top of page
Search

ni Mylene Alfonso | June 1, 2023



ree

Kung magkakaroon ng batas na magle-legalize at magkokontrol sa motorcycle taxis sa bansa, makasisigurong ligtas ang mga rider at pasahero.


Sa joint hearing ng Senate Committees on Public Services and Local Government, itinuon ang diskusyon sa training at skills know-how ng mga rider sa paggamit ng motorsiklo.


“We need to legalize to reflect the reality on the ground but we also need the highest safety standards to make this a true mobility alternative,” sabi ni Sen. Grace Poe, chair ng Senate committee on public services.


Sa naturang pagdinig, sinuring mabuti ang Angkas, JoyRide at Move it, ang mga kumpanyang pinayagang mag-operate sa ilalim ng tatlong taong pilot program ng Department of Transportation, tungkol sa safety training na kanilang ibinibigay sa kanilang mga drayber.


Samantala, nababahala si Sen. Raffy Tulfo sa bilang ng mga aksidente na kinasasangkutan ng Angkas, ang market leader na humahawak ng 30,000 slot sa 45,000 sa ilalim ng pilot program, kung saan may naitala umanong 7,500 aksidente noong 2022 lamang.


“There are so many instances na nakatanggap ako ng mga reklamo na ‘yung pasahero ang nagpapaluwal muna dahil ang hirap kausap ng mga kumpanya tulad n'yo, kaya sila na ang napipilitan magluwal ng pera,” sabi ni Tulfo.


“What I want is dapat kapag may naaksidente na rider n'yo na may pasahero, agad-agad pupunta kayo sa hospital, agad-agad babayaran ‘yung hospitalization, sagutin n'yo everything,” saad pa niya.


Pinagpaliwanag naman ni Poe ang mga kinatawan ng mga motorcycle taxi company na magbigay ng detalye ng kanilang training na ibinibigay sa kanilang mga drayber.


Ayon kay Grab Senior Executive Vice President Lim Yew Heng, sa Thailand, Vietnam at Indonesia kung saan sila nag-o-operate din, gumagamit sila ng teknolohiya para ma-monitor ang ugali at driving skills ng kanilang mga drayber bukod pa sa kaligtasan at tamang pagsasanay ng mga Grab driver.


“We use that (app) to track drivers, so if we find drivers are driving dangerously, that would then trigger an alert,” dagdag pa niya.


Inamin naman Angkas at Move it na wala silang ginagamit na teknolohiya para matutukan ang kanilang mga drayber.


“We don’t have it to that level, but we do have a command center and we have marshals all over,” ayon kay Angkas CEO George Royeca.


“Sa JoyRide, meron po kaming mga marshals na umiikot sa Metro Manila, 24/7 po ‘yan. Mga grupo na hindi alam ng mga (JoyRide) bikers na inoobserbahan sila,” sabi naman ni JoyRide Vice President Rico Meneses.


 
 

ni Mylene Alfonso | May 31, 2023



ree

Posibleng muling buksan ng Senado ang pagdinig kaugnay ng P6.7-billion drug haul na kinasasangkutan ng mga opisyal ng Philippine National Police (PNP) kung magsasalita ang sinasabing drug lord.


"May taong lumapit sa akin na kilala si Mike Sy at gusto daw magsalita sa committee, gusto niya sigurong linisin 'yung kanyang pagiging number 1 drug personality sa Pilipinas. Pagsasalitain ko siya sa committee," ani Dela Rosa sa press briefing matapos ang pagdinig.


Isinara na kahapon ng Senate committee on Public Order and Dangerous Drugs ang imbestigasyon kaugnay sa kontrobersyal na P6.7 billion shabu haul sa isinagawang drug raid noong Oktubre 2022 sa Maynila.


Dadalo sana si Mike Sy sa huling pagdinig ngunit sa huling minuto ay nag-backout at hindi na makontak ayon kay Dela Rosa.


Sinabi pa ng senador na maaaring magbigay-liwanag si "Mike Sy" sa umano'y pagkakasangkot ng mga alagad ng batas sa kalakalan ng droga.


