ng Damascus, Syria, nitong Huwebes ng gabi.


Batay sa paunang imbestigasyon, isang explosive device ang itinanim sa sasakyan na siyang naging sanhi ng pagsabog. Nakuhanan din ng video ang wasak na minibus na hinila palayo mula sa pinangyarihan ng insidente.


Isang residente na may tindahan malapit sa lugar ang nagsabing malakas ang pagsabog at tumama pa ang shrapnel sa harapan ng kanyang establisimyento..


Samantala, isinugod sa Mujtahid Hospital ang ilan sa mga nasugatan, kabilang ang driver ng minibus. Naganap umano ang pagsabog sa isang makitid na kalsadang puno ng mga tindahan at street vendors kaya marami ang nadamay.


Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad upang matukoy ang nasa likod ng pambobomba.


 
 

ni Justine Berganio @Overseas News | August 4, 2026



Mutiara Sentosa 2 ferry nasunog sa Madura, Indonesia

Photo: Makikita sa larawan ang pampasaherong barko na Mutiara Sentosa 2 habang nasusunog sa karagatan malapit sa Madura, Indonesia [Handout na video na inilabas noong Agosto 2, 2026 ng National Search and Rescue Agency ng Indonesia (Basarnas) / AFP



Patay ang lima katao habang 41 pa ang nawawala matapos masunog ang Mutiara Sentosa 2 ferry na may lulang 271 katao sa karagatan malapit sa Madura Island, Indonesia nitong Linggo.


Ayon sa Indonesia’s National Search and Rescue Agency (Basarnas), bumiyahe ang ferry mula Surabaya, East Java patungong Makassar, South Sulawesi sakay ang 232 pasahero at 39 crew members nang sumiklab ang sunog alas-6 hanggang alas-7 ng umaga sa karagatan ng Sumenep Regency.


Iniulat ng ferry operator ang insidente makalipas ang halos isang oras matapos makatanggap ng mensahe mula sa kapitan na nasusunog ang barko. Kalaunan ay tuluyang naputol ang komunikasyon sa sasakyang-pandagat.


Sa isinagawang rescue operation, agad na tumulong ang mga dumaraang barko at isang tugboat sa paglikas ng mga pasahero. Marami sa mga sakay ang nakitang nakasuot ng life jacket habang ang ilan ay napilitang tumalon sa dagat upang makaligtas sa lumalakas na apoy at makapal na usok.


Pagsapit ng hapon, 225 katao na ang nailigtas habang limang bangkay ang narekober. Patuloy namang hinahanap ng mga rescuer ang 41 pang nawawalang pasahero at tripulante.


Nagpadala rin ng rescue vessel ang Basarnas at isang barkong pandigma ng Indonesian Navy upang tumulong sa operasyon, bagama’t nahirapan ang ilang rescue team dahil sa malalaking alon at masungit na panahon.


Patuloy pang iniimbestigahan ng mga awtoridad ang sanhi ng sunog sa ferry na karaniwang bumibiyahe sa rutang Surabaya-Makassar.





Suspek, nagpakamatay din...

33-ANYOS NANAKSAK SA LOOB NG PABRIKA, 3 DEDBOL


PATAY ang tatlong manggagawa matapos silang pagsasaksakin ng isang 33-anyos na lalaki sa loob ng isang pabrika sa Sao Bernardo do Campo, sa Greater São Paulo, Brazil nitong Sabado.


Ayon sa pulisya, pumasok ang suspek sa pabrika at inatake ang tatlong biktima na edad 39, 44 at 54, na pawang nasawi dahil sa tinamong mga saksak.


Naaresto ang suspek at dinala sa himpilan ng pulisya, ngunit doon ay nagpakamatay habang nasa kustodiya. Hindi na nagbigay ng karagdagang detalye ang mga awtoridad hinggil sa insidente.


Batay sa ulat ng lokal na media, forklift operator ang suspek at nagtungo sa pabrika kahit araw niya ng pahinga upang targetin umano ang dalawang tao. Ang ikatlong biktima naman ay napatay matapos umanong tangkaing pigilan ang pag-atake.


Kinumpirma ng Bombril, isa sa mga kilalang kumpanya ng household cleaning products sa Brazil, na sa kanilang pabrika naganap ang insidente. Ayon sa kumpanya, kapwa contractors ang suspek at mga biktima.


Patuloy pang iniimbestigahan ng mga awtoridad ang motibo ng pamamaslang.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page