top of page
Search

ni Nympha Miano-Ang - @Life and Style | May 05, 2021


Sa mundong ito na pinatatakbo ng teknolohiya, ang kahulugan ng pasensiya ay malabo.


Ang aklat ng "The Elements of Teaching" ay may isang kahulugan, isinasalarawan ang pasensiya bilang elemento, hindi tulad ng pagkatuto o imahinasyon, kailangang pagpasensiyahan kaysa ang mapagbuntunan.


Kapag duda sa naturang kahulugan o dismayado dahil sa kakulangan ng progreso o pagbabago sa mag-aaral, nagbanggit ang aklat ng isang pamosong ehemplo na magbibigay inspirasyon at lakas maging ng determinasyon para magpatuloy.


Ipinakita na ang pagpapasensiya ay likas na nagmumula sa matagalang devotion.


1. Unawain ang mag-aaral. Ayon sa isang recognized educational consultant, na kailangan ng guro na maging mapagpasensiya at ipakita ito sa mga estudyante. Kailangan niyang unawain ang mga ito.Napakahalaga, na ang pasensiya kapag walang unawa ay hindi na matatawag pang pasensiya, kundi parang walang laman na uri ng paghihintay.


2. Ituring na magkakaiba ang mag-aaral. Ito ang makatutulong sa’yo para maunawaan ang bawat isa at maging kontribusyon sa ugaling pagpapasensiya. Sinabi ng isang special education teacher na tumutugon sa mga batang may problema, bahagi ng trabaho ay ang pagbabasa ng moods.


3. Mag-adjust ayon sa bawat kailangan ng mag-aaral. Ang isang pasaway na mag-aaral ay hindi dapat na pagalitan at pilitin na kumpletuhin ang kanyang gawain, assignment o trabaho. Okey lang naman kung magagawa niya ito sa susunod na araw. Sa sandaling magsungit o magwala ang bata ay hindi naman ito dapat na damdamin ng guro at maging tendensiya para magsungit ang guro at magalit ito. Gamitin ang lahat ng nalalaman para mapaayos ang sitwasyon.


4. Maghanda na mabuti.Sa pag-unawa sa bawat mag-aaral, ihanda ang iyong ituturo para sa bawat isipan ng mga bata. Ang paghahanda na ito ang tutugon para sa tunay na kailangan ng mga mag-aaral at maiwasan na isipin pa kung bakit ka nadidismaya, ang kabaligtaran ng pasensiya.


5. Maging positibo. Habang kaya mong kilalanin ang magandang kalidad ng bawat mag-aaral, malaman ang kanyang lakas, kahinaan ang siyang makatutulong para humaba pa ang pasensiya mo. Ito ay espesyal na mahalaga kapag itinutuwid mo na ang mag-aaral. Sa paglalagay ng positibong mga salita na magtutuwid ay higit na handang matanggap ng mag-aaral ang lahat ng kanyang kamalian at mahihikayat ang sarili tungo sa kanyang pag-unlad at pagbabago.


6. Maging maingat na hindi ikalito ang salitang pasensiya sa pagiging dedma. Sa aklat ng “The Art of Teaching” binanggit na kung minsan ang pasensiya ay dapat tapusin upang ang guro ay magkaroon ng pagbabago, hindi sa mag-aaral, para muli sa kanyang sarili at sa kanyang approach.

 
 

ni Nympha Miano-Ang - @Life and Style | May 02, 2021


Peligroso ang ma-heat stroke lalo na ngayong papatindi nang papatindi ang sikat ng araw ng summer month. Kung hindi maiwasan ang paglabas-labas ng bahay sa gitna ng mainit na panahon, kailangan mong manatiling hydrated at iwasan ang sobrang pagpapagod at paghahantad sa init ng araw at alinsangan.


Kung lalabas ng bahay, uminom ng maraming tubig at laging kumober sa mga hindi naaarawang lugar. Dapat mo ring iwasan ang mga likido na lalong magpapataas ng iyong temperatura tulad ng kape at alak.

