top of page
Search

ni Nympha Miano-Ang - @Life and Style | December 14, 2020




Inaprubahan na ang isang covid vaccine na dinebelop ng Pfizer/BioNtech para magamit na sa United Kingdom at ilang mga pasyente na ang naturukan sa nagdaang ilang linggo.


Sa tanong ni Health and science correspondent James Gallagher sa BBC, anong mayroon ang bakuna na ito na wala sa iba pang bakuna na dinedebelop sa ngayon? Marami pa rin ang delikado sa coronavirus. Sa higpit ng mga sitwasyon natin ngayon, ito pa lamang ang tanging solusyon upang hindi ma-infect ang maraming tao.


Ang bakuna ang mag-uutos sa ating katawan na labanan ang impeksiyon at hindi makakuha ng coronavirus o kahit paano ay hindi magiging delikado sa kalusugan ang Covid kapag may vaccine na sa katawan. Ang kainaman ng bakuna, bukod sa iba pang gamot ay makaiwas na sa impeksiyon ang tao.


1. Ayon sa Pfizer/BioNtech, ang bakuna na nagkaroon ng breakthrough sa unang mga resulta noong Nobyembre ay nagpakitang 95% na epektibo. May 40 milyong doses pa ang kailangan ng U.K. Dalawang doses ang gagamitin sa kada tatlong linggo. May halos 43,000 na roon ang binakunahan.


Ang vaccine ay dapat inilalagak sa lamig na -70C. Ibibiyahe sa isang espesyal na kahon, babalutan ng dry ice at iinstalahan ng GPS trackers.


Noong Disyembre 2, ang U.K ang kauna-unahang bansa sa mundo na inaprubahan ang Pfizer/BioNTech coronavirus vaccine na maari nang maiturok sa lahat.


Noong Dis. 8, ang 90-anyos na si Margaret Keenan ang unang pasyente na binakuhan sa University Hospital sa Conventry, kung saan 800,000 iba pa ang inaasahang nabakunahan nitong pagpasok na Linggo.


Taglay ng vaccine ang RNA, ginagamit mula sa pinulbos na genetic code ng virus. Isa itong uri ng virus sa loob ng katawan na sisimulang kilalanin ng immune system bilang 'dayuhan' at magsisimulang umatake. Unang hindi aprubado ang RNA vaccine para sa tao noon, pero marami nang nakasubok nito sa mga clinical trials para sa iba't ibang sakit.


2. Sa trials naman ng Oxford University/AstraZeneca vaccine, pinahihinto nito ng 70% ang pagdevelop sa katawan ng tao ng mga sintomas ng Covid. Ipinakita sa data ang malakas na immune response ng matatanda. Isang nakaiintriga ring data na kapag perpekto ang dose ay nadaragdagan ang proteksyon sa tao ng 90%. Bumili na ang U.K ng 100 milyong doses. Tuturukan ang tao ng tig-2 doses. Nagpapatuloy sa ngayon ang trials sa may higit 20,000 volunteers.


Ito ang pinakamadaling bakuna na maibebenta dahil hindi kailangang ilagak sa sobrang lamig na temperatura. Gawa ito sa pinahinang bersiyon ng karaniwang 'cold virus' mula sa chimpanzees na hindi nakaaapekto sa tao.


3. Ang Moderna vaccine naman ay gumamit ng parehong approach ng Pfizer. Protektado nito ang 98.5 % ng tao, ayon sa kumpanya. May 5 milyong doses na bibigyan ang U.K. Dalawang doses ang kailangan sa kada isang buwan ang pagitan. May 30,000 katao ang sumailalim sa trials. Mas madaling ibiyahe dahil puwede sa -20C na lamig at mailalagak sa loob ng 6 na buwan.


4. Ang iba pang vaccines na dinedebelop na inaasahan ngayong Linggo ay ang Data ng Russian Sputnik V Vaccine, na epektibo ng 92%. Nag-recruit ang Janssen para sa trials ng 6,000 katao sa U.K. na bubuo sa 30,000 volunteers na naturukan sa sa buong mundo upang masuri ang lakas at pangmatagalang immunity.


Ang Wuhan Institute of Biological Products and Sinopharm sa China, at ang Gamaleya Research Institute ay nasa final testing na.


