top of page
FRANKLY - ANNOUNCEMENT SA PAGBUBUNTIS NI SARAH, INAABANGAN NA-IG _matteog.jpg
Search

ni Justine Berganio @Overseas News | August 10, 2026



Habambuhay kulong... Filipino intern, guilty sa pagpatay sa 2 Cambodian roommates

Photo: File



Habambuhay na pagkakakulong ang sentensiya sa isang Filipino technical intern sa Japan matapos mapatunayang pumatay sa dalawang Cambodian technical intern na kasama niya sa apartment sa Chiba noong 2022.


Ipinataw ng Chiba District Court kay Bulan Roel Bulan, 35, ang parusang life imprisonment, alinsunod sa hiling ng mga prosecutor, dahil sa pagpatay kina Mong Samet, 25, at Chhat Chhit, 20.


Ayon sa hatol, alas-1:30 ng madaling-araw noong Mayo 26, 2022, sinaksak ni Bulan sa dibdib gamit ang kitchen knife ang dalawang biktima sa kanilang apartment sa Tomisato, Chiba Prefecture.


Sinabi ni Presiding Judge Satoshi Miyamoto na nakaranas si Bulan ng matinding stress at mababang tingin sa sarili dahil sa bigong employment plans at pagkakaiba ng sahod nila ng mga Cambodian intern.


Gayunman, iginiit ng korte na hindi sapat ang mga ito upang bigyang-katwiran ang krimen. Ayon sa hukom, mabait umano ang mga biktima kay Bulan at wala silang ginawang masama laban sa kanya.


Binanggit din ng korte na sinubukan ni Bulan na saktan ang sarili matapos ang pagpatay. Inilarawan ng hukom ang krimen bilang brutal, one-sided at lubhang mapanganib, habang itinuring na makasarili ang pagpatay sa mga biktima upang maisama sila sa kanyang tangkang pagpapakamatay.


Iginiit naman ng depensa na dapat siyang mapawalang-sala dahil umano sa schizophrenia na nagsimula bago o noong pagdating niya sa Japan, dahilan upang hindi siya maituturing na responsable sa kanyang ginawa.


Hindi ito pinaboran ng korte at napag-alamang nauunawaan ni Bulan ang kanyang paligid noong naganap ang krimen kaya nananatili siyang ganap na criminally responsible sa kanyang ginawa.

 
 

ni Justine Berganio @Overseas News | August 9, 2026



Nurshazwen Mohd Idris, 19 - Bernama pic Circulated

Photo: Bernama pic / Circulated



Kinasuhan sa Magistrate’s Court ang isang 19-anyos na college student dahil sa umano’y pagpatay sa kanyang bagong silang na sanggol sa isang bahay noong Hulyo 29.

Kinilala ang akusado na si Nurshazwen Mohd Idris, 19, na tumango matapos basahin sa kanya ang kasong murder sa harap ni Magistrate Nurasidah A. Rahman.


Walang plea na naitala dahil ang kasong murder ay nasa hurisdiksyon ng High Court.

Ayon sa charge sheet, inakusahan si Nurshazwen ng pagpatay sa sanggol na kanyang isinilang sa isang bahay sa Jalan Setia Mutiara 2/6, Taman Setia Mutiara, alas-10 ng umaga noong Hulyo 29.


Isinampa ang kaso sa ilalim ng Section 302 ng Penal Code, na may kaparusahang kamatayan o pagkakakulong ng 30 hanggang 40 taon at whipping kung hindi ipapataw ang death penalty.


Hindi pinagkalooban ng piyansa ang akusado. Itinakda sa Oktubre 8 ang susunod na pagdinig habang hinihintay ang chemical, psychological at post-mortem reports.

Bago nito, inaresto ng pulisya ang isang magkasintahan na kapwa 19-anyos at college students kaugnay ng imbestigasyon sa pagkamatay ng sanggol na natagpuang may ilang saksak sa toilet bowl ng isang inuupahang bahay.