1. Limitahan ang pagbababad sa mainit na paligid sa labas, at kung lalabas ay sa madaling araw na lamang o maagang-maaga pa at sa dakong paglubog na ng araw. Mas malamig na kahit paano ang temperatura at ito na ang mainam na oras para makapag-ehersisyo at iba pang gawain sa labas ng bahay tulad ng paghahardin.

2. UGALIIN ANG PAG-INOM NG MARAMING TUBIG. Iwasan ang heat stroke sa pag-inom ng tubig kahit na hindi ka nauuhaw. Kailangan mong ihanda ang iyong sarili laban sa init, huwag nang hintayin na mauhaw, basta ang mahalaga lagi kang iinom ng maraming tubig sa panahon na ito. Kung nage-ehersisyo ka, dalawa hanggang apat na baso ng tubig ang inumin kada isang oras. Higit kasing nababawasan ng salt at minerals ang ating katawan habang nagpapawis kaya mahalaga rin ang sports beverage na inumin. 3. IWASAN ANG MGA MATATAMIS NA INUMIN. Ang mga inumin na ito ang magpapabawas ng mas marami pang fluid sa iyong katawan. Bigyang atensiyon din ang temperatura ng iniinom tulad ng sobrang lamig na iniinom o kaya ay may buu-buo pang yelo ang inumin na magiging sanhi ng pagsakit ng tiyan.

4. MANATILI SA LOOB NG BAHAY o establisimyento kapag nasa sobrang kainitan ng araw. Gumamit ng air conditioner. Magpalamig hanggang sa maging komportable ka. Ito ay para matulungan ang katawan na manatiling malamig pagbalik mo sa medyo maalinsangang lugar.

5. MANAMIT NG TAMA. Magsuot ng manipis, cotton at maluwag na damit. Ang itim na shirt o iba pang dark color ang lalong magpapainit sa temperatura ng iyong katawan.

6. Kung hindi naman maiiwasan na magtrabaho sa kainitan ng panahon, palagian na lang na magkober sa mapuno o hindi naarawang lugar, magsuot ng sun visor o sombrero para magkaroon ng tamang proteksiyon.

Kung walang air conditioner ang paggamit ng fan ay mainam na rin, pero kung minsan ay mainit din ang singaw nito kung kaya pinakamainam na ideya na mag-cool shower o maligo para bumaba ang temperatura ng katawan.

7. Kung minsan ang iba ay umiinom ng antihistamines at gamot sa high blood para maiwasan ang heat stroke.


 
 

ni Nympha Miano-Ang - @Life and Style | April 28, 2021


Ngayong pandemya na natin nakikita kung gaano kahalaga ang ating kalikasan at kapaligiran. Maraming paraan para mailigtas ang kapaligiran. Higit na mapanganib sa kalusugan ng tao ang hanging polusyon na ibinubuga ng mga sasakyan at pabrika kaysa sa dumi ng mga hayop. Maging ang mga plastic na basura ay peligroso na humalo sa mga basura at lupa dahil hindi ito nalulusaw at nagiging sanhi pa ng pagbara ng mga kanal at drainage system.


Kailangang gawin ang lahat upang matiyak ang pinakamagandang kinabukasang naghihintay sa ating planeta at sa mga susunod pang salinlahi.


1. Palitan ang incandescent light bulbs nang mas may energy efficient compact fluorescent light bulbs. Kung ang bawat tahanan sa Pilipinas ay magpapalit ng isang light bulb na may compact fluorescent light bulb, maraming enerhiya ang matitipid at makakadagdag pa sa may 3 milyong tahanan sa bawat taon.


Imadyinin kung ano ang mangyayari kung papalitan natin ang limang pinakapangunahing ginagamit na light bulbs sa bahay sa pamamagitan ng compact fluorescent light bulbs. At dahil ang bombilya na ito ay mas mura kaysa sa incandescent light bulbs ang matitipid sa enerhiya at kabawasan sa peligro ng kapaligiran ay malaking tulong na para makatipid sa esktrang gastos.


Nagtatagal ito kaysa sa standard light bulbs na sa haba ng paggamit ay aktuwal pa ring matipid na gamitin. Gumamit din ng bagong LED light bulbs.


