ni Nancy Binay - @Be Nice Tayo | August 7, 2022
Dumami pa ang mga Pinoy na naghihirap.
Halos isa sa bawat dalawang Filipino o 48% ang nagsabing sila ay mahirap, ayon sa June survey ng Social Weather Stations (SWS). Katumbas ito ng 12.2 milyong pamilyang Filipino, na mas mataas sa 10.9 milyong pamilya (o 43% ng respondents) na naitala noong Abril.
Bagama't maraming programa ang pamahalaan upang mabawasan ang mga naghihirap nating mga kababayan ay tila hindi ito epektibo, lalo na kung pagbabasehan ang resulta ng survey.
Maganda sana kung ma-discuss sa amin ng Executive Department at ng economic-finance cluster kung ano ba ang medium- to long-term plan nila pagdating sa poverty reduction.
Ito ay para matulungan sila ng Kongreso na gumawa ng batas na nakahanay sa economic objectives ng pamahalaan.
☻☻☻
Trilyun-trilyon na ang suma-tutal ng mga ayuda at livelihood programs na inilabas ng gobyerno sa nakaraang mga dekada para sa poverty alleviation.
Pero parang wala namang pag-unlad kung pagbabatayan natin ang objectives ng ayuda — mataas pa rin ang ating poverty rate.
Sa mga pamilya, tumaas pa sa 18% ang poverty incidence sa first semester ng 2021, ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA), kumpara sa 16.2% na naitala sa parehong panahon noong 2018.
Katumbas ito sa 4.74 milyong pamilya noong 2021, na mas mataas sa 4.04 milyong pamilyang naitala noong 2018.
Ang tanong palagi natin, eh, kung namo-monitor ba ng mga national government agencies (NGAs), tulad ng DSWD at PSA kung ilang percent ba ang success rates ng livelihood programs na pinopondohan ng gobyerno kahit in the last five years?
Kahit sa 4Ps, ilan na ba ang grumadweyt sa category ng 'poorest-of-the-poor'? Kaso, noong grumaduate sa lista ng DSWD, nasa 'poor' category pa rin sila.
☻☻☻
May kakayahan ang pamahalaan na magbigay ng ayuda — sa pamamagitan ng cash assistance o livelihood programs, halimbawa — ngunit kulang tayo sa kaalaman kung maayos nga bang namo-monitor, naa-assess at nare-report kung successful nga ba ang programa.
O, kahit ma-follow up man lang kung nasaan na ang estado ng programa, lumalago ba ito o bigong makamit ang objectives?
Ito ang mga nais nating marinig mula sa ating mga fiscal manager pagdating ng budget hearing upang magkaroon kami ng ideya kung paano makatutulong ang Kongreso sa poverty alleviation.
☻☻☻
Paalala lamang sa lahat na patuloy pa ring mag-ingat sa paglabas ng bahay, magsuot ng face mask, ugaliing maghugas ng kamay, bigyang-halaga ang kalusugan at huwag kalilimutang magdasal.
Malalagpasan din natin ito.
Be Safe. Be Well. Be Nice!
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BE NICE TAYO ni Sen. Nancy Binay, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa benicetayo.gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran. Always Be Nice! FOLLOW US! Facebook: www.facebook.com/SenatorNancyBinay Twitter: www.twitter.com/SenatorBinay @SenatorBinay Instagram: @SenatorNancyBinay

