top of page
Search

ni Nympha Miano-Ang - @Life and Style | May 23, 2021




Natatandaan mo ba kung kailan ka huling bumisita sa doktor para sa general check-up? Napansin mo na ba kung ano ang una niyang tinitingnan sa’yo? Unang inuutos ng doktor na ilabas mo ang iyong dila, tinitingnan din n’ya ang iyong mga mata, tinitingnan din niya ang loob ng iyong bibig at tenga. Lahat nang ito ay sadyang kailangang gawin ng mga doktor para mabasa niya ang senyales ng kalusugan ng iyong katawan.


Ang ganitong tinatawag na visual diagnosis ay matagal nang ginagawa at kahit noong unang panahon pa, ito ay dahil ang iyong mukha ang pinakasalaming bahagi ng iyong katawan at naghahatid ng malaking senyales sa galaw at status ng kanyang organs. Ito ay dahil ang ating katawan ay isang magkakaugnay na makina kung saan ang lahat ng parte ay magkakadugtong at may ‘harmony’ ika nga, may parehong enerhiya na dumadaloy sa ating mga ugat.


Tingnan natin kung ano nga ba ang kaugnayan ng hitsura ng ating mukha sa kalagayan ng ating kalusugan kapag tiningnan ito.


ANG KONEKSIYON SA MUKHA AT KATAWAN: Kung bakit ang iyong mukha ay isang magandang salamin ng pangkalahatang kalusugan:


1.Ang iyong bibig ay ang pasukan tungo sa iyong tiyan at ito ang basikong diagnosis ng iyong digestive tract o kalagayan ng iyong tiyan.

2. Ang ilong ang siya namang dugtungan tungo sa respiratory system at ito ang unang lugar para simulan na maintindihan ang respiratory health.

3. Ang mata ang siyang direktang konektado sa iyong optic nerve, sa utak at nervous system, na nagpapaliwanag kung gaano kalinaw o kalabo ang iyong paningin.

4. Ang tenga ay naghahatid ng signal sa utak para malaman ang paggana ng auditory system.

5. Sa tingin mo ba ang pagiging ‘rosy cheeks’ ay bahagi lang ng tula? Ang kulay ng iyong pisngi ay aktuwal na kinakatawan sa estado ng kalusugan ng iyong baga.

6. Ang malalim na eye bag o maitim na kulay ng balat na nakapaikot sa mga mata ay repleksiyon ng masamang kalagayan ng kidney.

7. Ang kondisyon ng iyong noo ay repleksiyon ng kondisyon ng iyong bladder.


SINTOMAS, KAHULUGAN AT SOLUSYON.


Acne sa noo. Unang koneksiyon, ang ating noo ay repleksiyon ng pangkalahatang kondisyon ng digestive system. Kaya ang acne sa parte na ito ay senyales na pinababayaan mo ang iyong tiyan at iba pang parte ng lamang loob. Iniisip natin na baka kulang sa pagkain at kalabisan na rin ang pag-inom ng alak, pero sa katawan ang eksaktong kabaligtaran ay totoo. Ang sobrang mantika ay nagiging dahilan ng acne. Ang mas malusog na uri ng pagkain, tulad ng high-fiber food at low-carb diet ang siyang magpapawala ng mga acne.


Maitim na balat na nakapaligid sa mata o under-eye bags. Ang maitim na balat na nakapalibot sa mata at under-eye bags, bagamat namamana ay minsang bigla na lang sumusulpot o lumulubha kaysa dati. Ito ang malinaw na indikasyon na bumabagsak na kalusugan. Ang maitim na balat sa paligid ng mata at sa ilalim ng mata ay may kaugnayan sa kidney. Ang pangingitim ng kulay sa parte na ito ay ibig sabihin na ang toxins ay bumabalot na sa kidney o kaya ay dahil sa dehydration na rin. Ito na rin ang resulta ng sobrang inom ng alak o kape. Sa kabilang banda, ito na rin ang resulta ng kakulangan sa vitamin B12 o iron.


Puting spots sa pisngi. Isa sa pinaka-karaniwang reklamo hinggil sa mukha ay iyong puting spots sa pisngi. Ito ay dahil ang naturang spots ay nagreresulta sa simpleng rason tulad ng maling paggamit ng kosmetiko o maruming unan. Hindi naman ibig sabihin na balewalain na rin ito dahil ang parte na ito ng iyong mukha ay may kaugnayan sa kalusugan ng baga. Ang spots ay indikasyon ng respiratory problem, tulad ng isang smokers o asthmatics. Ito ay dahil delikado nang nasisira ang kanyang capillaries sa pisngi. Huwag mabahala, puwede ka nang magpatingin sa dermatologist at malulunasan ito.


