top of page
Search

ni Mylene Alfonso | June 9, 2023



ree

Itinanggi ni Supreme Court Spokesman Atty. Brian Keith Hosaka na may ipinalabas na kautusan ang SC na nagtatakda ng oral argument para sa territorial dispute sa pagitan ng Taguig at Makati City.


Nagkaroon na umano ng final and executory decision kaugnay nito kung saan itinakda na ang pinag-aagawang Bonifacio Global City (BGC) at 9 pang barangay ay nasa legal na hurisdiksyon ng Taguig City.


Ayon kay Hosaka, wala siyang alam na ganitong ipinalabas na kautusan.


Kung mayroon man umanong ganitong kautusan ang SC, ipalalabas ito sa website at social media account ng kataas-taasang hukuman.


Ang paglilinaw ni Hosaka ay bilang reaksyon sa pahayag ni Makati City Mayor Abby Binay na nakatanggap ang Makati City Legal Office ng dokumento na nagtatakda ng oral argument para sa territorial dispute.


“As far as the document that we received, they actually even set it for hearing, that means its not yet final. Kasi sa Omnibus Motion namin wala pang aksyon so as far the city is concerned there is still pending motion,” pahayag ni Binay.


Nang tanungin si Binay kung kailan ang petsa ng hearing base sa natanggap nilang dokumento ay hindi pa niya alam.


“Hindi namin alam kasi di ba naka-break ang Supreme Court, hopefully by this month we will get some idea,” ani Binay.


Dugtong pa ng alkalde na oral argument ang itinakda ng SC alinsunod sa natanggap nilang dokumento.


Samantala, sa panig ng Taguig City, wala umano silang natatanggap na dokumento.


Taliwas umano ang pahayag ni Binay sa resolusyon na ipinalabas ng Korte Suprema noong Abril na nagsasabi na ibinasura na ang Omnibus Motion ng Makati City na humihiling na iakyat ang territorial dispute case sa SC en banc at magkaroon ng oral argument sa kaso. Una nang ipinaliwanag ni Hosaka na pinal na ang ipinalabas na desisyon ng SC hinggil sa Makati-Taguig territorial dispute at kasamang ibinasura ang mosyon na humihiling na magtakda ng oral arguments.


Idinadag pa nito na nagkaroon na rin ng Entry of Judgement sa kaso na nangangahulugan na ang desisyon ay final and executory.


Sa pagresolba sa territorial dispute ay mas pinaniwalaan at binigyang bigat ng mga mahistrado ang mga ebidensya at argumento na naiharap ng Taguig.


 
 

ni Mylene Alfonso | June 9, 2023



ree

Pinuri ni Iloilo Rep. Jam Baronda ang naging inisyatibo ng More Electric and Power Corporation (More Power) na kusang ibalik sa mga customers nito ang kanilang bill deposit na hindi karaniwang ginagawa ng mga Distribution Utilities (DUs).


Ang bill deposit ang paunang binabayad ng mga customer sa pag-a-apply ng linya ng kuryente.


Alinsunod sa Article 7 ng Magna Carta for Residential Electric Consumers, may obligasyon ang mga DU na isauli ito kung sa loob ng tatlong taon ay nagbabayad sa oras at hindi naputulan ng kuryente ang isang customer.


Gayunpaman, sa probisyon ng batas ay hindi ito kusang ibinibigay ng mga DU bagkus ay kailangan na i-apply ang bill deposit refund mismo ng mga customers.


Kaugnay nito, hinimok ni Baronda ang iba pang DUs na gayahin ang pinasimulan ng More Power na hindi na naghintay na magsumite pa ng aplikasyon ang kanilang mga customers bagkus sila mismo ang tumawag sa mga “eligible customers” at pinapunta sa kanilang tanggapan para tanggapin ang refund.


Sinabi ni Baronda na may oversight power ang Kamara para silipin kung nakakasunod ang mga DUs sa pagpapatupad ng bill deposit refund.


Una nang sinabi ni More Power President at CEO Roel Castro na nasa P5 million bill deposit refund ang nakatakda nilang isauli ngayong taon sa mga eligible customers na nagbabayad sa tamang oras.


Samantala, pumasok na sa isang joint venture agreement ang More Power sa pamamagitan ng subsidiary nito na Primelectric Holdings, Inc. para sa pagpapalakas ng supply ng kuryente sa lalawigan ng Negros.


 
 

ni Mylene Alfonso | June 7, 2023



ree

Habang patuloy na bumabagal ang inflation ng bansa sa ikaapat na magkakasunod na buwan noong Mayo 2023, tiniyak ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr., sa publiko na may coordinated at proactive monitoring system para panatilihing nasa target ang presyo ng pagkain at enerhiya.


Sa ulat ng Philippine Statistics Authority (PSA), lalong bumaba ang inflation sa 6.1 percent noong Mayo 2023 mula sa 6.6% noong Abril 2023.


Ito ang pinakamababang year-on-year inflation rate mula noong Hulyo 2022 na nagdadala ng year-to-date ang average na inflation sa 7.5%.


Ang patuloy na paghina ng inflation ay dahil sa mas mabagal na taas-presyo sa pagkain at transportasyon.


“Kami ay kumpiyansa na makakamit namin ang inflation target ng gobyerno ngayong taon habang kami ay nakikipagtulungan sa mga kinauukulang ahensya ng gobyerno sa pagsubaybay sa mga pangunahing dahilan ng inflation,” pahayag ni NEDA Sec. Arsenio Balisacan.


Noong Mayo 26, nilagdaan ni Marcos ang Executive Order No. 28, na lumikha ng Inter-Agency Committee on Inflation and Market Outlook (IAC-IMO).


Nilalayon ng naturang komite na pahusayin ang koordinasyon ng pamahalaan sa pamamahala ng inflation at pagaanin ang epekto ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin.


“Habang ang mga panganib sa inflation outlook ay nakasandal sa pagtaas dahil sa mga potensyal na pagtaas sa mga pamasahe sa transportasyon, pagsasaayos ng sahod, mas mataas na singil sa kuryente, at mga lokal na presyo ng mga pangunahing pagkain na nagreresulta mula sa epekto ng El Niño, ang gobyerno ay nagsusumikap na ipatupad ang kinakailangang mga interbensyon habang nilalayon naming panatilihing mababa at matatag ang mga presyo para sa mga Pilipinong mamimili,” ani Balisacan.


Para sa mga panandaliang hakbang, sinabi ng administrasyong Marcos na kailangang punan ang mga kakulangan sa lokal na suplay sa pamamagitan ng napapanahong pag-aangkat, tiyakin ang sapat na buffer ng bigas sa panahon ng El Niño, at palakasin ang biosecurity.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page