5. Gayunman, ang trial sa Brazil para sa vaccine na galing sa Sinovac ng China ay sinuspinde dahil sa "severe adverse incident" - na pinaniniwalaang may nasawing ilang volunteers.


Ang pinakamahalaga, kailangang maunawaan natin kung anong paraan ang nagbibigay ng pinakamagandang resulta. Ang mga challenge trials ay makatutulong. Ang mga tanong na anong gamot ang makagagamot kontra coronavirus? Sino ang dapat unahing mabakunahan at kailan tayo mababakunahan?


Depende iyan kung saan mataas ang kaso ng Covid ay doon uunahin ang bakuna at kung anong vaccine ang talagang mas epektibo.


Ang mga pinakamatatandang residente at mga manggagawa ang top priority ng U.K. kasunod ng health workers tulad ng mga nasa ospital at higit sa edad 80. Sila kasi ang vulnerable sa Covid.


Ano ang ating inaasahan? Una, dapat makita sa trials na ligtas ang tao. Pangmalawakang pagkaepektibo ng bakuna ang dapat para sa bilyun-bilyong mangangailangan.


Dapat munang aprubahan ng mga regulatory boards ng mga bansa ang bakuna bago iturok sa tao at kailangan pa rin ng researchers na alamin kung gaano katagal ito magbibigay ng proteksiyon sa katawan ng tao.

 
 

ni Nympha Miano-Ang - @Life and Style | December 13, 2020




Akala mo ba na kapag kumamot sa kanyang batok ang iyong kausap ay ang tanging kahulugan nito sa iyo ay nagdadahilan siya? Pero isa lang iyan sa isang dosenang ibig sabihin sa kilos ng kanyang mukha at katawan.


Makapagbibigay-linaw pa ang ilang mga body language experts at pulisya tulad ng CIA at FBI agents kung paanong ang ilang tao na nilang nakakaharap, sa cross examination man ng mga taong pinaghihinalaan o mga iniimbestigahan pa lamang ay may malaking bagay na itong sasabihin hinggil sa kanilang niloloob.


Heto at ilalantad natin ang sikreto ng mga ekspertong awtoridad kung paano nila binabasa ang iniisip ng kanilang kaharap, kung guilty o hindi, hala, diskubrehin natin.

Narito ang mga kahulugan kung…


1. PATINGIN-TINGIN ANG KAUSAP MO SA KANANG ITAAS NA BAHAGI NG KISAME. Siya ang taong nagkukuwento. “Kapag ang isang tao ay nagkukuwento, ang kanilang mga mata ay awtomatikong papaling sa kanang bahagi ng kisame, ito’y upang lumikot ang bahagi riyan ng utak na responsable para sa lengguwahe at lohika,” paliwanag ni hypnotherapist Jim George ng The GoalMine.com. Pero hindi naman ibig sabihin niyan ay nagsisinungaling na siya; anumang bagay na kailangan ng ekstrang lakas ng isipan, tulad ng pag-imadyin mo sa isang larawan na hindi mo pa nakikita kahit kailan, mapapansin mong pumapaling pakanang itaas ang iyong itim na mga mata.


2. NANLALAKI ANG MGA MATA. Naku, attracted siya sa iyo. Napapansin mo ba na biglang nanlalaki ang kanyang mga mata sa sandaling masalubong o makita ka niya? Ang totoo kasi niyan, interesado siya sa iyo! “Dalawang masel sa itaas at ibabang bahagi ng pilikmata ang tinatawag na tarsals, ang humihila sa pilikmata pataas kapag ang isang tao ay emotionally attracted o excited,” ani Givens at dahil “ang mga masel ay kontrolado ng sympathetic nervous system, ang facial expression na iyan ay hindi puwedeng itanggi o ipeke.


3. KINAKAMOT ANG TUNGKI NG KANYANG ILONG AT TENGA. Hala, ninenerbiyos siya. “Sa sandaling ang isang tao ay nasukol at tumaas ang kanilang nervous system, nagmamadali ang dugo na umakyat sa ating mukha, kaya naman ang ating tenga at ilong ay nangangati,” ani body language expert Raymond C. McGraime.


