- BULGAR
- Aug 11, 2020
ni Nympha Miano-Ang - @Life and Style | August 11, 2020

Ang mga kalamidad, bagyo at malakas na pag-ulan ay mga pangunahing dahilan ng mga malawakang pagbaha. Ang pagbaha ay nakasisira ng mga ari-arian, paglubog ng mga tahanan at iba pang establisimyento maging ang pagsasara ng maraming lugar dahil sa paglubog sa baha.
Magkaroon man ng seryosong management plan ang pamahalaan para maiwasan ang pagbaha, hindi pa rin maiwasan na maraming lugar at mga residente ang tahasang apektado ng pagtaas ng tubig o malubog ang lugar na daraanan ng malakas na ulan o bagyo.
Ang makarekober sa ganitong kalamidad ay napakahirap,aabot pa ng ilang araw o linggo.
Tulad na lang kamakailan ng pag-agos ng isang ilog sa Kamuning, Quezon City kung saan ay tinangay ng malakas na pagtaas ng tubig ang ilang tahanan sa gilid ng creek at ikinasawi ng isang lolo. Maging sa iba pang bahagi ng Mindanao, ay maraming napinsala sa biglaang pagbaha dulot ng walang tigil na pag-ulan. Sa panahong ganito, paano malalampasan ang problemang hatid ng mga unos na nagpapalubog sa maraming lugar?
DITO NA PAPASOK ANG TULONG NG CALAMITY LOAN SA SSS O PAG-IBIG. Kung miyembro ka,kumuha ng mga ebidensiya ng damage sa lugar o kung wala nito ay kumpletuhin na lamang ang mga impormasyon, address ng kinaroroonan upang mai-file ito sa naturang ahensiya ng gobyerno.
2. Kung naka-insured ang tahanan, sasakyan o iba pang kagamitan ay maaring ireport ito sa inyong insurance company upang mabigyan ng kaukulang tulong, ayon sa iyong kaso.
KAPAG HUMUPA ANG BAHA, PAANO AAYUSIN ANG TAHANAN.
1. Gumamit ng gloves at bota kung lilinisin ang buong bahay o establisimyento. Gumamit ng cleaning solution tulad ng isang tasa ng bleach na ihahalo sa limang galon na tubig bilang pangkuskos sa sahig ng bahay at sa pader.
Ito rin ang gagamiting panlinis sa mga nakontaminang kagamitan tulad ng mga lalagyan ng inumin, plato, baso, kutsara at mga gamit sa kusina.
2. Hindi na rin magandang gamitin ang mga kagamitang nababad sa tubig baha mula sa nakaraang 48 oras dahil tutubuan na ito ng amag.
3. Kailangang magkaroon ng sirkulasyon ng hangin sa buong bahay. Gumamit ng electric fan para patuyuin ang iba pang lugar sa bahay na lubhang nilubog ng baha. Buksan ang mga bintana at pintuan upang maglabas-masok ang hangin.
4. Patuyuin agad ang mga mahahalagang papeles. Isampay ang mga aklat at iba pang importanteng papel. Gumamit ng gloves kung mag-aalis ng mga nanikit na putik o dumi sa mga libro. Makatutulong din ang electric fan para matuyo agad ang mga aklat. Itapon na ang mga papeles na hindi na gagamitin pa at wala nang silbi.
5. Hugasang mabuti ang mga kamay ng sabon at tubig matapos ang proseso ng paglilinis. Kung walang tubig sa gripo, magpakulo ng tubig ng isang minuto palamigin muna ang tubig gamiting panghugas ng mga kamay.
6. Hindi mo magagawang mag-isa na magkumpuni ng buong tahanan, tiyak na mangangailangan ka ng karpintero para sa bagong mga kukumpunihin.