Mga nunal. Narinig mo na ba kung paanong nabati ang isang babae na maganda ang kanyang nunal sa mukha? Bukod sa pagiging atraktibo kapag nasa tamang lugar ang nunal, ang nunal ay hindi masama sa iyong kalusugan sa anumang punto. Natuklasan sa pagsasaliksik na ang tao na may maraming nunal ay may mas malakas na buto ay hindi masyadong dumaranas ng osteoporosis. Ang benepisyo ay hindi limitado sa buto. Ang mga taong may nunal ay kilala na may mas malusog na mga mata at mas matibay ang puso. Kaya huwag mong sisihin ang iyong nunal. Kung mayroon ka niyan, pasalamat ka.


 
 

ni Nympha Miano-Ang - @Life and Style | May 22, 2021




Ibang klaseng aral na rin marahil ang hatid ng viral video ng isang negosyanteng nanakit ng isang pulis trapiko para sa ilan nating kababayang nagmamaneho. Konting diperensiya lang sa lansangan o sa trapiko ay nagiging bayolente na ang isang driver, nariyang naninipa ng sasakyan ng iba, nambabasag ng salamin ng umoberteyk sa kanya, nanununtok ng kapwa motor rider kapag nagkagitgitan lang sa kalye at pinakamasakit sa lahat ay iyong gawin sa isang MMDA traffic cop na sampal-sampalin at kuwelyuhan ng isang nakakotse. Pero ang pinakamasaklap na yata sa lahat ay iyong pamamaril sa kaalitan sa kalye.


Isa lang naman ang dahilan kung bakit nagwawala na ang isang nagmamaneho, stressed silang lahat! Nasasabay pa ang init ng panahon. Bad trip sa mga personal na buhay, galing sa trabaho o kung saan man! Kaya kapag nagmaneho na tiyak may peligro nang nakaabang.

At para hindi ka na maging isa sa maging tampok sa viral video dahil sa alitan sa kalye, basahin ang tips kung paano manatiling kampante habang nagmamaneho:


1. Umalis ng maaga sa bahay para hindi maabutan ang trapiko. Kung malayo ang opisina, mag-adjust ka ng isang oras na pagmamaneho kumpara sa dating oras na ginagawa na hinahatdan ng traffic. Hindi iinit ang iyong ulo kapag medyo naipit sa trapiko, dahil maaga ka, hindi ka naghahabol sa oras dahil male-late ka na. Kahit na may mag-overtake man diyan, maiiling ka na lang at masasabi mong , “Hayun nagmamadali siya dahil male-late na siya.”


2. Maging mahinahon. Nakakainis nga naman kapag may nag-overtake sa iyo na halos sadsarin ang iyong sasakyan, pabayaan siyang humarurot, pero paano kung ikaw naman ang sisingit pero pinasingit ka naman, siyempre kumaway ka sa kanya at mag-“thank you” ka naman.


3. Ihusto ang tulog. Kapag kulang ka umano sa tulog, madali kang mainis, magalit at nabubuwisit. Peligroso rin dahil baka bigla kang mapapikit at makatulog habang nagmamaneho.


4. Sundin ang ilaw trapiko. Kapag may nakita kang humarurot kahit na nakapula ang ilaw ng trapiko, hayaan mo siya, bahala siya. Siya itong matigas ang ulo, pasaway at sino ba ang maaksidente? Para sa iyo, nagmamaneho ka para makarating sa paroroonan mo at hindi para maghanap ng kaaway.


5. Tiyaking maayos ang sasakyan. Dapat nasa kondisyon ang sasakyan mo bago gamitin, may sapat na gasolina. Nakakainis kapag natrapik dahil inaalala mo na baka maubusan ng gas, at bumigay ang baterya o mawalan na hangin ang gulong mo.


6. Magpahinga. Mainam na huminto muna, mag-inat at mag-relaks ng 15 minuto kung dalawang oras ka nang nagmamaneho.


7. Magdasal. Wala nang pinakaligtas sa lahat kundi ang manalangin bago magmaneho. Idalangin na anumang personal na problema ay hindi pumasok sa iyong isipan, makaiwas sa anumang insidente ng alitan o makatagpo ng pasaway sa iyong daraanan at matiyak na ligtas ka sa iyong patutunguhan.

