top of page
Search

ni Nympha Miano-Ang - @Life and Style | April 18, 2021




Sabi nila maging ang gusto mo man ay laksa-laksang bulaklak ng rosas o kaya ay mga gulay ang nasa likod bahay mo, ang iyong paboritong hardin ang siyang magbibigay ng ideya kung sino ka. “Hindi lang ang tao kundi maging ang halaman ay napaka-emosyonal,” ani Richard Mattson, Ph.D., na espesyalista sa “garden therapy” ng Kansas State University.


“ Nagpupunta tayo o tumatambay sa ating halamanan o hardin para makapag-relaks, umani ng gulay, at pagandahin ang paligid…kaya naman ang hardin ay masasabing siyang gabay para makita ang iba’t ibang mukha ng iyong personalidad.”


Pagmasdan mo ang hardin na gustung-gusto mo at diskubrehin ang iyong ugali mula rito.


KAPAG TEMANG ASIAN GARDENS: Ito ang mga hardin na pangkaraniwang nakikita sa mga bansa sa Asya. Ikaw ay masasabing perceptive strategizer. Mula sa kahanga-hangang fountains hanggang sa mga kakaibang bato at matitingkad na kulay ng lanterns, bawat relaxing element na iyan na makikita sa isang Asian garden ay maihahalintulad sa Zen jigsaw puzzle at nagsasaad ng perpektong balanse. “Malakas ang iyong atraksyon sa maliliit na detalye ng bulaklak dahil balanse ang lahat ng iyong pananaw sa pag-aayos ng sarili,” ani Mattson. Bawat piraso kasi ng bato at maliliit na detalye ng hardin ay nagagawa mong makalikha ng maganda at kahanga-hangang estilo, kaya nasusuri mong mabuti ang mapa ng iyong kinabukasan.


KUNG HILIG MO ANG VEGETABLE GARDEN: Kapag ganito ang klase ng hardin mo sa bahay, ikaw ay isang energetic people-person. “Sa isinagawang pag-aaral, ipinakita na iyong mahilig na umani ng gulay o may sariling hardin ng mga gulay sa bahay ay nakakabata o may lakas na parang sa kabataan,” ani Mattson, na ipinaliwanag na ang mga gulay ay “socially interactive” crop. At dahil ang gulayan ay karaniwan talagang hinihingi ng kapitbahay, may atraksiyon ka bilang outgoing personality. Ito na rin ang nagsasabing may koneksiyon ka sa ibang tao, madali kang lapitan, friendly. Ang pagmamahal mo na rin sa mga gulay ay perpektong outlet na iyong masigla, energetic at hindi maramot na personalidad.


FLOWER O ROSE GARDENS: Sensitibo ika nga ang taong mahilig sa hardin ng mga bulaklak o rosas. At dahil ang rosas ay deeply emotional at higit na kinahuhumalingang bango at ganda dahil sa nostalgic significance nito, ikaw na rin ang taong mapagmahal, maalaga, ‘feeling’ sentro ng pamilya ika nga. Ikaw din ang taong goal-oriented. Mapagkompetensiya rin ang taong ito. Hindi kuntento na basta na lang na hangaan ang kagandahan na sa isang tingin lamang, determinado kang maperpekto ang isang bagay na sa tingin mo’y kailangan pang pagandahan. Sa hardin man o sa pinili mong career.


HERB GARDENS: Ikaw ay kompleksitong matalino. Kung mahilig ka sa paghahardin ng herbal, ikaw ay sobrang matalino. At dahil sa rami ng pakinabang ng mga halamang herbal, mula sa panggagamot hanggang sa paghahalo sa pagluluto, malawak ang iyong kaalaman base na rin sa pagkilala sa bawat isang herbal plant na iyong itinatanim. Maging gusto mo man ang stress-reducing lavender o ang basil na pampasarap sa pagluluto ng pasta, ang herb garden na rin ang magsasabi na taglay mo ang matitinding superpowers sa katawan na nangangailangan ng mahabaang tiyaga at pagsasaliksik upang mamaster mo ito. Kaya hindi kataka-takang tawagin kang intellectual superman o superwoman.