4. NAKALAPAT ANG MGA LABI AT GUMUGUHIT ANG HABA HANGGANG PISNGI. Malungkot siya. “Kapag ang isang tao ay may galit o nalulungkot, pinagsasalikop niya ang mga labi at gumuguhit ng diretso ang pagkasimangot hanggang pisngi,” ani David Givens, Ph.D., director ng Center for Nonverbal Studies sa Spokane. “Ang labi ay umuugnay sa mga ugat hanggang sa sentro ng brain emotion, kaya diyan nakikita ang unang senyales ng pisikal na negatibong damdamin ng isang tao.”


5. NAKATINGIN SA KALIWANG BAHAGI NG KISAME: Nagsasabi siya ng katotohanan. Ipinakita sa isang brain scan na agad napapagawi ang pupil ng ating mga mata sa mataas na kaliwang bahagi kapag tayo ay may naalalang isang bahagi na talagang nangyayari. “Ang kilos na ito ng mga mata ay nakatutulong para marating ang parte ng utak na responsable para sa biswal na alaala,” ani George. “Kaya kapag nakita mo siya na nakatingin sa kaliwang itaas na bahagi, totoong may ginugunita siya sa isang event sa kanilang isipan, kaya alam mong may inaalala siya.


6. KURAP NANG KURAP ANG MGA MATA. Nagsisinungaling siya. Karaniwan sa tao ay kumukurap ng 20 beses kada minuto, pero kumukurap tayo ng higit sa 30% kapag nagsasabi tayo ng kasinungalingan at iyan naman ay napakadaling mapansin.

 
 

ni Nympha Miano-Ang - @Life and Style | December 12, 2020




Ang pagpapalaki sa anak na babae ay nakatutuwa, isang bagay na maraming sorpresa at potensiyal. Ang iyong anak na babae ang pinaka-sweet at maraming gustong malaman. Para bang nagiging bata uli ang puso at damdamin ng magulang kapag kasama niya ang kanyang anak na babae. Laging may excitement sa loob ng tahanan. Lubhang napakahalaga sa iyo na manatiling maiingatan siya, mahalin, turuan at maging masaya ang inyong pagsasama. Heto ang ilang ideya ngayong panahon ng pandemya na hindi ka na gaanong naglalabas ng bahay, dahil karaniwang work-from-home ka muna.


1. Bigyan ang anak na isang regalo na makapagpapangiti sa kanya matapos niyang ma-badtrip ng isang araw.


2. Maglagay ng reading lamp sa tabi ng kanyang kama at bilhan siya ng aklat. Hayaang makapakinig siya ng iyong mga kuwento bago siya unti-unting makakatulog.


3. Sabay na maglakad at ituro ang lahat ng mga magagandang bagay na hahangaan ng iyong mga mata. Maligo sa swimming pool o kaya ay maligo sa ulanan nang sabay.


4. Turuan siya na manahi ng blusa o palda, magluto ng kanyang paboritong pagkain, mag-bake, paggamit ng martilyo, magbisikleta at magpalit ng gulong. Bigyan siya ng allowance at turuan siya kung paano maging masinop sa pera. Hayaang siya rin ang magturo sa iyo minsan.


5. Sabihin sa kanya kung gaano siya kaganda, at kung ano ang kanyang hitsura kapag nakatingin kayo pareho sa salamin.


6. Isama rin siya sa flower show at bilhan ng isang malaking bungkos ng bulaklak. Bumili ng isang bungkos ng sunflower at itanim ninyo nang sabay sa hardin.


7. Bilhan siya ng magandang bathing suit, isang klase na babagay sa katawan niya, at isama siya sa swimming.


8. Sabihin sa kanya, "Dream Big." Sabihin sa kanya na, "Magagawa mo iyan, kaya mo iyan.” Sabihan din siya na “Naniniwala ako sa iyo.”


9. Kung nararapat, bigyan siya ng panaka-nakang payo. Hikayatin siya na rumespeto sa ibang tao lalo na sa kanyang ka-opposite. Maging isang mabuting modelo na may respeto sa sarili.


10. Ngumiti pagkapasok niya sa silid. Tumawa sa kanyang mga jokes. Maging likas na mabait sa anak na babae.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page