top of page
Search

ni Mylene Alfonso @News | September 20, 2023



ree

Pinangunahan kahapon ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr., ang distribusyon ng nasa 1,500 sako ng smuggled rice bilang donasyon sa iba't ibang benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) sa Zamboanga City.


Ang donasyong bigas ay bahagi ng 42,180 smuggled na sako ng bigas na nagkakahalaga ng P42 milyon na nasamsam kamakailan ng Bureau of Customs-Port of Zamboanga (BOC-POZ) matapos salakayin ang isang bodega sa Bgy. San Jose Gusu sa Zamboanga City noong Setyembre 15, 2023.


Sa kanyang talumpati, sinabi ni Marcos na kinumpiska ang nasabing bigas matapos hindi maipaliwanag ng operator ng warehouse kung saan nanggaling ang mga inangkat na bigas at kung saan sila nagbayad ng kanilang taripa at buwis.


"Nabigyan na sila ng 15 days, wala silang naisagot kaya’t kinuha na ng gobyerno at ginawa naming donation sa DSWD [Department of Social Welfare and Development]… ang sabi ko, ang pinakanangangailangan d'yan ang mga beneficiaries ng 4Ps," pahayag ni Marcos.


"Iyon po ay patuloy nating pag-aasikaso para tingnan natin na maging maganda ang patakbo ng mercado sa bigas dahil alam naman natin kung gaano kahalaga ang suplay ng bigas sa magandang presyo para sa lahat ng Pilipino," pahayag pa niya.


Tiniyak din ng Pangulo sa publiko na nakatuon ang gobyerno na wakasan ang smuggling na aniya ay nakaapekto sa sektor ng agrikultura sa bansa.


"Kailangan sapat ang pagkain para sa ating mga kababayan. Kasama d'yan ay pinapatibay natin ang sistema ng agrikultura. Ngunit hindi lamang ‘yun ang nagiging problema sa agrikultura dito sa Pilipinas, ang isang napakalaking problema ay ang pag-smuggle ng bigas papasok ng Pilipinas," wika pa ni Marcos.


"Hindi lamang pag-ayos ng agricultural sector ang ating kailangang gawin. Kailangan din nating pagtibayin ang ating pag-impose ng mga batas tungkol nga sa pagbigay ng suplay ng bigas sa atin, sa buong Pilipinas. Hindi tama na nagpapasok sila, iniipit nila ang suplay, pinapataas nila ang presyo, naghihirap ang tao para lang kumita sila ng malaki," dagdag pa

ng Punong Ehekutibo.


Pinangunahan din ni Marcos ang pamamahagi ng P120 milyong halaga ng tulong sa ilalim ng “Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantages/Displaced Workers” ng Department of Labor and Employment (DOLE) at P530,000 halaga ng DOLE livelihood assistance.




 
 

ni Mylene Alfonso @News | September 20, 2023



ree


Dakip ng National Bureau of Investigation-Cybercrime Division, ang tatlong indibidwal dahil sa pagbebenta ng rehistradong Subscriber Identity Module (SIM) cards.


Sinampahan ng kasong paglabag sa Sec.7 ng RA 11934 (SIM Registration Act) in relation to Sec.6 and Sec.4(a)(5)(i)(aa) ng RA 10175 (Cybercrime Prevention Act of 2012) sa Pasay at Las Piñas Prosecutors Office ang mga suspek na sina Beverly Cruz, Keone Gabrielle Lebumfacil at Aljon Christian Reyes.


Umabot sa 1,023 SIM cards na may iba't ibang networks ang nakumpiska ng NBI sa magkahiwalay na operasyong isinagawa noong Setyembre 8, 2023.


Nabatid na nag-ugat ang operasyon ng NBI matapos makatanggap ng impormasyon na may mga indibidwal na nagbebenta ng rehistradong SIM cards sa Facebook partikular na sa SIM Card Philippines buying and selling group.


Ginagamit umano ang mga naturang SIM card sa online scam.

Sa isang comment sa naturang Facebook group, may isang tao na gumagamit ng account name na Nopce Naldz, ang nag-aalok ng 1,000 SIM cards at sa pakikipagnegosasyon ng isang poseur customer, sinabi nito na may 2,100 siya ng rehistradong SIM cards at ibinebenta ito ng P10 kada piraso.


Nagkasundo ang poseur buyer na makipagkita sa isang convenience store sa Clemente Jose St., Apelo Cruz Extension Malibay, Pasay City.


Gayunman, ang dumating sa meeting place ay si Cruz at ibinigay ang tatlong SIM cards sa poseur customer para sa beripikasyon kung saan nalaman na isa sa SIM cards ang nakarehistro habang ang dalawa ay hindi nakarehistro.


Nakabili umano kay Cruz ng 560 SIM cards ang poseur customer at nalaman na may mga SIM cards ang hindi naman nakarehistro kaya pumayag na lamang si Cruz na ma bayaran ito ng halagang P1,000 at nang ipadala ang bayad sa kanyang G-Cash dito na siya inaresto ng mga ahente ng NBI.


Samantala, isang Armando Samling, ang nakausap din sa naturang account at mayroon umano siyang 5,000 SIM cards at ibinebenta sa halagang P30 kada isa.


Nakipagtransaksyon din kay Samling ang poseur customer pero hindi ito pumayag na makipag meet-up sa halip ay pinapunta ang delivery rider sa Pilar Road, Las Piñas City kung saan ang mga suspek na sina Lebumfacil at Reyes ang nag-abot ng SIM cards.

Inaresto ang dalawa matapos na tanggapin ang halagang P2,000 mula sa poseur buyer.




 
 

ni Mylene Alfonso @News | September 20, 2023



ree

Nasamsam ng mga ahente ng National Bureau of Investigation-National Capital Region ang P96 milyong halaga ng pekeng alak sa serye ng operasyon, kamakailan sa Pasay, Parañaque, Maynila, Quezon City at lalawigan ng Aklan.


Nabatid sa NBI-NCR, isinilbi ng NBI-NCR noong Setyembre 13, 2022 ang siyam na search warrant sa mga establisimyento dahilan para makakumpiska ng 6,562 bote ng mga alak.


Kabilang sa mga nakumpiska ay ang alak na Hennessy, Chivas Regal at Macallan.


Nauna rito, nagreklamo sa NBI ang kinatawan ng mga kumpanya ng naturang alak dahil sa laganap ang pagbebenta ng mga pekeng produkto.


Nagsagawa ng test buy ang NBI at nang makumpirma ay saka ikinasa ang pagsalakay na naging dahilan ng pagkakakumpiska sa kahon-kahong pekeng alak.




 
 
RECOMMENDED
bottom of page