top of page
Search

ni Mylene Alfonso @News | September 28, 2023



ree

Ganap nang batas ang Trabaho Para sa Bayan Act makaraang lagdaan ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr., kahapon.


Pinangunahan ng Pangulo ang ceremonial signing sa Palasyo kasama ang mga kinatawan sa Senado, House of Representatives at mga opisyal ng gobyerno.


Kaugnay nito, ikinalugod ni Senate Majority Leader Joel Villanueva ang paglagda ng Republic Act No. 11962 o Trabaho Para sa Bayan Act na magiging cornerstone ng mga inisyatibo ng gobyerno sa paglikha ng trabaho at oportunidad para sa mga Pilipino at pagtugon sa mga isyu ng labor market sa bansa.


Layunin ng bagong batas, na iniakda at inisponsoran ni Villanueva na lumikha ng National Employment Master Plan na magsusulong ng “job-led economic growth and enhanced industry collaboration”, magpapatibay ng worker development at maglalaan ng suporta at insentibo sa mga negosyo.


Isinusulong ni Villanueva ang pagpapalakas ng momentum mula sa National Employment Recovery Strategy (NERS), kabilang na ang patuloy na pagtutulungan ng gobyerno at pribadong sektor upang makalikha ng dekalidad na trabaho at oportunidad para sa mga Pinoy.


Sa ilalim ng batas, ang pamahalaan ay magtatatag ng isang national employment generation at recovery master plan na may tatlo, anim at sampung taon na development timeline.


Kabilang sa master plan ang mga inisyatibo para sa pagsuporta sa small and medium enterprises, worker upskilling, employer incentives, youth employment, reintegration ng Overseas Filipino Workers (OFWs), at iba pa. Ang Trabaho Para sa Bayan Inter-Agency Council ang tututok at susuri sa pagpapatupad ng master plan.


Ang Council ay binubuo ng mga pinuno ng National Economic and Development Authority, Department of Trade and Industry, Department of Labor and Employment, Technical Education and Skills Development Authority, Department of Budget and Management, Department of Finance, Department of the Interior and Local Government, at mga kinatawan mula sa employers' organizations, labor groups, marginalized sector, at informal sector.


Ayon pa kay Villanueva, ang pagpasa ng Trabaho Para sa Bayan Act ay isa ring katuparan ng pangako ng Pilipinas sa ilalim ng International Labour Organization (ILO) Convention No. 122, o Employment Policy Convention, na nagsusulong na magkaroon ng active employment policy na siyang isa sa magiging pangunahing layunin ng macroeconomic policy.


Niratipikahan ng Pilipinas noong 1976 ang ILO Convention No. 122 na nagsasaad na “each member state shall pursue, as a major goal, an active policy designed to promote full, productive and freely chosen employment”.


Umaasa si Villanueva na mabibigyan ng sapat na pondo ang batas nang sa gayon ay maramdaman ng mga Pilipino ang benepisyong dulot nito.



 
 

ni Mylene Alfonso @News | September 27, 2023



ree

Kinuwestiyon ni Sen. Raffy Tulfo ang pagkakaroon ng mga VIP lounge sa mga paliparan sa bansa at sinabing ang mga ito ay dapat na gawing lounge para sa overseas Filipino workers (OFWs).


Ginawa ni Tulfo ang pahayag sa pagdinig ng Senate committee on migrant workers sa Senate Bill 2077 o Balikbayan Hub Act, na layuning lumikha ng mga hub na may tulugan, shower, banyo, at komplementaryong pagkain at inumin para sa mga OFW.


“Alisin na kaya natin ‘yung mga VIP lounge na ‘yan? Sino ba ‘yung mga VIP na dapat uupo doon, pupunta doon? Imbes na mga VIP lounge na ‘yan na ang lalaki, eh bakit hindi na lang natin i-convert sa OFW lounge mga ‘yun?” mungkahi ni Tulfo.


Ayon pa sa senador, “unnecessary” ang mga VIP lounge.


“Kasi ‘yung mga VIP can afford naman sila kumuha ng Mabuhay Lounge, 'di ba? Can afford naman silang dumating ng late kasi nga VIP naman sila. Kung minsan iniintay pa ng eroplano. Eh, ‘yung mga OFWs natin pumupunta nang maaga tapos nade-delayed ‘yung flights. Natetengga sila d'yan sa paligid-ligid,” paliwanag ng senador.


