top of page
Search
  • BULGAR
  • Sep 27, 2023

ni Mylene Alfonso @News | September 27, 2023



ree

Bigong makumpirma ng Commission on Appointments (CA) ang ad interim appointment ni Department of Health Secretary Teodoro Javier 'Ted' Herbosa dahil sa kawalan ng oras.


Ito ang kinumpirma ni Senate President Juan Miguel Zubiri, chairman ng CA, subalit maaari namang talakayin ang appointment ni Herbosa kapag nagpatuloy ang sesyon ng Kongreso sa Nobyembre.


Sinabi rin ni Sen. Christopher 'Bong' Go, nanguna sa pagdinig ng CA committee, na kulang na sila sa oras para talakayin ang ad interim appointment ni Herbosa.


Dahil dito, kailangang muling italaga ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr., si Herbosa dahil magtatapos ang sesyon ng Kongreso sa September 30.


Sa panayam, tumanggi si Go na sabihing na-bypass o na-defer ang appointment ni Herbosa at sinabi lamang na sinuspinde ang pagdinig dahil maraming miyembro ang gustong magtanong kay Herbosa.


Samantala, nanawagan ang Alliance of Health Workers (AHW) sa CA na ibasura ang appointment ni Herbosa bilang pinuno ng DOH.


“With Herbosa in DOH for three months now as DOH appointed Secretary, we see no change. Health workers are still overworked and underpaid, the much needed and long delayed health emergency allowance is not yet provided. Health workers’ miserable situation remains,” ani Robert Mendoza, AHW national president.


Ayon sa AHW, bigo si Herbosa na idepensa ang P13.9 bilyong ibinawas sa panukalang 2024 budget sa DOH.


Binanggit ng grupo ang P10 bilyong budget cut sa 69 ospital na pinamamahalaan ng DOH, ang P1.7 bilyong bawas-pondo sa specialty hospitals at ang P2 bilyong budget cut sa Philippine General Hospital (PGH).


Kinuwestiyon din ng grupo ang P8 milyong bawas sa Philippine National Aids Council, at P148 milyon naman sa National Nutrition Council.



 
 

ni Mylene Alfonso @News | September 26, 2023



ree

Inirekomenda ni Sen. Ronald “Bato” Dela Rosa ang pagpapatigil sa pag-imprenta ng national ID o Philippine Identification (PhilID) card.


Sa pagdinig ng budget ng National Economic and Development Authority, iminungkahi ni Finance Committee Vice Chairman Dela Rosa na ihinto na ng Philippine Statistics Authority ang pag-imprenta upang makatipid.


"Siguro puwede natin i-stop ‘yun then we’ll go digital. Maka-save pa ng pera ang gobyerno. Lahat naman ng Pilipino, may cellphone. Maka-save pa tayo ng pera kung hindi natin i-print ang remaining," diin ni Dela Rosa.


Bagama't tinitignan din ng PSA ang paglilipat sa mga digital ID, ipinunto ni National Statistician Undersecretary Claire Dennis Mapa na mas gusto pa rin ng mga Pilipino na magkaroon ng nahahawakang ID card.


Sa panukalang 2024 National Expenditure Program ng NEDA, P8.94 bilyon o 73% ng budget ng NEDA ang inilalaan sa PSA bilang attached agency nito. Nasa P1.61 bilyon ang nakalaan sa Philippine Identification System dahil layunin ng PSA na mairehistro sa kanilang system ang kabuuang 101M Pilipino sa susunod na taon.


Nabatid na target ng PSA na makapag-imprenta ng 92 milyong PhilID sa Setyembre 2024.



 
 

ni Mylene Alfonso @News | September 25, 2023



ree

Sa layuning ilapit ang mga serbisyo ng gobyerno sa mamamayang Pilipino, dadalhin ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang “Bagong Pilipinas Serbisyo Fair (BPSF)” service caravan sa lahat ng 82 provinces sa Pilipinas kasunod ng matagumpay na paglulunsad nito noong Sabado.


Ang BPSF ay ang pinakamalaking service caravan sa bansa na naglalayong magbigay ng mga pangunahing serbisyo ng gobyerno sa mga mahihirap na Pilipino sa iba't ibang komunidad sa buong bansa, na nagtatampok ng mga flagship program ng gobyerno tulad ng Kadiwa ng Pangulo, Passport on Wheels, Driver’s License registration/assistance, at iba pa.


Pinangunahan ni Marcos noong Sabado ang paglulunsad ng BPSF sa Nabua, Camarines Sur, na sabay-sabay na inilunsad sa Laoag, Ilocos Norte sa pangunguna ni Presidential son at Ilocos Norte Rep. Ferdinand Alexander “Sandro” Araneta Marcos III at sa Tolosa, Leyte na pinangunahan ni Speaker Martin Romualdez.


Pinangunahan naman ni Special Assistant to the President Anton Lagdameo ang BPSF sa Poblacion Monkayo, Davao de Oro.


Sa kanyang talumpati, sinabi ni Marcos na ang BPSF ay isa lamang sa mga unang hakbangin ng kanyang administrasyon upang magbigay ng pag-asa para sa isang bagong simula para sa mamamayang Pilipino sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanila ng lahat ng mga serbisyo sa kaginhawahan ng kanilang mga lalawigan.


Sa kanyang panig, sinabi ni Speaker Ferdinand Martin Romualdez, na isa sa mga principal organizer ng BPSF, na ang pinakamalaking service caravan ng bansa ay naglalayong magdala ng higit sa 60 serbisyo ng gobyerno sa 82 probinsya sa buong bansa.


“Ipinakita rin naman na ang gobyerno po ang ating mahal na President BBM ay nandito, very, very active, very much present. Iyan ang sinasabi ng ating ‘Bagong Pilipinas Serbisyo Fair’,” sabi ni Speaker Romualdez.


“The ‘Serbisyo Fair’ truly breathed life into the aspirations of President Marcos to bring many government programs within the reach of people who may not have the means to avail of these benefits,” saad ni Romualdez.



 
 
RECOMMENDED
bottom of page