top of page
Search

ni Mylene Alfonso @News | May 6, 2025



File Photo: Gov. Gwen Garcia - FB


Opisyal nang inendorso ni Cebu Governor Gwen Garcia si Erwin Tulfo at buong Alyansa para sa Bagong Pilipinas, para sa Senado, nitong Lunes. 


Si Garcia ang pinuno ng lalawigan ng Cebu na may 3.7 milyong rehistradong botante, at ng dominanteng partidong pampulitika sa lalawigan, ang One Cebu.


Sa kanyang talumpati sa One Cebu sortie kasama ang Alyansa Slate sa bayan ng Dumanjug, binigyang-diin ni Garcia na kahit may hindi pagkakaunawaan sila ni Senador Raffy Tulfo, buo pa rin ang kanyang suporta kay Erwin Tulfo.   


“Pero kung pag-iisipan talaga natin, kahit sa loob ng isang pamilya, magkakaiba tayo ng pag-iisip. Hindi tayo pare-pareho. At hindi ko ipagkakaila 'yan. Sa aming pamilya, may mga magkakapareho ng pananaw, pero meron ding magkaiba ang takbo ng isip at asal,” pahayag ni Garcia na ibinigay sa halo ng Bisaya at Ingles.   


“Dahil sa paggalang sa Pangulo, at dahil naniniwala akong handa talaga ang kandidatong ito na ipaglaban ang Cebu—kaya sinasabi ko: suportahan natin si Erwin Tulfo,” dagdag pa niya.   


Nagpasalamat naman si Tulfo sa suporta mula kay Garcia, lalo’t isa ang Cebu sa may pinakamataas na voter turnout noong 2022 elections, na umabot sa 87.48%.

 
 

ni Mylene Alfonso @News | May 2, 2025



File Photo: VP Sara Duterte - PDP Laban FB

 

Naniniwala ang isang human rights lawyer na ang pag-endorso ni Vice President Sara Duterte sa mga senatorial candidate ay naglalayong iligtas ang kanyang sarili na mahatulan na guilty sa impeachment trial. 


Sa isang panayam sa radyo, sinabi ni Atty. Antonio 'Audie' Bucoy, miyembro ng Free Legal Assistance Group (FLAG) at ng Movement of Attorneys for Brotherhood, Integrity and Nationalism (MABINI), na ang biglaang pagsuporta ni Duterte sa mga tumatakbong senador ay nagpapakita ng kanyang pangamba na ma-convict ng Senate impeachment court. 


Ang pag-endorso ni Duterte kina Sen. Imee Marcos at Las Piñas City Rep. Camille Villar ay tinawag ni Bucoy na malinaw na tangkang impluwensyahan ang magiging desisyon ng Senado. 


Idinagdag pa niyang ang reklamong impeachment na inihain ng Kamara ay hindi isang political stunt kundi isang seryosong kaso na may kalakip na mga dokumento. 


Ipinunto niyang ang pitong Articles of Impeachment na inihain ng Kamara ay maaaring ibuod sa tatlong pangunahing kategorya: destabilization at pagbabanta sa buhay nina Pangulong Marcos, First Lady Liza Araneta-Marcos at House Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez; pagtataksil sa tiwala ng publiko; at malawakang korupsiyon.


 
 

ni Mylene Alfonso @News | May 2, 2025



File Photo: Si Pangulong Bongbong Marcos sa 123rd Labor Day - RTVM


Iginiit ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. na kinakailangan ang masusing pag-aaral sa hiling na taas-sahod ng mga manggagawa dahil may epekto ito sa negosyo, trabaho at ekonomiya.


Ginawa ni Marcos ang pahayag nang pangunahan ang pagdiriwang ng 123rd Labor Day celebration sa SMX Convention Center sa Mall of Asia sa Pasay City, kahapon.


"Sa usapin naman ng pagtaas ng suweldo, masarap pakinggan ang matatamis na mga pangako, ngunit ang mga ito ay may epekto sa paglago ng negosyo, trabaho, at ekonomiya. Kaya’t kailangan na pag-aralan natin nang mabuti," pahayag ni Marcos.


Nauna nang nanawagan ang Trade Union Congress of the Philippines (TUCP) kay Marcos na i-certify as urgent ang P200 legislated wage hike kung saan idinahilan ang pagtaas sa mga gastos sa pampublikong transportasyon.


Gayunman, tiniyak ng Pangulo na pinakikinggan ng gobyerno ang panawagan ng mga manggagawang Pilipino para sa mas mataas na sahod at ang kanilang mga alalahanin ay tinutugunan sa pamamagitan ng Regional Tripartite Wages and Productivity Boards (RTWPBs) sa buong bansa.


Binanggit din ng Pangulo na may kabuuang 16 na rehiyon sa buong bansa ang nagpatupad na ng minimum wage increase mula noong Hunyo ng nakaraang taon.


Samantala, inihayag naman ni Labor Secretary Bienvenido Laguesma na nakatakdang magsimula ang RTWPB sa National Capital Region ng bagong round ng pag-uusap para sa posibleng minimum wage hike sa kalagitnaan ng buwan.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page