 
 

ni Nympha Miano-Ang - @Life and Style | May 20, 2021



Ang pagpepreserba sa alaala ng pamilya ay mahalagang hakbang sa paggawa ng katalogo ng kasaysayan para na rin sa susunod na henerasyon. Maraming pamilya ang nawawalan ng mahahalagang impormasyon mula sa dating kapamilya na yumao na. Mag-isip ng mga bagay na magdurugtong sa kasaysayan ng pamilya na maibabahagi ng kanilang mga pamilya.Kung nais maipreserba ang pamana ng pamilya, simulan ito sa pagtatanong sa mga mas nakatatandang kapamilya at pagdokumento sa kanilang alaala. Magtanong ng pangalan, petsa at lugar na kanilang naalala. Hanapin ang mga Bibliya ng pamilya at lumang family albums para sa isang memorabilia.


1. Gumawa ng family tree. Makipag-usap sa kapamilya hinggil sa kasaysayan ng pamilya at simulang ikonekta ang mga dots. Simulan sa sarili at sa mga kapatid bilang sentro ng family tree. Idagdag na rin dito ang iyong magulang, tapos ay ang iyong paternal at maternal grandparents. Tingnan kung kaya mo pang mailista ang iba pa sa tulong ng iba pang matatanda sa pamilya.


2. Ipreserba ang kuwento ng pamilya sa pagsulat nito. Madalas at karaniwan na ang mga matatandang kapamilya ay nagbabahagi ng kanilang istorya at alaala sa mga nakikinig na batang henerasyon nila. Gumawa ng aklat na may istorya ng pamilya na kanilang naikuwento sa nakalipas na maraming taon. I-record ang orihinal na kuwento kapag may dagdag na kuwento rin ang iba pang miyembro ng pamilya. Gumawa ng library ng family heritage sa iyong computer.

3. Kolektahin ang lahat ng lumang larawan mula sa album ng pamilya. Hingin sa iyong mga kamag-anak at ipadala nila ang mga lumang family pictures na may pangalan at petsa ng bawat miyembro ng pamilya. Simulan ang family heritage album para maibahagi sa mga susunod na henerasyon. Magdagdag nito sa album kada taon. Darating ang maraming taon, ang mga susunod na henerasyon ang mangangalaga sa family heritage book na iyong nilikha o ginawa.


4. I-organisa ang family papers at memorabilia. Kolektahin ang family treasurers tulad ng lumang birth certificates, army o school medals, newspaper clippings at lumang love letters. Mga dokumento kung ano sila at kung saan sila kabilang. Ilagak ito sa isang acid-free boxes, acid-free folders o acid-free plastic sleeves para maproteksiyunan sa mga anay at iba pang insekto na makasisira rito. Bumili ng acid-free albums para mapreserba at maproteksiyunan ang lumang papel at larawan. Ang isang ordinaryong material ay nagtataglay ng asido na nakakapasok ang liwanag, nagiging dahilan ng reaksiyon ng kemikal na kukupas sa dokumento o larawan.


5. Magsaliksik sa loob ng bahay kung anuman ang matutuklasan tulad ng legal records, land records, identification tulad ng birth certificates, passports at driver's licenses, family Bibles, military records, school records, at iba pang larawan. Isulat ang lahat ng ito sa computer at mag-imprenta ng checklist.


6. Ipagpatuloy ang pagdagdag sa pangalan ng lolo at lola sa family tree at mga magulang nila at ang mga impormasyon ay dapat ang lalaki ang nasa itaas, nasa ibaba ang babae.


7. Mag-print ng isa pang sheet. Hilingin din sa iba pang kaanak ang istorya rin ng pamilya, alamat at tradisyon. Lahat ng ito ay ayon sa pamana ng pamilya.


8. Hingin ang tulong ng iba pang kapamilya na makilala ang sinuman na may petsa at lugar ng nasa lumang larawan. Ang larawan na rin ang magbibigay ng clues kung paano manamit ang pamilya, kung paano sila mamuhay at ano ang kanilang relihiyon.


9 .Isulat ang kuwento ng pamilya matapos matipon ang impormasyon, kabilang na ang larawan na may kuwento. Ibahagi ang kuwento sa kapamilya para lahat ay maibahagi ito sa pagdiskubre sa pamana ng pamilya.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page