top of page
Search

ni Mylene Alfonso | June 17, 2023



ree

Isang petition letter ang kumakalat ngayon sa Enlisted Men Barrio (Embo) Barangay sa Makati City kung saan hinihimok ang mga residente na lumagda sa isang petisyon na nanghihikayat na iakyat ang usapin ng Makati-Taguig territorial dispute sa Kongreso.


Nakapaloob sa isang pahinang petition letter na may kapangyarihan umano ang Kongreso na magtakda ng referendum o people’s initiative sa ilalim ng 1987 Constitution, layunin ng petisyon na mangalap ng sapat na pirma para pakinggan ang petisyon ng mga mambabatas. Walang nakalagay na pangalan kung sino ang namuno sa ipinakakalat na petisyon maliban lamang sa “Mamamayan ng Makati”.


Nakasaad pa rito na ang paghingi ng pagsaklolo sa Kongreso ng mga residente ay magiging “last recourse” matapos na magpalabas ng pinal na desisyon ang Korte Suprema na nagtatakda na ang 10 Embo barangays kabilang ang Bonifacio Global City ay nasa hurisdiksyon ng Taguig City.


Gayunman, ang lumabas na signature drive ay kabaligtaran umano sa tunay na sentimyento at sa natanggap ng mga ilang opisyales ng Pamahalaang Lungsod ng Taguig na liham mula sa mga residente ng Makati na humihiling na bilisan ng lungsod ang gagawing transition.


 
 

ni Mylene Alfonso | June 16, 2023



ree

Tiwala si Pangulong Ferdinand Marcos, Jr., na sapat ang pondo ng pamahalaan para tugunan ang pangangailangan ng mga residenteng apektado ng pag-aalburuto ng Bulkang Mayon sa Albay.


Ito ang tugon ni Marcos sa naging pahayag ni Albay Governor Grex Lagman na kailangan ang P166.7 milyong pondo sa loob ng 90 araw ang mga Mayon evacuees.


"Whatever is needed, we will have to provide. Hindi naman… Marami naman tumutulong, marami namang ahensya. All agencies are already engaged in the rehabilitation effort, in the support for the evacuees,” sabi ni Marcos.


Kasabay nito, inatasan ng Pangulo ang iba't ibang tanggapan ng pamahalaan na pag-aralan ang pamimigay ng ayuda.


"I think in terms of the actual na gastos na ano, palagay ko, alam ko naman may budget tayo d'yan, pero ang instruction ko sa kanila, pag-aralan n'yong mabuti, hindi ‘yung basta kayo bigay nang bigay ng pera, kailangan tingnan n'yo ano ba ang problema para maayos natin kung ano ang problema nila,” dagdag pa ng Pangulo.


 
 

ni Mylene Alfonso | June 15, 2023



ree

Umapela si Taguig City Mayor Lani Cayetano sa Korte Suprema na magpalabas ng show cause order at pagpaliwanagin si Makati City Mayor Abby Binay kung bakit hindi ito dapat na patawan ng parusa matapos sabihin na hindi pa tapos ang kaso ng Taguig-

Makati territorial dispute.


Ang mosyon na inihain ni Cayetano sa SC ay Extremely Urgent Manifestation with Motion Ad Cautelam, isang legal remedy para sa agarang aksyon ng SC upang maitama ang mapaglinlang na pahayag at maiwasan ang anumang problema na maaaring idulot nito.


Ang hakbang ni Cayetano ay bilang reaksyon sa media interview ni Binay kung saan sinabi nito na hindi pa tapos ang laban sa Taguig-Makati territorial dispute.


Sinabi ni Cayetano na walang natanggap na kautusan ang Taguig kaya nagtungo sa SC si Atty. Warren San Jose ng Taguig Legal Office para magberipika, dito nilinaw ng SC-Third Division na siyang may hawak ng kaso, na walang order o resolusyon na ipinalabas at walang katotohanan na nagtakda ng oral argument.


“In view of the improper conduct of City of Makati and Mayor Binay, who herself is a member of the Philippine Bar and answerable to the Honorable court, it is most respectfully prayed that the Honorable court investigate this troubling claims made by Mayor Binay to show cause why they should not be sanctioned,” nakasaad sa mosyon ng Taguig.


"Final na ang decision ng Korte Suprema tungkol sa kasong ito at bilang mga responsableng mga opisyal ng aming mga respective local government units, katungkulan na namin na una, payapain ang kalooban ng aming mga kababayan dahil ang desisyon na ito, obviously, ay magdudulot ng maraming katanungan, agam-agam, pangamba lalo na sa mga barangay na dati ay sakop ng Makati,” ani Cayetano.


Iginiit ng alkalde na handa ang lokal na pamahalaan ng Taguig na i-takeover ngayong taon ang 10 barangay na dating nasa Makati.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page