Sa panig ni Manila International Airport Authority (MIAA) OIC Senior Assistant General Manuel Gonzales, inihayag niya na maganda ang mungkahi ng senador.


Idinagdag ni Gonzales, na gumagawa na ang MIAA ng memorandum of agreement sa Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) para sa paglalagay ng hub sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).


Binanggit naman ni OWWA Administrator Arnel Ignacio na nais nilang magkaroon ng mapagtatambayan ang mga OFW sa NAIA Terminal 3. Naglaan umano sila ng P7 milyon para sa renovation.


Hiniling naman ni Department of Migrant Workers (DMW) OIC Undersecretary Hans Leo Cacdac, na isama ang lahat ng uri ng OFWs sa naturang panukala.



 
 

ni Mylene Alfonso @News | September 27, 2023



ree

Sumama kahapon si Senadora Imee Marcos sa mga nagprotesta sa harap ng Department of Finance (DOF) building na nananawagan sa pagbibitiw nina Finance Secretary Benjamin Diokno at NEDA Secretary Arsenio Balisacan sa gitna ng mga planong bawasan o tanggalin ang taripa sa inaangkat na bigas.


Sa isang panayam, sinabi ng kapatid ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr. na nagpakita lamang siya ng suporta na nagmula sa iba't ibang probinsya.


"Lahat ng barkada ko 'andito eh. Lahat ng kaibigan natin na mambubukid, mangingisda - lahat ng nanggaling sa Northern Luzon hanggang sa Central Luzon pati barkada galing Southern Luzon 'andito po. Nakikisuporta lang ako," sabi ni Marcos.


Nagbitbit ng mga poster nang sumugod ang mga ralista sa harap ng gusali ng DOF sa Maynila laban sa pagbabawas ng taripa sa inaangkat na bigas.


Nakasaad sa isa sa mga poster ang: “Mula kanayunan, nagpunta sa kamaynilaan! PBBM, amin pong panawagan Diokno at Baliscan, alisin d'yan! Support local production. Hindi Tariff Reduction”.


"Palibhasa wala ng bigas. 'Ayan, para lang makatulong sa kanila tutal hindi papayag si Bongbong (Marcos) dito. Sigurado ako d'yan dahil lagot tayo sa tatay ko," dagdag pa ni Imee.


Inalala ni Marcos ang posisyon ng kanyang ama — ang yumaong dating Pangulong Ferdinand Marcos, Sr. na sinabi niyang ibinasura ang opinyon ng mga economic managers pagdating sa bigas — isang staple crop sa Pilipinas.


"Sa aking ama, halos sinasabi niya na huwag na raw makinig sa "mumbo jumbo" ng mga ekonomista 'pagkat ang totoo, iba ang bigas," punto ng senadora.


Kumpiyansa si Imee na hindi papayag ang kanyang nakababatang kapatid na si Pangulong Marcos sa anumang ideya na bawasan ang taripa sa bigas.


"Sigurado ako na hindi 'yun papayag… Nagdala lang ng support dito dahil alam ko at panatag ang aking kalooban, kumpiyansa ako na hindi papayag si Presidente," diin ni Imee.


Nagbabala siya sa posibleng pagtulak na bawasan o tanggalin ang mga taripa sa inangkat na bigas sa loob ng isang buwang pahinga ng Kongreso.


"Ang nakakatakot lamang, alam natin na ang katapusan ng Kongreso ay bukas. Kapag natapos ang Kongreso at nagsara 'yung Senado, ang nakakatakot d'yan ay palulusutin 'yung reduction o 'di kaya zero tariff na importasyon sa kasagsagan ng anihan," hinaing ng senadora.


"Sobra naman sila. Nag-aani na ang lahat. Magsisimula na ang halos lahat ng bukid at ang kasagsagan n'yan ay sa katapusan, ngayon itong linggo na ito hanggang buong Oktubre. Bakit naman sila mag-i-import ngayon? Pambihira naman," dagdag pa niya.


Nakatakdang mag-adjourn ng sesyon ang dalawang kapulungan ng Kongreso sa September 30 at magbabalik sa November 5, 2023.




 
 
RECOMMENDED
bottom of page