FORMAL GARDENS: Ikaw ay isang artistic leader. Ang makita pa lamang ang pagka-elegante ng eksaktong pagkaka-trim line ng iyong mga halaman, ang isang pormal na hardin ay kinokontrol, kaya naman nakikita rito ang iyong malakas at matapang na ugali. Hindi tulad ng Asian garden, kung saan iniisa-isa ng indibidwal ang pagsalansan ng mga bato o mga halaman para makalikha ng isang magandang hardin, bawat flowerbed o piraso ng halaman sa formal garden ay lilikhain niyang parang may hugis puso, pagpapantay-pantayin ang mga dahon, laki at taas ng halaman para lumikha ng isang arko sa daanan. Sa hardin na ito, makikita ang iyong sense of design at creativity.

 
 

ni Nympha Miano-Ang - @Life and Style | April 17, 2021



Isa sa pinakamalaking problema ng magulang na may matampuhing anak ay hindi niya alam kung paano niya aayusin ito para na rin mabago habang siya ay lumalaki.

Kung minsan dahil na rin sa pagiging overprotective ng magulang at pagbibigay ng gusto sa anak, ay namimihasa na siya rito.

1.Pagtulungan ninyong mag-asawa na magkaroon ng kapaligiran na may apat na elemento, istruktura at limitasyon, damdamin, pag-obserba sa sarili at panghihikayat. Ang apat na elemento na ito ay nakatutulong kapag sobrang sensitibo o matampuhin ang bata.


2. Magpakita ng simpatiya sa sensitibong bata dahil kailangan niya ng iyong suporta. Ang kanyang damdamin ay pinaghaharian ng pagkasensitibo at abilidad na tanggapin ang anumang dumarating na sitwasyon. Maipakita mo lang sa kanya ang iyong damdamin ay lalabas na kampante ang kanyang reaksiyon at nasa tama dahil hindi siya magpa-panic. Halimbawa, kapag tumatanggi ang bata na matulog sa gabi, sabhin sa kanya na, “Alam kong gusto mo pang maglaro, pero kami ay mga pagod na, kailangan na nating lahat na matulog para magising tayo na masaya at handa na muling harapin ang mga gagawin pati ang iyong pag-aaral sa module.”


3. Bukod diyan, bigyang istruktura at limitasyon ang kanyang pagka-agresibo at pagsusumpong. Okey lang na maramdaman niyang sumisimpatiya ka sa kanya, pero kapag naghigpit ka habang naiintindihan mo ang kanyang sumpong at ugali, kailangan pa rin niyang magkaroon ng tamang uugaliin.


Kapag sinusumpong pa rin siya imbes na matulog na, sabihan siya na, “Hindi puwede yan, matutulog ka na ngayon.”


Habang ang bata ay nagiging agresibo, dapat matatag ka sa iyong boses at ekspresyon ng mukha at mas seryoso ka.


4. Hikayatin ang bata na maging maingat at nasa kontrol. Kapag dama niya na parang marami ang naiinis sa kanya at nagagalit dahil sa kasalbahihan niya, sabihan siya na “ Ganyan din ako noong bata kung minsan pareho tayo nang nararamdaman, sweetie.” Oras na maipadama mo na nariyan ka lagi sa kanyang tabi, hikayatin siya na pigurahin kung paano niya iha-handle ang parehong sitwasyon sa hinaharap para mas matuto siyang ayusin ang sitwasyon hanggang sa kanyang paglaki.

 
 

ni Nympha Miano-Ang - @Life and Style | April 16, 2021




Kung responsibilidad man ng magulang na palakihin ka, habang teenager ka pa lang dapat, kahit paano ay marunong ka nang tumayo sa sariling mga paa, maging independent kumbaga sa iba pang aspeto. Okey, basahin ninyo guys ang artikulo na ito, para hindi ka masyadong umasa sa iyong magulang habang pinagbubuti mo ang relasyon sa kanila.

1. MAG-APLAY NG TRABAHO. Kung may edad ka na, o 18-anyos na, ang magkaroon ng trabaho ay isang mainam na paraan para madama mo ang kasiyahan sa mundong ito at magkaroon ka ng mahalagang karanasan na kailangan mo mula nang magtapos sa kolehiyo. Magsikap at magsipag ka sa trabaho at maging responsable, pero huwag ka masyadong magpapakapagod. Tandaan na ang pera ay hindi lang maghahatid ng kasiyahan, ito ang maghahatid sa iyo ng pinansiyal na seguridad.


