- BULGAR
- Sep 15, 2023
ni Mylene Alfonso @News | September 15, 2023

Magpapalabas na ng pinal na rekomendasyon ang Department of Transportation (DOTR) kung tuluyan nang ibabasura ang Trusted Operator Program-Container Registry and Monitoring System (TOP-CRMS) ng Philippine Ports Authority (PPA).
Ito ang inihayag ni DOTR Secretary Jaime Bautista sa pagdinig sa panukalang 2024 budget ng ahensya ng Senate sub-committee on finance na pinamumunuan ni Senador Grace Poe.
Nauna nang nanawagan ang senador sa PPA na huwag nang ipagpilitan ang TOP-CRMS matapos maglabas ang Anti-Red Tape Authority (ARTA) ng negatibong komento sa nasabing programa.
Umaasa naman ang Association of International Shipping Lines (AISL), Alliance of Concerned Truck Owners and Operators (ACTOO) at Alliance of Container Yard Operators (ACYOP) na pakikinggan ng DOTR ang 24 business chambers sa bansa, gayundin ang panawagan nina Poe, Sen. Risa Hontiveros at iba pang mambabatas na
ibasura na ang TOP-CRMS.
Nakasalalay umano sa desisyon ng DOTR ang malaking responsibilidad na tuldukan na ang TOP-CRMS at mapigilan ang mga problemang idudulot nito kabilang ang pagtaas ng mga bilihin, paglobo ng transportation at shipping costs at pagkawala ng hanapbuhay ng ilang sektor na tatamaan ng programa.
Matatandaan na hindi aprubado sa ARTA ang programang isinusulong ng PPA matapos makita ng ARTA na wala itong legal na basehan.
Nadiskubre ng ARTA na magkasalungat ang mandato ng PPA, bilang isang regulator at port operator, na magreresulta sa koleksyon ng dagdag na fees kung oobligahin ang mga stakeholder na magparehistro para sa accreditation ng TOP-CRMS.
Ayon kay Bautista, nananatiling suspendido ang implementasyon ng naturang program ng PPA.