"Siya ang source ng shabu kasi matagal na siyang target ng PDEA. As far as the report of PDEA is concerned, siya ang nasa top of the list na wanted na drug personality," paliwanag ni Dela Rosa.


"He can name sino 'yung mga pulis at PDEA na may hawak sa kanya," wika pa ng dating PNP chief.


Kaugnay nito, sinabi ng senador na sisimulan na nila ang pagbuo ng committee report hinggil sa naturang isyu matapos ang apat na pagdinig.


"Bukod sa pagsisinungaling, yung alleged malawakang cover up sa shabu haul [ang lumutang sa hearings]... Indeed there was really an attempted cover up," dagdag pa niya.


Samantala, inalis na ng komite ang contempt order laban sa anim na pulis na iniugnay sa umano'y tangkang cover-up ng 990-kilogram na operasyon ng shabu sa Maynila noong nakaraang taon.


Ginawa ni Sen. Jinggoy Estrada ang mosyon para palayain ang mga pulis mula sa Senate detention na sinuportahan naman ni Sen. Ramon Revilla, Jr.


Ang mga pulis na palalayain mula sa Senate custody ay si PNP Drug Enforcement Group (PDEG) Special Operations Unit 4A arresting team head Captain Jonathan Sosongco at kanyang mga subordinates na sina Police Master Sergeant Carlo Bayeta, Patrolman Rommar Bugarin, Patrolman Hustin Peter Gular, Patrolman Hassan Kalaw, at Patrolman Dennis Carolino.


Ayon kay Gular, bahagi sila ng team na aaresto kay dismissed Police Master Sergeant Rodolfo Mayo, Jr., ngunit hindi sila bahagi ng isang sindikato, at hindi sila sangkot sa anumang anomalya lalo na sa droga.


 
 

ni Mylene Alfonso | May 31, 2023



ree

Isinusulong ni Senador Robinhood "Robin" C. Padilla ang panukalang batas na may parusang 20 taong kulong laban sa military and uniformed personnel (MUP) na hindi magsasabi ng totoo sa imbestigasyon ng Kongreso upang mapanatili ang tiwala ng publiko sa mga institusyon ng gobyerno lalo na ang pulis, militar at ibang uniformed services.


Inihain ni Padilla ang Senate Bill 2265 matapos na-cite in contempt ang mga pulis na hindi nagsabi ng totoo ng mga senador na nag-iimbestiga sa umano'y pagkasangkot ng ilang pulis sa droga.


Paparusahan ng panukalang batas ang empleyado ng gobyerno na gagawa ng maling pahayag sa imbestigasyon na ginagawa ng Kongreso bilang bahagi ng oversight function o sa paggawa ng batas.


Kulong naman na hanggang 10 taon ang naghihintay sa empleyado ng gobyerno na magbibigay ng maling pahayag partikular tungkol sa mga krimen tulad ng rape (RA 7659); Title 7 (crimes committed by public officers) of Act No. 3815; and violations of the Government Procurement Act; National Internal Revenue Code; Tariff and Customs Code; Anti-Agricultural Smuggling Act of 2016; Anti-Graft and Corrupt Practices Act; Revised Corporation Code; Anti-Money Laundering Act of 2001; Dangerous Drugs Act of 2002; Anti-Trafficking in Persons Act of 2003; Anti-Terrorism Act of 2020; Terrorism Financing Prevention and Suppression Act of 2012; at Omnibus Election Code.


Ang parusang 20 taong kulong ay para sa mga lumabag na miyembro ng Armed Forces of the Philippines (AFP), Philippine National Police (PNP), Philippine Coast Guard (PCG), Bureau of Fire Protection (BFP), Bureau of Jail Management and Penology (BJMP), Bureau of Corrections (BuCor), National Mapping and Resource Information Agency (NAMRIA), National Bureau of Investigation (NBI), Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), ibang law enforcement agencies, Bureau of Immigration, Bureau of Internal Revenue, at Bureau of Customs.


Naghihintay din ang multa na P3 milyon, kasama ang pagbabawal na magkaroon ng puwesto sa pamahalaan ang sinumang lalabag dito.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page