2. MAG-IMPOK NG PERA. Mag-impok ng at least 50 porsiyento ng iyong tinatanggap na suweldo. Lalago ang iyong pera sa savings account at ligtas ito. Imbes na mawawalan ka ng pera, higit itong tutubo kung magbubukas ng savings account sa mapagkakatiwalaang bangko.


3. MAGTIPID. Huwag gagastahin ang iyong pera sa maliliit na bagay na hindi mahalaga sa iyo at hindi mo kailangan. Isa pa, huwag mo ring gagastahin ang iyong pera sa mga “pinakabago o anumang nauusong bagay” anuman ito. At dahil mabilis ang pagbabago ng teknolohiya, maraming umuusbong na bago, mahirap magsisi sa dakong huli. Maraming iba pang bagay na kailangan mo sa kinabukasan, gaya ng sasakyan, pera para pampaenrol sa kolehiyo, pera pampakasal, bagong unang bahay etc. Ang mga malalaking bagay na ito ay higit na mahalaga kaysa sa video games, alahas, magagandang damit, sapatos, bisikleta o skateboards. Ang mga malalaking bagay ay mas mahalaga para sa iyong kinabukasan. Kailangan mo na ngayon na magsimula na mag-impok. Pinakamahalaga ngayong pandemya ang may ilalaan ka para sa anumang pangangailangang medikal.


4. MAG-BOLUNTARYO. Mag-alok ng tulong sa ilang araw o linggo/buwan nang walang kapalit na bagay. Magboluntaryo sa mga charitable institutions etc, magbantay sa mga lockdown checkpoints o magbantay sa bahay ng kapitbahay na iiwan nila ng ilang araw, mag-security officer sa inyong barangay. Habang wala kang natatanggap na bayad, may sapat kang karanasan, matuto kang magtrabaho sa iyong sarili, magkaroon ng karanasan sa labas ng iyong bahay at magkaroon ng dagdag na impormasyon mula sa iyong resume. Ang pagboluntaryo ng trabaho na nakasaad sa resume ay mainam dahil ipinakikita nito na aktibo ka sa iyong komunidad.


5. MAGLUTO NG HAPUNAN. Kung minsan ay tumulong ka sa iyong magulang, ikaw na ang magluto ng hapunan, maski isang beses sa isang linggo. Iwasang kumain ng fast food. Kapag magluluto ka, matuto ka kung paano ito gawin habang ikaw ay nagiging expert na, para pagtanda mo, wala man sa tabi mo ang nanay mo, maging handa ka sa buhay mo. Isipin kung paano mo mapagluluto ang buong pamilya lalo na kung gutum na gutom sila at paborito nila ang iyong lulutuin. Mag-eksperimento na rin ng iba’t ibang resipe at kung mahihirapan ka, subukan uli. At least malalaman mo sa susunod kung ano na ang dapat mong gawin.


6. TUMULONG SA GAWAING BAHAY. Kung may sarili kang kuwarto, kailangan mong matutunan na maglinis nito. Gawin na lahat ng gagawin na maglinis at pag-aayos ng sarili mong kuwarto habang nagkakaedad ka.


7. HUWAG KA NANG MAGPABILI NANG MAGPABILI NG KUNG ANU-ANO SA IYONG MAGULANG. Puwede kang bilhan ng magulang mo ng damit, sapatos, pagkain etc. Gayunman, hindi na nila obligasyon kung gusto mo pa ng Ipods, computer o bagong cellphone. Bilhin na ang mga ito buhat sa sarili mong pera, kung talagang kailangang-kailangan ito.


8. ALAGAAN ANG NAKABABATANG KAPATID. Pagdating ng araw, mag-aalaga ka rin ng sariling mga anak.


9. TANDAAN na gusto ka pa rin nilang makita, makapiling at alagaan, mahalin ng iyong mga magulang. Habang teenager ka, nasa poder ka pa rin nila bilang anak. Huwag mo silang babalewalain, tulungan mo sila sa lahat ng bagay.


10. Ang paglayas mula sa inyong tahanan ay hindi nagpapakita ng iyong responsibilidad at tiyak na sa kalye ka titira at magpapalaboy-laboy. 11.Tandaan bata ka pa, kaya sikaping maging masaya habang bata pa, dahil pagtanda mo hindi mo na magagawa ang lahat ng magagawa ng isang bagay. Mag-enjoy ka sa iyong kabataan at mangarap.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page