top of page
Search

ni Mylene Alfonso | June 22, 2023



ree

Nilagdaan na ni Senate President Juan Miguel Zubiri ang enrolled bill ng Maharlika Investment Fund Act.


Ginawa ni Zubiri ang pagpirma sa panukala sa Philippine Embassy sa Washington DC.

Bukod sa MIF, nilagdaan din ni Zubiri ang iba pang enrolled bills na Estate Tax Amnesty Extension Act, at ang panukala na pagkilala sa Baler, Aurora, bilang birthplace ng Philippine Surfing.


Sa kasalukuyan, si Zubiri ay nasa U.S. para sa working visit at pulong kasama ang mga miyembro ng U.S. Congress at iba pang government agencies.


Nagkataon din na kasama si Senate Secretary Renato Bantug sa delegasyon ng Senado sa U.S. kaya nabitbit nito ang kopya ng MIF Bill para malagdaan na ni Zubiri.


Sina Ambassador Jose Manuel “Babe” Romualdez at Senator Francis Tolentino, na bahagi ng working visit ang sumaksi sa paglagda.


Nakatakdang ipadala sa Malacañang ang Estate Tax Amnesty Extension Act upang pirmahan ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr., habang ang Maharlika Investment Fund Act ay nakatakdang ipadala sa House of Representatives para lagdaan ni House Speaker Ferdinand Martin Romualdez.


 
 

ni Mylene Alfonso | June 21, 2023



ree

Hinihintay na lamang ang lagda ni Senate President Juan Miguel Zubiri bago ipadala ng Senado ang kopya ng inaprubahang Maharlika Investment Fund Bill sa Malacañang.


Ito ang inihayag ni Deputy Senate Majority Leader JV Ejercito dahil nasa Estados Unidos pa si Zubiri at hindi pa malagdaan ang final copy ng panukalang MIF.


Aniya, tapos nang ayusin at linisin ang pinal na bersyon ng MIF Bill na ipapasa sa Palasyo para sa lagda ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr.


Dahil wala pa si Zubiri, inihayag ni Ejercito na isa sa ikinukonsidera ay ipadala ang kopya ng bill kay Senate Secretary Renato Bantug, Jr., sa Estados Unidos upang malagdaan na ni Zubiri.


Tiwala rin si Ejercito na pag-aayos lang ng typographical error ang ginawa ng secretariat sa paglilinis ng MIF Bill at walang ibang binago.


 
 

ni Mylene Alfonso | June 21, 2023



ree

Makatatanggap ng bonus ang mga empleyado ng Department of Agriculture (DA) kasunod ng 125th founding anniversary ng ahensya.


Ito ang sinabi ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr., na siya ring DA Secretary makaraang pangunahan ang opening ceremony ng pagkakatatag ng ahensya sa Quezon City.


Sa photo opportunity, inihayag ni Marcos na ang mga bonus ay para sa pagsisikap na rin ng mga empleyado.


Pabirong sinabi ng Punong Ehekutibo ang tungkol sa bonus para ngumiti ang mga empleyado nang kinukuhanan ng larawan.


"Binubulungan ako ng ating butihing Senadora (Senator Cynthia Villar) at ang ating kasamahan at lahat ng mga taga-DA, sabi sayang naman ang dami nating pinapagawa

sa mga tao dahil anniversary, dapat may bonus," ani Marcos.


"So, dagdagan naman natin ng kaunting bonus. Sabi naman ni Usec. Ding, eh may savings naman daw kayo, bakit hindi. Inuna ko na doon sa selfie para nakangiti kayo sa picture," saad pa niya.


"Titingnan ko pa kung ano 'yung savings natin pero may bonus kayo," tugon ni Marcos sa panayam ng mga mamamahayag nang tanungin kung magkano ang magiging bonus ng bawat empleyado.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page