top of page
Search

ni Mylene Alfonso @News | September 25, 2023



ree

Ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr., na ipamahagi ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa susunod na linggo ang cash assistance sa mga may-ari ng sari-sari store na naapektuhan ng pagpapatupad ng mandated price ceiling sa bigas.


Sa update nito sa Office of the President, inihayag ng DSWD na nakatakdang ipamahagi ang cash assistance sa mga may-ari ng sari-sari store sa Setyembre 25 hanggang 29 sa pakikipag-ugnayan sa Department of Trade and Industry (DTI) bilang pagtukoy sa mga benepisyaryo.


Base sa direktiba ni Marcos, magpapamahagi ang DSWD ng cash assistance sa maliliit na rice retailers na apektado ng pagpapatupad ng mandated price ceiling sa regular at well-milled rice sa buong bansa.


Matatandaang inaprubahan ng Punong Ehekutibo ang pagpapatupad ng P41 price ceiling sa regular milled rice at P45 sa well-milled sa pamamagitan ng pagpapalabas ng Executive Order No. 39.


Batay sa pinakahuling ulat, sinabi ng DSWD na nakapaglabas na sila ng P92.415 milyon na tulong pinansyal sa 6,161 mula sa 8,390 na target na micro at small rice retailers na apektado ng pagpapatupad ng EO 39 sa buong bansa.



 
 

ni Mylene Alfonso @News | September 24, 2023



ree

Nilinaw ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr., na hindi magpapatupad ng fishing ban ang gobyerno dahil makakaapekto ito sa kita ng mga maliliit na mangingisda sa bansa.


Sa panayam ng mga mamamahayag sa distribusyon ng bigas sa Iriga City, Camarines Sur, inihayag ng Pangulo na hindi ipapataw ang fishing ban kundi paghihigpit lamang sa pangingisda sa mga breeding areas.


“Hindi maganda ang pagkapaliwanag ko. Hindi fishing ban ang pinag-usapan ko. Ang sinasabi ko, kung saan ‘yung breeding area ng isda, huwag tayong mangingisda doon para dumami ‘yung isda,” diin ni Pangulong Marcos.


“Pero walang fishing ban. Hindi naman -- walang hanapbuhay ang tao. Padadamihin nga natin ‘yung isda. Dahil kausap ko kanina ‘yung mga mangingisda, sabi nila talagang nabawasan na ‘yung huli nila,” saad pa ni Marcos.


Binigyang-diin ng Punong Ehekutibo ang kahalagahan ng pagprotekta sa mga pinanggagalingan ng isda upang matiyak ang masaganang suplay ng isda sa Pilipinas at upang matiyak na hindi maaapektuhan ang pinagmumulan ng kita ng mga mangingisda.


Matatandaang iginiit kamakailan ni Marcos ang pangangailangang tugunan ang labis na pangingisda at palakasin ang populasyon ng isda at aquaculture ng bansa sa bansa.



 
 

ni Mylene Alfonso @News | September 24, 2023



ree

Pinangunahan kahapon ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr., ang sabay-sabay na paglulunsad ng Bagong Pilipinas Serbisyo Fair (BPSF), ang pinakamalaking service caravan sa bansa na layuning magbigay ng mga pangunahing serbisyo ng gobyerno sa mga mahihirap na Pilipino sa iba't ibang komunidad sa buong bansa.


“Ang programang ito ay isa lamang sa mga unang hakbang ng pamahalaan upang magkaroon ng bagong pag-asa at bagong simula ang mga Pilipino,” ani Marcos sa pagbubukas nito sa Nabua, Camarines Sur.


Ang caravan ay sabay-sabay na inilunsad sa Laoag, Ilocos Norte para sa Luzon; bayan ng Tolosa sa Leyte para sa Visayas; at sa Munisipyo ng Monkayo, Davao de Oro para sa Mindanao, ay nagbibigay sa mga tao ng tulong medikal, pinansyal, at edukasyon.


Pinangunahan ni Presidential son at Ilocos Norte Rep. Ferdinand Alexander “Sandro” Araneta Marcos III ang BPSF caravan for Luzon na ginanap sa Mariano Marcos University campus sa Laoag City habang pinangunahan ni Speaker Martin Romualdez ang Visayas contingent sa Visayas State University campus sa Tolosa, Leyte.


Pinangunahan ni Special Assistant to the President Anton Lagdameo ang BPSF na ginanap sa Poblacion Monkayo, Davao de Oro.


Itinampok sa event ang flagship government program na “Kadiwa ng Pangulo”, Passport on Wheels, Driver’s License registration/assistance, National ID, Pag-IBIG Fund, National Bureau of Investigation (NBI) at police clearance applications.


Bukod sa Serbisyo Fair, nagpaabot ng tulong ang Pangulo sa mga magsasaka ng Camarines Sur.


Ang Department of Agriculture (DA), Philippine Coconut Authority (PCA), PHILMEC, at National Dairy Authority ay namahagi ng mga tractors, harvester, hauling truck at iba pang makinarya at kagamitan sa sakahan.

Para sa mga mangingisdang Bicolano, namahagi ang Bureau of Fishery and Aquatic Resources (BFAR) ng mga pakete ng fish cage at mga motorized banca.


Ang DOH, sa bahagi nito, ay nagbigay ng wheelchair sa mga may kapansanan na senior citizens at mga dumaranas ng iba't ibang karamdaman.


Sa pamamagitan ng Memorandum Circular No. 24 (s. 2023), opisyal na inilunsad ng pamahalaan ang “Bagong Pilipinas” bilang pangkalahatang tema ng tatak ng pamamahala at pamumuno ng administrasyon.


Gumagamit ng halos P1 bilyong pondo, ang BPSF ay isang convergence ng mga pangunahing serbisyo ng gobyerno na layuning maabot ang mga mahihirap na Pilipino sa iba't ibang komunidad sa buong bansa.


Layunin ng Serbisyo Fair na isulong ang kampanyang Bagong Pilipinas sa pamamagitan ng pagdadala ng mga serbisyo ng gobyerno sa mga tao at pag-angat ng kamalayan sa iba't ibang programa at proyekto ng pamahalaan.



 
 
RECOMMENDED
bottom of page