2. Isarang mabuti ang tubig-gripo. Napakahalaga ng tubig kaya huwag itong aksayahin. Maraming paraan para magtipid sa tubig. Iwasan na ang bisyong maiwanang bukas ang gripo habang nagsesepilyo. Nag-aaksaya ka ng ilang galong tubig kapag nakasanayan ang bisyo na ito. Mag-shower na lang kaysa ang gumamit ng timba at tabo. Ngayong tag-init, okey lang umupo sa bath tub at nagpupuno ng tubig. Pero huwag araw-arawin.


Mas matipid sa tubig ang pagsa-shower. Huwag masyadong maligo nang matagal. Isarang mabuti ang gripo nang walang tulo. Bukas ka na uli maligo, pero mag-shower lang. Kung maglilinis ng sasakyan huwag iwang bukas ang hose para hindi patuloy na dumadaloy ang tubig habang nagsasabon ng sasakyan. Agad banlawan at wisikan lang ng tubig at saka muling patayin ang hose at saka punasan ng basahan.


Buksan na lang uli ang hose ng tubig para sa huling banlaw. Kung magdidilig sa hardin gawin ito sa madaling araw o sa hatinggabi. Huwag magdilig sa kainitan ng araw. Mas madaling matuyo ang paligid kapag mainit.


3. Gumamit ng energy efficient appliances. Kung kailangan ng bagong appliances, palitan ang luma ng may pinaka-energy efficient ones na kaya mo. Tingnan ang energy star label, ang label na may nakatatak na energy efficiency ng appliance. Pumili ng pinakamatipid na gamitin. Kung papalitan ang appliances na nasa maganda pa rin namang kondisyon, i-donate na lang ito o ibenta para hindi ito itatapon na basta na lang.


Dalhin sa mga nagkukumpuni ang appliances kung hindi na gumagana. O kaya ay ibenta sa mga bumibili ng lumang appliances, dahil aayusin nila uli ito at ibebenta. At least hahaba pa ang buhay ng appliances at marami pang puwedeng gumamit hanggang sa 30 taon.


Alisin ang plug ng appliances kapag hindi ginagamit. Halimbawa, kung hindi mo ginagamit ang microwave tanggalin ang plug. Makakabawas ito sa bayad mo sa kuryente. Ang iba pang appliances na aalisin sa plug ay computers, TV at lampara.


4. Panatilihing laging maayos at nasa tamang kondisyon ang iyong behikulo. Marami itong benepisyo hindi lang sa sasakyan maging sa kapaligiran na rin.


Palitan ang pudpod nang gulong at dapat laging may hangin, palitan ang spark plug wires kung kailangan, palitan ang langis nang regular, palitan ang air filter nang mas madalas at alisin sa sasakyan ang mga bagay na hindi kailangan sa loob ng behikulo.


Ang 50 pirasong pockets books na nasa iyong trunk ay basura lang. Kung bibili ng sasakyan piliin ang hybrid. Mas episyente ito kaysa sa behikulong may internal combustion engine.


5. Mas mainam na gamitin ang reusable bags sa grocery shopping at huwag gagamit ng plastic bags.


6. Huwag bibili ng bottled water bagkus ay magbaon ng sariling baunan na tubig para magpa-refill.


7. Isara ang ilaw kahit wala ka sa silid. Kahit na lalabas ka ng silid ng ilang minuto lang, i-off ang ilaw para makatipid sa kuryente.


8. Gumamit ng lunch box na lalagyan ng baon na lunch sa trabaho. Huwag gagamitan ng plastic bags o paper bags, basura iyan at dagdag sa tambak na basura.


9. Huwag magtatapon ng delikadong kemikal sa sa drainage ng bahay. Maaaring humalo ito sa mga tubo ng tubig.


10. Kung may makikita kang basura o kalat sa sidewalk ay pulutin na ito. Madaling sabihin na may nagwawalis naman diyan at pupulot ng kalat, huwag nang maghintay na gawin ito ng iba. Ikaw na ang gumawa!

 
 
RECOMMENDED
bottom of page