Sa pagsusuri sa ospital, natuklasang nagsilang ang estudyante ng isang sanggol na babae habang may isa pang kambal na sanggol na nananatili sa kanyang sinapupunan.

Noong Huwebes, pinalaya ng pulisya ang nobyo ng estudyante upang magsilbing saksi para sa prosekusyon.


 
 

ni Justine Berganio @Overseas News | August 9, 2026



Thailand shooting - Circulated

Photo: Thailand shooting - Circulated



Pitong katao ang nasawi, kabilang ang lolo at lola ng isang 14-anyos na binatilyo, matapos ang serye ng pamamaril sa Thailand noong Biyernes.


Bandang alas-5 ng madaling-araw, pinagbabaril umano ng binatilyo ang kanyang lolo at lola sa kanilang bahay sa Bang Bua Thong, sa labas ng Bangkok. Kapwa tinamaan ng tig-isang bala sa ulo ang matatanda.


Matapos nito, sumakay ang binatilyo sa school van habang dala ang baril at dose-dosenang bala.


Pagsapit ng alas-9:50 ng umaga, muling nagpaputok ang binatilyo sa Debsirin Nonthaburi School, kung saan siya nag-aaral. Limang katao ang napatay at higit 30 ang nasugatan sa insidente.


Kabilang sa mga nasawi ang tatlong guro, kabilang ang isang babaeng guro, at dalawang opisyal ng paaralan.


Matapos ang pamamaril, nagtago ang binatilyo sa ikaapat na palapag ng isang gusali sa paaralan. Natagpuan siya roon ng mga pulis na nagtamo rin ng tama ng bala matapos niyang barilin ang sarili.


Dinala pa siya sa ospital ngunit hindi na nakaligtas.

Hindi pa malinaw ang motibo sa pamamaril. Batay sa imbestigasyon, posibleng may kaugnayan ito sa stress sa pag-aaral. Napag-alaman ding mahilig ang binatilyo sa shooting games at dumadalo sa mga tutoring class tuwing weekend.


Sa kabuuan, hindi bababa sa 26 na bala ang nagamit sa pamamaril habang 34 pang bala ang nakuha mula sa kanya.


Muling umigting ang panawagan para sa mas mahigpit na regulasyon sa mga baril sa Thailand matapos ang insidente.





RIOT NG MGA PRESO, 3 DEDBOL, 23 PA SUGATAN


PATAY ang tatlong preso habang 23 iba pa ang sugatan sa magkahiwalay na riot sa dalawang bilangguan sa Sri Lanka nitong Huwebes ng gabi, kasunod ng patuloy na kaguluhan sa mga kulungan na matagal nang dumaranas ng matinding overcrowding.


Isang preso ang nasawi at 10 ang sugatan sa riot sa New Magazine Prison sa Colombo, habang dalawa ang namatay at 14 ang nasugatan sa Kuruwita Prison, na nasa may 80 kilometro mula sa kabisera, ayon kay Public Security Minister Ananda Wijepala.


Napigil ng pulisya at special forces ang dalawang kaguluhan, habang nagkaroon din ng protesta sa open prison sa Negombo. Gumamit ang mga pulis ng tear gas upang maawat ang mga inmate, habang pinalakas ang deployment ng police at riot squads sa tatlong kulungan.


Ibinaba rin sa kanilang mga selda ang mga preso na umakyat sa bubong o lumipat sa open areas matapos makontrol ang sitwasyon.


Umaabot sa mahigit 41,000 preso ang nakakulong sa 22 bilangguan sa Sri Lanka na idinisenyo lamang para sa tinatayang 11,000 katao. Mahigit ¾ ng mga inmate ay mga remand prisoner na naghihintay ng paglilitis, marami sa kanila ay nahaharap sa kasong may kaugnayan sa ilegal na droga.


Sinabi ni Wijepala na wala nang agarang banta sa seguridad ngunit hindi niya inaalis ang posibilidad na planado ang magkakasunod na insidente. Aniya, kailangan muna ng masusing imbestigasyon bago matukoy ang tunay na dahilan ng mga riot.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page